JERRY OLEA
Dalawang showbiz event ang nakansela nitong nakaraang Biyernes, Hulyo 15, dahil sa COVID-19.
Yung isang event ay sa lalawigan at tampok ang ilang mang-aawit.
“May nag-positive kaya hindi natuloy ang performances,” kuwento ng isang entertainment editor nang makatsikahan ng PEP Troika nitong Sabado ng gabi, Hulyo 16, via Messenger.
“Nag-tour na lang yung invited media people. So far, walang ini-release na statement ang organizer about this. Siguro para hindi na lang ma-tense ang lahat.”
Noong Huwebes, Hulyo 14, nag-preview ang musical ni Sam Concepcion na Joseph the Dreamer.
Kinabukasan, Biyernes ng hapon, Hulyo 15, may mga nag-Covid-positive sa cast kaya maagap na nagpasya ang producer na Trumpets, Inc. na ipagpaliban ang opening night ng Joseph the Dreamer.
Bahagi ng announcement ng Trumpets, “It is unfortunate that due to COVID Protocols, and some cast members testing positive this afternoon, we will have to postpone TODAY’s show (July 15).
“Your health and safety as well as that of our cast members are our main concern.
“We will advise everyone when the next show dates will be for these tickets or how to refund them.”
Hulyo 16, Sabado ng hapon, naglabas ng official statement ang president ng Trumpets, Inc. na ang biniling tickets para sa first weekend run (Hulyo 15-17) ay io-honor sa Agosto 5-7.
Nitong nakaraang Biyernes ng gabi, Hulyo 15, ay natuloy naman ang preview ng splatter film na Tahan sa isang mall sa Quezon City.
Present ang mga bida rito na sina Cloe Barreto at JC Santos, maging ang direktor na si Bobby Bonifacio, ang writer na si Quinn Carrrillo, at ang iba pang cast members.
Sa Hulyo 22, Biyernes ang Vivamax streaming ng nasabing pelikula.
Magkakahigpitan kaya muli sa mga event kung magkaroon muli ng surge sa COVID-19 cases?
Sa Hulyo 26, Martes, gaganapin ang pag-iisang dibdib nina Hidilyn Diaz at Coach Julius Naranjo sa Baguio City.
Kasama sa entourage ng kasal sina Sen. Manny Pacquiao, Atty. Leni Robredo, Dra. Vicki Belo, Angel Locsin, Iza Calzado, at Atom Araullo.
Sa Hulyo 30, Sabado, ang 70th FAMAS Awards sa Metropolitan Theater, Manila. Mahigit isang daang kilalang personalidad mula sa film industry ang inanyayahan dito.
Sa Hulyo 30 rin ang GMA Thanksgiving Gala kaugnay sa pagdiriwang ng ika-72 anibersaryo ng GMA Network.
Inaasahang mag-i-sparkle ang Kapuso stars sa glamorous event na ito!
Sa Hulyo 31, Linggo, naman ang coronation night ng 58th Bb. Pilipinas sa Araneta Coliseum, Quezon City.
Kabilang sa 40 candidates ng timpalak ang aktres na si Stacey Gabriel, ang konteserang si Chelsea Fernandez, at sina Graciella Sheine Lehmann at Herlene Nicole Budol aka Hipon Girl na eksenadora sa National Costumes competition ngayong Sabado sa New Frontier Theater, Cubao, Quezon City.
NOEL FERRER
Nabalitaan natin ang mga ganap na ito.
Sa theater productions, sabi ng taga-BGC Arts Center, parang hindi sapat ang mag-antigen test everyday na uwian. Kailangan na may sort of a lock-in arrangement ang nasa produksyon. Kasi, major factor ang pinupuntahan ng mga aktor in-between productions.
Napag-alaman natin na star-studded dapat ang opening at gala night ng Joseph The Dreamer, pero kailangang i-reset iyun sa first weekend of August.
Basta, ingat-ingat pa rin dahil ang ibang mga kaibigan ko ring nasa media like Hans Montenegro at kahit na si Chris Tiu ay may Covid (sa araw mismo ng birthday niya kahapon). Nag-positive din sa coronavirus ang isang septuagenarian actress.
Basta, ingat-ingat talaga!!!
GORGY RULA
Inaasahang tataas pa ang COVID-19 cases sa susunod na linggo. Kaya talagang dobleng ingat tayo.
Kahit sa ibang bansa ay naka-ilang wave na ang pagtaas ng COVID. Pero dito sa atin ay nasa low risk pa rin daw tayo.
Tingnan natin kung mababago ang status sa atin sa mga susunod na araw. Maaring maghihigpit uli ngayon ang ilang programa na tumatanggap na ng audience.
Napag-alaman ng PEP Troika na may ilang audience na nagku-confirm na darating para manood, pero pagdating ng date ng schedule ay hindi naman daw sila dumarating.
Maaring wala silang pamasahe o nag-iingat din.
May konting audience na rin sa It’s Showtime ngayong Sabado, Hulyo 16. Ewan ko lang kung tuluy-tuloy na ang pagpapasok ng audience.
May mangilan-ngilan din sa Eat Bulaga, pero mukhang mga kasamahan lang ito ng mga contestants.
Hindi dapat pakampante. Kailangan pa rin talagang mag-ingat.