GORGY RULA
Ngayong linggo na matatapos ang taping ng Kapuso primetime series na First Lady.
Three weeks na lang at matatapos na ito kaya hindi binibitawan ng mga sumusubaybay nito at consistent na mataas ang rating.
Nung nakaraang Biyernes, June 10, 2022 ay naka-15.2% ito, at 10.4% naman ang katapat nitong FPJ’s Ang Probinsyano.
Sumabay pa sa kainitan ng isyu ng eleksyon ang kuwento ng naturang drama series, at aminado si Sanya Lopez na kahit paano ay nakatulong din ito dahil nag-eeleksyon na rin sila at naglalaban sa pagkapangulo sina Melody (Sanya) at Madam Allegra Trinidad (Isabel Rivas).
“Partly nakatulong po dahil tungkol din sa eleksyon ang tema ng First Lady, lalo na sa mga eksena ko kung saan ako ang tatakbong presidente ngayon,” sabi ni Sanya na idinaan sa Kapuso Girl.
Sabi nga ng komedyanteng si Atak, na bahagi rin ng First Lady, parang hirap na hirap silang magpaalaman sa isa’t isa.
Totoo raw iyan, sabi ni Sanya, dahil lalo silang naging close lalo na ang grupo nilang Dears.
Ang isa sa pinaka-close sa kanya sa kanilang grupo ay si Maxine Medina na naging tulay para magkakilala sila ng star player ng basketball ng College of St. Benilde na si AJ Benson.
Nagkakilala sila ni AJ nung nanood sila ni Maxine ng laro sa NCAA, at nagkatuksuhan pa, pero hindi na raw sila nagkita uli.
Read: Sanya Lopez, itinutukso sa St. Benilde player na si AJ Benson
Sabi ni Sanya sa PEP Troika, “Close na close kaming Dears, at si Maxine super kasundo ko siya, sobra. Para kaming mga sisters.
“Kaya nung nanood kami ng basketball, kantiyawan din kami. Sa ngayon, di ko pa po nakikita si AJ Benson pero napanood kong magaling siyang mag-basketball.”
Samantala, hindi pa alam ni Sanya kung ano ang susunod na gagawin niya sa GMA-7 pagkatapos ng First Lady.
May ilang kilalang aktor na gusto siyang makasama sa isang project. Natuwa ang Kapuso actress nang ipinarating sa kanya ang balitang gusto siyang maka-partner ni Congressman Alfred Vargas sa isang drama series o sa pelikula.
“Nakakatuwa po na gusto rin nila akong makapareha. Lalo na dahil magagaling silang aktor.
“Tulad ni Congressman Alfred Vargas na nakasama ko po siyang mag-host ng Star Awards last year.
“Nakaka-excite rin kung sakaling pagsamahin kami sa isang project,” pahayag ni Sanya.
JERRY OLEA
Tatlong linggo na lamang sa ere ang First Lady.
Ito pa rin ang pinakamalakas na TV series ngayon, pero hindi nito natapatan ang lakas ng First Yaya na madalas nasa line of 2 ang ratings.
Ipino-promote na ang dambuhalang action adventure series ni Ruru Madrid na Lolong. Ookupahin ba nito ang iiwang time slot ng First Lady?
Dapat sana’y noon pa ipinalabas ang Lolong, in time sa eleksyon. Makabuluhan ang istorya nito, sapul ang mga buwayang pulitiko. Kaso, inabot ito ng katakut-takot na aberya.
Sana’y mai-promote ito nang lubos ni Ruru, kahit pa-South Korea na siya para sa two-month taping ng Running Man Philippines.
Nag-tweet ang JRB Creative Production nitong Hunyo 13, Lunes ng hapon, kalakip ang artcard ng Darna, “Paparating na siya. Abangan!”
Ang mga bida ng fantaseryeng Darna na sina Jane de Leon at Joshua Garcia ay nakisaya sa Philippine Independe Day celebration sa Bahrain.
Itong Darna ba ang ipapalit sa FPJ’s Ang Probinsyano? Magsasagupa ba sa telebisyon sina Lolong at Darna?
NOEL FERRER
We really miss those times when TV is enjoying higher ratings talaga.
Ngayon, ang dami na kasing choices — Netflix, Apple TV, iWantTFC, VivaMax, Hulu, HBO Go, Viu, UpStream, at marami pang iba. Di ba, Direk Joven Tan?
Tuwing nagbabago ng administrasyon, comedy ang pinakabumebenta.
Pero with this new one, mas tatapang kaya ang mga panoorin natin o mas magiging safe?
Abangan ang susunod na kabanata talaga!!!