GORGY RULA
Nasa 10th shooting day na ang pelikulang Take Me To Banaue na produced ng Carpe Diem Pictures ng Hollywood-based Fil-Am director na si Danny Aguilar.
Na-enjoy ng Hollywood actors na sina Brandon Melo at Dylan Rogers ang ilang araw na shooting nila sa Baguio City at Banaue, Ifugao, lalo na’t malamig doon.
Pero ang nag-enjoy rin nang husto ay ang lead actress ng pelikulang ito na si Maureen Wroblewitz at ang Kapuso actress na si Thea Tolentino.
Nababaitan si Maureen kay Thea dahil wala raw itong kaarte-arte.
“Marunong siyang makisama and we’re both mahiyain pa,” pakli ni Maureen nang ipinatanong namin sa isang staff ng pelikula.
Ito rin daw ang nagustuhan ni Thea sa model-turned-actress.
Ayon sa Kapuso actress, “Sobrang bait po niya. Down to earth, and she’s very sweet.
“Nung nagkukuwentuhan kami, feeling ko nakikipagkuwentuhan ako sa matagal ko nang kaibigan. Sobrang gaan niyang kasama.”
Ang isa pang ini-enjoy nilang dalawa ay ang maghulaan kapag nasa break sila. Marunong daw kasing magbasa ng tarot cards si Maureen.
Natutuwa si Thea dahil pawang tama raw ang hula ni Maureen sa kanya kapag binabasahan siya ng tarot cards. Binibiro nga naming baka maging "Madam Mauring" na si Maureen dahil sa panghuhula niya kay Thea.
Matagal na palang pinag-aralan ni Maureen ang pagbabasa ng tarot cards, kaya tumatama ang mga hula niya kay Thea.
Sa March 19 ay mapa-pack up na sila, at natutuwa si Direk Danny Aguilar dahil maayos ang kanilang shooting at napaka-efficient daw ng mga nakuha niyang production staff.
Hindi malayong masundan ng iba pang film projects ang Carpe Diem Pictures na kukunan dito sa bansa.
JERRY OLEA
Madam Mauring man o Madam Maureen ang itaguri sa model turned beauty queen turned actress… mahulaan kaya niya kung kailan ipapalabas ang nauna niyang movie na Runway kung saan katambal niya si Kit Thompson?
I wonder kung binabasahan din ni Maureen ng tarot cards ang giliw niyang si JK Labajo. May masasabi kaya ang mga baraha kaugnay sa reklamo ni Darren Espanto laban kay JK?
At any rate, ayon kay Direk Danny Aguilar, ang pangunahing tema ng pelikulang Take Me To Banaue ay justification. Hinimay sa istorya ang prostitution at colonial mentality.
“This script was conceptualized and developed taking into account that something personal is also universal,” sabi pa ni Direk Danny, na nakapag-asawa ng Haponesa.
“The journey of the protagonist embodies an authenticity that I believe many people from all walks of life can relate with…
“I hope Take Me To Banaue will inspire and transform people in a more cathartic way. And I hope this film can put the Philippines on the proverbial Hollywood map.”
NOEL FERRER
Sana gandahan nila ang paggawa ng pelikulang ito kung gusto nilang isali sa MMFF 2022.
Sana rin ay huwag i-romanticize ang pagiging banyaga sa Pilipinas at hindi lang gawing touristic ang project kundi maganda at nakakaaliw na analysis ng ating kultura.
Marami na kasing mga pelikulang nagawa sa Baguio o sa iba’t ibang spots sa Pinas, sana may bagong sasabihin ang pelikulang ito.