GORGY RULA
Ibinahagi ni Moira dela Torre sa season 2 ng Idol Philippines ang ilang linya ng bagong kantang isinulat niya.
Na-post kasi sa Tiktok itong audition sa naturang singing competition ng isang contestant na si Delly Cuales.
Kinanta niya ang awiting "Maniwala Ka" ng bandang Aegis.
Pinuri si Delly ng lahat na mga judges na sina Moira, Gary Valenciano, Chito Miranda at Regine Velasquez.
Hindi niya napigilang maiyak at sinabi ni Regine na parang worried ito. Inamin ni Delly na may pinagdadaanan siya.
Tinanong siya kung ano ba itong pinagdaanan niya.
Ani Delly, “May live-in partner kasi ako. Hindi nagkaintindihan… nandito na po ako, bigla na lang umayaw sa relasyon namin, ganun.”
Sabi ni Moira sa kanya, “Alam mo may sinulat akong kanta recently. Ang lyrics niya, ‘Ang sakit pag akala mo tadhana, 'tapos kailangan lang pakawalan muli.’
“Pero sana huwag kang mag-alala dahil sa pagsara ng isang pinto, laging may mas magandang papunta. Delly, welcome to Idol Philippines.”
Itong pagsali ni Delly sa Idol Philippines ang maaring magandang patutunguhan ng paghihiwalay nila ng kanyang live-in partner.
Marami ang nag-comment na obvious na nakaka-relate si Moira sa pinagdaanan nitong si Delly Cuales.
Tiyak na marami pang mga contestants na magpapa-audition na halos may ganun ding karanasan, kagaya ng pinagdaanan nina Delly at Moira.
Mabuti at merong Idol Philippines na maaring isa ito sa paraan na mailalabas ni Moira ang naramdaman niya sa pinagdaanan niya sa ngayon.
Nakapag-move on na nga kaya siya? Itong kantang sinulat na nga ba ang "moving on" song niya?
JERRY OLEA
OK kung maging malikhain si Moira sa mga awit. Inaasahan natin ang mga hugot niya sa musika.
OK rin kung may tugon o hinaing din sa kanta ang estranged husband niyang si Jason Marvin Hernandez.
Mabuti na ang ganoon kesa patutsadahan at batuhan ng putik sa social media!
NOEL FERRER
Hindi naman sa nakaka-relate tayo sa moving on na tema pero salamat na lang at may musikang puwedeng maging creative outlet ng mga pinagdadaanan ng mga tao. At least, pagbubuo ito at hindi pagwawala.
Basta, isa sa mga natutunan ko, pagkatapos ng mga napapabalitang mental health concerns, listen to what our family and friends are not saying.
Iba na ang panahon ngayon talaga!