NOEL FERRER
Ramdam ko ang kaibigan nating Judy Ann Santos-Agoncillo sa kanyang IG Story tungkol sa sibuyas.
Ang sabi ni Juday, “Sibuyas na puti! Nakakaloka ka! Dati kelangan ka munang hiwain bago maluha… ngayon, iniisip pa lang kita, naiiyak na ‘ko sa presyo mo!”
Dagdag pa niya sabay hugs sa puting sibuyas, “Pero dahil kelangan kita… kesa mas kailangan mo ako, huhug kita at nanamnamin kita bago kita iluto… importanteng namnamin ka bilang 550 ka per kilo. Kalerks!”
Hayyy, real talk at buhay-Pinoy na 'yan, ha!
Kung si Juday na 'yan na nararamdaman ang economic crunch, paano pa kaya ang karamihan sa ating mga kababayan?
Sana, maayos ito ng Unity!!!
JERRY OLEA
Expensive ang sibuyas. Nagkakaubusan ng asukal. Nganga tayo sa paghihintay kung kailan magiging P20 ang bawat kilo ng bigas.
Pero masaya sina Mang Kanor at Aling Tasing sa pelikulang Maid In Malacañang. Natawa sila rito, naiyak, at sa ending ay pumalakpak.
Abang-abang din ang moviegoers sa Expensive Candy nina Julia Barretto at Carlo Aquino, na nakatakdang ipalabas sa mga sinehan sa Setyembre 14, 2022.
Tiyak na pag-uusapan ang expensive movie na ito, na ang promo ay malamang na makasabay ng Kapuso primetime series na Start Up PH kung saan bida sina Bea Alonzo at Alden Richards.
Sa big screen si Julia, sa small screen si Bea.
Dadagsa kaya sa mga sinehan ang mga manonood sa mapangahas na pagganap ni Julia?
Gaano kataas kaya ang TV ratings ng unang drama series ni Bea sa GMA 7?
Hay, juday!!!
GORGY RULA
Hindi lang ang puting sibuyas ang expensive ngayon kundi ang iba pang bilihin.
Nadagdag pa rito ang pagbubukas ng face-to-face sa mga eskuwelahan. So far, umabot na ng 28M enrollees sa buong bansa, at sinabayan din ito ng nakaambang pagtaas ng gas bukas, August 23.
Ramdam na ng halos lahat ang hirap.
Nasilip ko nga ang post ng ilang celebrities na naggu-grocery na wala pa rin silang nakikitang puting sibuyas sa gulayan. Pati ang pagtaas muli ng presyo ng sili at ibang bilihin ay idinadaing na.
Meron ngang ibang artistang hindi na nagpapahanda ng breakfast sa bahay nila, dahil papasok naman sa taping. Nakakalibre na sila ng pagkain sa set.
Lahat ng puwedeng gawin para makatipid ay ginagawa na. Kagaya ng pagdadala ng sariling tumbler sa set, ang pag-recycle ng script, at marami pa.
Kaya may ekstrang budget pa ba sa taumbayan na lumabas at manood ng sine? Mag-aabang na lang ang iba ng libreng ticket para makapanood sa sinehan.