GORGY RULA
Replay ang All-Out Sundays ngayong Linggo, June 19.
Sa ibang segments nito ay kasali pa si Tom Rodriguez na mahigit isang buwan ding naging bahagi ng naturang musical-variety show.
Pagkatapos pala nito ay umalis na siya pa-Amerika.
Ang isang segment na ipinalabas ay kasama ang bandang Agsunta, at pawang madamdamin ang mga kinanta nila.
Si Tom ang kumanta ng opening verses ng isang hit song ng banda na pinamagatang "Kung Di Na Ako."
Bago iyan ay may intro si Tom tungkol sa pagpaparaya ng isang taong minamahal, na sinasabi niyang hahayaan na niyang magpaalam kahit na siya ang masaktan.
Ramdam mo ang sakit sa mga sinasabi niya lalo nang kinanta ang ilang linya na, “Kung di na ako, kung di na ako’ng magpapatibok ng puso mo, paalam na, paalam na.
“Kung di na ako, kung di na ako ang dahilan, ayoko na tayong mahirapan pa. Paalam na.”
Kahit ang ilang taga-AOS na napagtanungan ko, nakikita raw nilang malungkot si Tom nung matagal-tagal din nilang nakasama. Kahit nakangiti, hindi pa rin naitatago ang lungkot na dala-dala niya.
Sinabi naman niya sa kanyang statement na masakit at malungkot itong pinagdaanan niya, kaya sa Amerika muna siya kasama ang kanyang pamilya.
Mukhang magtatagal daw muna siya roon, ayon sa ilang napagtanungan namin. Mas mabuting nandiyan ang kanyang pamilya na umaalalay sa kanya.
Samantala, humingi ang PEP Troika ng paliwanag mula kay Atty. Joji Alonso tungkol sa mga maaaring umiral na batas pag katulad nitong isinumiteng divorce ni Tom.
Ang buong akala namin ay kailangang dumaan pa sila sa annulment case dahil dito sila sa Pilipinas ikinasal.
Hindi na pala kailangan, dahil American citizen si Tom kaya ang batas ng Amerika ang sinunod nito, at yun ang ginawa ng aktor.
Ayon kay Atty. Joji, “As far as US law is concerned, they are now both single.
“As far as Philippine law is concerned, Tom is a divorcee and as such may legally remarry in the Philippines, after obtaining from his embassy a certification as to his legal capacity to remarry. Not that he is planning to do that anytime soon.
“On the other hand, Carla would need to have the foreign judgment [divorce decree] recognized before the Regional Trial Court in the Philippines.
“Once the court recognizes the decree, the same will be annotated on their marriage contract.
“Thereafter, she will be single again and may legally remarry.”
NOEL FERRER
Hard to pick up the pieces pero ang susunod na aabangan ay ang mga proyektong gagawin nina Tom at Carla sa GMA-7.
Kasama si Carla sa Voltes V: Legacy bilang Mary Ann Collins Armstrong, ang ina nina Steve, Big Bert at Little Jon.
Si Tom, ano kaya?
Somehow mas may lalim na ang paghuhugutan nila sa kanilang susunod na pag-arte.
Maganda ring itanong ang napag-usapan sa podcast nina Janice de Belen…. Open kaya ang dalawa sa pagtatrabaho na magkasama?
JERRY OLEA
Mas mahirap ang pinagdadaanan ni Tom. Bukod sa hiwalayan nila ni Carla, nawalan pa siya ng malaking halaga.
Sabi ni Tom sa kanyang statement, naloko siya ng malaking halaga. Totoo bang halos P20M ang naloko sa kanya ng isang kaibigang pinagkatiwalaan niya?
Marami pa rin ang nagtatanong kung ano ba talaga ang ugat ng hiwalayan nila.
Malaking palaisipan kung bakit nagpakasal pa si Carla kay Tom kung pitong taon na pala siyang nagtitiis sa piling nito.
Bakit? Bakit? Bakit?