GORGY RULA
Para sa dating senador na si Jinggoy Estrada, hindi isyu ang pulitika sa kanyang mga kaibigan.
Nang nakatsikahan namin via Zoom nung Martes, April 5, 2022, tinanong ko sa kanya ang malalapit niyang kaibigan na sina Sharon Cuneta at Kris Aquino.
Naniniwala si Jinggoy na iboboto siya ni Sharon kahit hindi sila magkapartido. Si Jinggoy ay tumatakbong senador sa ilalim ng Uniteam nina Ferdinand Marcos Jr. at Sara Duterte, habang ang mister ng Megastar na si Kiko Pangilinan ay running mate ni Leni Robredo.
Saad niya, “I am confident that Sharon will vote for me. Because friendship goes beyond politics.”
Matagal na raw silang walang komunikasyon ni Kris Aquino, pero naniniwala si Jinggoy na pinahahalagahan pa rin nito ang kanilang pagiging magkaibigan at ninang ng kanyang anak.
Ani Jinggoy, “Regarding Kris Aquino, she is my kumare and she knows that I am a hardworking senator. So, I am hoping that she will vote for me.”
Hindi lingid sa kaalaman ng marami na suportado rin ni Kris ang kandidatura nina Robredo at Pangilinan.
Isa rin daw si Jinggoy sa nag-aalala sa kalusugan ngayon ni Kris kaya gusto niyang iparating na kung meron siyang puwedeng maitulong ay nakahanda siyang ibigay ito.
“I am worried about her. She’s been a friend to me since she started her showbiz career, and I am praying, hoping that she will regain her health.
“If there’s anything I can do for Kris Aquino, I’ll gladly do it for her.
“Kung ano yung gusto niyang gawin ko para matulungan siya para sa kanyang medical needs or whatever, ako naman, willing to give a helping hand.
“Despite the fact that we belong to different political parties. Again, friendship goes beyond politics,” pahayag niya.
Kahit ang kanyang kapatid na si Jake Ejercito, na alam niyang all-out ang suporta kay Vice President Leni Robredo, ay nirerespeto raw ni Jinggoy ang choice nito. Ganun daw sa kanilang magkakapatid, may respetuhan.
Willing daw si Jake na tumulong sa kanya sa pangangampanya kung siya lang, pero nasa lock-in taping lang daw ngayon ang aktor.
JERRY OLEA
Naitanong din kay Jinggoy ang kalagayan ng ating movie industry na nakakaligtaan daw ng ating gobyerno. Sana, may magawa na raw ang susunod na gobyerno manunungkulan sa bansa.
“Matagal nang nakakaligtaan ang movie industry. So ako, siguro, kailangang tulungan ng gobyerno.
“Meaning… kung paano i-subsidize yung mga pelikula na makabuluhan. Nandiyan naman yung FDCP [Film Development Council of the Philipppines], e.
“But still, kulang pa rin. Because I don’t think our producers will gamble on producing movies. Siyempre, natatakot pa ring lumabas ang mga tao.”
NOEL FERRER
Maganda ang naging gawi ng mga local officials na sinusuportahan at wine-welcome ang lahat ng mga leaders na dumadalaw sa kanilang lugar.
Kahapon sa Antipolo, nandun si Mayora Andeng Bautista-Ynares para sa courtesy call nina VP Leni at Senator Kiko.
Magandang mapanatili ang maganda at maayos na relasyon ng mga tao, dahil pagkatapos ng Mayo 9, wala nang kulay-kulay, Pilipino na lahat tayo.