GORGY RULA
Live na mapapanood ang All-Out Sundays ngayong Linggo, March 27, 2022.
Hindi kasali rito si Tom Rodriguez, pero baka ibabalik naman daw siya.
Wala man si Tom, pero nandiyan naman si Xian Lim na first time niyang aapir sa AOS para i-welcome siya bilang bagong Kapuso leading man.
Ipu-promote kasi niya kasama sina Julie Anne San Jose at Jessica Villarubin ang kanilang show sa GMA Pinoy TV Expo 2020 Dubai sa March 30.
Bukod pa rito, nasa AOS din si Glaiza de Castro para mag-jamming sila ni Xian para sa promo ng drama series nilang False Positive.
Ilang beses namang sinasabi na sa amin ni Xian na excited na siya sa mga gagawin niya sa GMA-7, lalo na sa soap nila ni Glaiza.
Pero ang isa pang excited din kaming mapanood uli sa GMA-7 ay si Eugene Domingo. Isa si Uge sa special guests sa AOS, at may pasabog na number daw siya, bukod sa kanilang comedy segment.
Hudyat na kaya ito ng pagbabalik-Kapuso ni Uge?
Sana, magkaroon siya ng bagong show, dahil magaling naman ang actress-TV host.
Samantala, nabanggit din ni Jessica sa amin na todo promote daw siya sa Dubai show nila nina Xian at Julie Anne dahil first time daw niyang mag-perform sa ibang bansa.
Ito rin bale ang unang salang niya sa isang malaking live na concert, dahil nanalo siya sa The Clash na walang live audience na nanood.
“Siguro, maiiyak ako sa sobrang saya talaga. Kasi, isa po ito sa mga pangarap ko na makapag-perform abroad, and this is a very big event, and I’m very grateful na napasali ako dito.
“Basta siguro maiiyak ako, ‘no! Siyempre, I’ll try my best na mapasaya sila sa mga inihanda naming numbers,” pahayag ni Jessica sa nakaraang mediacon ng Stronger Together: GMA Pinoy TV at Expo 2020 Dubai.
JERRY OLEA
Magkaka-show kaya uli si Eugene Domingo sa Kapuso Network?
Totoo ba ang naulinigan namin na magkakaroon siya ng programa sa Net 25?
At any rate, best-of-the-best kantahan at sayawan mula sa paborito ninyong Kapamilya stars ang hatid ng ASAP Natin ‘To ngayong Linggo, Marso 27, sa local TV sa Kapamilya Channel, Jeepney TV, A2Z, at TV5, online sa Kapamilya Online Live at iWantTFC, at worldwide via TFC.
Kung may Xian ang All-Out Sundays, nasa ASAP naman ang dance royalty na si Kim Chiu.
Balikan muli ang ilan sa mga inabangang breakthrough performance sa ASAP stage, tulad ng nakakakilig na duet nina KD Estrada at Alexa Ilacad, at ang pang-malakasang pagbirit ni Gigi de Lana kasama ang GG Vibes Band.
Makirakrakan ulit sa Elvis Presley hits number nina Janine Gutierrez, Jeremy G, Sheena Belarmino, Janine Berdin, at Jason Dy.
Mamangha muli sa inspirational kantahan nina Gary Valenciano, Zsa Zsa Padilla, Regine Velasquez, KZ, Jona, Nyoy Volante, Jed Madela, Erik Santos, Yeng Constantino, Lara Maigue, Klarisse de Guzman, at Ogie Alcasid, kasama ang young singers na sina Reiven Umali at Angela Ken.
NOEL FERRER
Full blast na ang campaign season sa ating elections mula national hanggang local level, at natatandaan ko noon, puwedeng makagawa ng mga spoof tungkol sa mga kandidato at mga gawi nating mga Pilipino kahit sa mga variety shows.
Pero ngayon, parang hiwalay ang entertainment sa current events.
Imbes na maging napapanahon ang ating pang-aliw, inilalayo tayo ng mga entertainment shows sa pagiging “relevant” at “critical.”
Kasi, baka bumigat.
Wishful thinking ba ito—na sana, ang ASAP at AOS ay mag-level up para magkaroon ng education component ang entertainment. With the amount of talents we have at ang kanilang pull sa tao, sana talaga ay maging mas informed at relevant ang ating entertainment fare. Sana!