GORGY RULA
Inamin ni John “Sweet” Lapus na napaiyak siya nang tinawagan siya ni Direk Mike Tuviera ng APT Entertainment para ialok na siya na ang magdirek ng bagong sitcom nina Dingdong Dantes at Marian Rivera, ang Jose and Maria’s Bonggang Villa.
Gusto rin daw ng mag-asawang Dantes na siya ang magdirek, kaya nagpapasalamat si Sweet sa ibinigay na tiwala, at pati sa APT na nagbigay sa kanya ng break na magdirek.
Si Sweet ang nagdirek ng romcom na Boyfriend No. 13 na ipinalabas sa WeTV Philippines. Bukod sa pagsusulat sa mga sitcom, pinag-aralan din niya ang pagdidirek dahil aminado siyang laos na siya bilang artista, at tanggap na raw niya yun.
Ang dami na nga raw ngayong mga sikat na komedyante galing sa TikTok na hindi na niya kilala at mahal pa ang talent fee.
“May mga baklang artista na sikat pala sila sa social media, hindi ko na kilala. So, tanggap ko na laos na talaga ako, sila na yung bago.
“Buti na lang, nabiyayaan ako ng ibang talent na kaya kong gawin. Kaya nag-aaral ako talaga. Itong pagdidirek, nag-aral ako talaga.
“Saka may time limit naman talaga ang mga baklang artista. Ang mga bida ngayon, hindi ko na kasing-edad. Hindi na ako ang sidekick nila siyempre.
“Yung mga sinayd-kick-an ko nung araw, nag-retire na rin, hindi na gumagawa ng pelikula,” pahayag ng comedian-director sa presscon ng Jose and Maria’s Bonggang Villa.
Malaki ang pasasalamat ni Sweet sa Diyos na napupunta pa siya sa mababait na producers, kagaya ng APT at sina Dingdong at Marian ng Agosto Dos.
“I am so thankful na nung nagsimulang maging direktor ako at doon na ako naka-focus, napakasuwerte ko sa mga producers ko. Mga mababait na tao, madaling kausap, naniniwala sa aking creativity.
“Malaking bagay yun lalo na sa direktor na bagong pasok sa trabaho ng pagdidirek. Mga tatlong taon pa lang akong direktor.
“I’m so thankful na napupunta ako sa mga producers na mababait at kilala sa industriya na mababait na tao,” pahayag ni Direk John ‘Sweet’ Lapus.
Magsisimula na ang Jose and Maria’s Bongga Villa sa Sabado, May 14, 2022, pagkatapos ng Pepito Manaloto: Ang Unang Kuwento.
JERRY OLEA
Nagdirek si Sweet ng Season 2 & 3 ng Kadenang Ginto nina Andrea Brillantes, Francine Diaz, Seth Fedelin, at Kyle Echarri.
Ginintuan ang ratings ng niyon, kaya may napatunayan na talaga siya bilang direktor. Happy na raw si Sweet sa kanyang career ngayon bilang direktor, at nagsusulat din siya sa Daddy’s Gurl.
Waley na raw ang love life, kahit may mga lalaki raw ngayon na very open na rin sa kanilang pagmamahal sa isang bading, kagaya ni Ion Perez kay Vice Ganda. Sana, may mahanap daw siyang ganun.
Sinasabihan daw siyang kapwa bading na lang o silahista ang subukan niyang dyowain, pero tingin daw niya ay hindi uubra.
“Hindi naman ako papatulan ng bi o ng gay din kasi tawag sa akin ‘Mama!’ ‘Mama, I’m coming.’
“Hinahada mo, ‘Mama, Mama…’ Proven na talaga… sa O Bar, o dito sa La Union, may pinuntahan akong gay bar. Hindi ko kilala, ‘Mama! Ay!’
“Kasi mga bakla, sabi nila, dapat bakla din o bi. Wala, e. Baka foreigner siguro, kasi walang pakialam sa trabaho o sino ako. Si Kaladkaren, si Jon Santos.
“Ako, aminado ako pag nag-a-abroad ako, may conscious effort ako na sana, makahanap ako ng dyowa. E wala talaga.
“E dito sa Pilipinas, wala, e. Lalaki lang talaga ang papatol sa akin, e. Tinanggap ko naman ang katotohanan.
“Siguro, regular hada hada na lang. Pareho lang naman, wala pang emosyon. Aminado naman ako.”
NOEL FERRER
May tiwala sina Dingdong at Marian kay John Lapus na idirek ang kanilang sitcom, at naniniwala sila sa pagiging artist nito.
Pahayag ni Dingdong, “Si Direk Sweet kasi ay isang artist. At ang isang artist, parating nag-e-evolve and I think, natural provision talaga ng isang artist na magkaroon ng maraming destinasyon.
“Kunwari, magsimula ka sa teatro, telebisyon, movie at pagdidirek. Who knows after direction, ibang larangan naman ng art. So, we’re very proud and happy to be under his care.”