JERRY OLEA
Nakipag-rally si Atty. Ferdie Topacio nitong Setyembre 5, 2022, Lunes ng umaga, sa Taguig City dahil sa Vhong Navarro-Deniece Cornejo case.
Si Topacio ang abogado ni Deniece.
Read: Taguig prosecutors file rape case against Vhong Navarro
“Kick-off ngayon ng Crime Prevention Week,” sambit ni Atty. Topacio sa mediacon ng Borracho Film Production nitong Lunes ng hapon sa Pandan Asian Cafe, Sct. Limbaga St., Quezon City.
“Sumama ako sa rally ng Citizens Crime Watch, na since 1990s ay buhay na itong organisasyon na ito at talagang anti-crime kami.”
Nag-rally sila dahil hindi pa raw naira-raffle ang rape case ni Vhong Navarro. Anila, nasa rules of court na dapat i-raffle agad ang kaso kahit pa merong motion for reconsideration (MR) ang kabilang panig.
Bakit hindi pa iyon naira-raffle?
Napakunot-noo si Atty. Topacio, “Ayokong maghaka-haka. Kami lang, nakikiusap kami dun sa executive judge — let justice take its course.
“Eight years na naming hinintay ‘to. Do we have to wait another eight years? Huwag naman!
“Kasi, noong na-charge sina Cedric Lee, sina Zimmer Raz, sina Deniece Cornejo na serious illegal detention, nag-MR din kami pero ni-raffle.
“Inaresto rin sila, di ba? Sumuko si Deniece. Naaresto sina Cedric. Sumunod kami sa proseso. Dapat sumunod din sila sa proseso.
“Iyong MR, it does not operate as a stay dun sa raffle. Kasi ang raffle, automatic 'yan as a matter of course.
“Pag hinain iyan ng piskalya, inilagay sa list of cases to be raffled, ira-raffle 'yan. So, hopefully by tomorrow, sana.
“Para naman equal justice under the law. Yung prosesong ginawa sa amin, gawin din kay Vhong Navarro!
“Hindi naman puwede porke artista ka, hindi na masusunod yung proseso.
“E, pag mahihirap na mga kababayan natin, mabilis, e. Napa-file, nawa-warrant. O, e, bakit naman kay Vhong, nagtagal-tagal?”
Ilang araw nang nade-delay yung raffle?
“Na-file na last week, e. Iyang raffle, every Tuesday and Thursday. Dapat yung nearest raffle day kung kelan finayl, ma-raffle na!” bulalas ni Atty. Topacio.
“Eto, dumaan na ang isang linggo, walang raffle.”
Puwede bang tumagal pa na hindi inira-raffle ang rape case ni Vhong?
“E, hindi nga dapat yun! Well, we will cross the bridge when we get there. Pero kaya nga kami, pumunta roon para magbigay-pansin sa huwes na paki-raffle naman po, please!
“Para hindi na magkaroon ng question.”
GORGY RULA
Bailable ba yung kaso ni Vhong? Puwede ba siyang magpiyansa kung sakali
Paliwanag ni Atty. Topacio, “Misnomer kasi yung bailable and non-bailable. All cases are bailable.
“Kaya lang, kapag capital offense, if it carries a penalty of life imprisonment or reclusion perpetua, bail becomes a matter of discretion on the court.
“Pag lower than that, bail is a matter of right. Basta naghain ka ng piyansa, kailangang pakawalan ka.”
Kapag na-raffle ang rape case ni Vhong at may korte nang hahawak, iyong judge na ang magde-decide kung makakapagpiyansa ang isa sa hosts ng It’s Showtime?
“Unang-una, ide-decide muna ng judge whether there is probable cause to hold the accused for trial,” pahayag ni Atty. Topacio.
“And therefore, if there is probable cause, a warrant will be issued. Then, nakalagay dun sa warrant if no bail is recommended.
“Ngayon, kung gustong mag-bail ni G. Navarro… katulad nina Deniece Cornejo, di ba, no bail?
“Lilitisin ng hukuman yun kung dapat silang bigyan ng bail. Katulad kami, nabigyan ng bail si Deniece. E, dapat, ganun din ang proseso kay G. Navarro.”
So, if ever, habang nililitis si Vhong, dapat nakakulong siya?
“E, ganun talaga! Wala tayong magagawa run! That is the law!” pagdidiin ni Atty. Topacio.
“Hindi naman puwedeng porke’t ikaw, e, si X-44, si Mr. Suave, ay hindi na applicable ang batas sa ‘yo.”
Posibleng makulong si Vhong?
“Posible! Depende sa mangyayari. But the first step is raffle muna. What is stopping the raffle? Hindi ko nga maintindihan.
“Kaya kami, nakikiusap na maayos. Na huwag na sanang mahantong sa magkakaroon pa ng question yung justice system natin na hindi parehas.”
Isa si Kat Alano sa mga nag-react nang “mabuhay” muli ang rape case ni Vhong.
Si Kat ay ang TV and radio personality na nagsabing naging biktima siya ng rape nang siya 19 years old lamang noong 2005. Ayon kay Kat, isang sikat na "celebrity" ang nang-rape sa kanya.
Kahit hindi direktang pinangalanan ni Kat ang "celebrity" na nanggahasa umano sa kanya, may mga clue siyang ibinigay na malinaw na tumutukoy kay Vhong.
Read: Kat Alano reveals she was raped by a “celebrity” charged of rape, but was "allowed to go free"
Saad ni Atty. Topacio, “Nag-uusap kami personally ni Kat at around the same time. Maraming naglabasan diyan noon.
“Si Kat Alano is reluctant dahil nga, e, nakikita niya noon, ang justice system ay… because of the power of ABS-CBN — no offense sa mga taga-ABS-CBN na narito — ay talagang ang nangyari, yung biktima pa ang naging kontrabida, e.
“Witness naman kayong lahat kung paano siniraan yung pagkatao ni Miss Deniece Cornejo.
“E, sino namang maglalakas-loob na ganun kung lahat na mag-aakusa ng rape against Mr. Vhong Navarro — regardless of his guilt or innocence — ay aalipustain ng ganun katulad ng ginawa nila kay Ms. Deniece Cornejo.
“Talagang matatakot ka, di ba?”
Nakausap ba niya si Kat kung nagko-contemplate itong ireklamo rin si Vhong sa korte?
“Well, titingnan natin. May aksiyon na gagawin si Miss Kat Alano. Tumitiyempo lang siya at tinitingnan nga lang niya kung ano ang magiging resulta nitong kay Deniece,” tugon ni Atty. Topacio.
Siya rin ba ang magiging abogado ni Kat?
“Not necessarily. She may have her own lawyer. Pero we will assist her in any way. Kami sa Citizens Crime Watch ay tutulungan siya sa abot ng aming makakaya.”
Posible bang makuha si Kat na isa sa witnesses sa panig ni Deniece?
“Everything is possible according to our talks with Miss Kat Alano.”
JERRY OLEA
Kumusta na si Deniece?
“She’s OK. She’s in good spirit. Sabi niya, she has placed her faith in the Lord and the Lord has delivered her, and vindicated her,” pagbabalita ni Atty. Topacio.
“Di ba, nakalagay naman iyan sa Isaias. ‘Kung ikaw ay isang makatarungang tao, ang lahat ng mga kumakalaban sa iyo ay mapapahiya at mamamatay.’
“Hindi ako ang nagsabi niyan, nasa Bibliya iyan.
“Nung last kong kausap si Deniece, may worship service siya. Nasa Christian meditation siya out of town.
“Ayaw na niyang magpainterbyu but she’s ready, willing and able to testify in court kapag kinakailangan na.”
Ano ang reaksiyon ni Deniece na “nabuhay” ang rape case na idinulog niya sa husgado laban kay Vhong?
“She feels vindicated. Kasi nga, alam niyo naman, katulad ng sinasabi ko… ulitin ko, grabe ang paninira… paninirang-puri na ginawa kay Ms. Deniece Cornejo,” tugon ni Atty. Topacio.
“Lahat na lang, may mga eksperto daw na ginuest sa ABS-CBN, na sinungaling daw si Deniece.
“Ang kanyang pagkatao, pati mga ex-boyfriend niya, kinalkal. Ganun po katindi, ha, ang pagpoprotekta kay Mr. Vhong Navarro ng ABS-CBN.
“Na regardless again of his guilt or innocence, hindi dapat ganun, ha?! Kita mo, pati ang GABRIELA, tapang-tapang ng mga yun, e, ha?
“E, kita nyo, tameme pagdating diyan. Kaya nga ngayon, I was challenging them kanina, ‘O, GABRIELA, ba’t tahimik kayo? E, ang korte na ang nag-file ng probable cause. Natatakot ba kayo sa ABS-CBN?’”
Sasama pa ba si Deniece sa rally ng Citizens Crime Watch?
“Hindi na! She has been through enough. Kawawa naman siya. She’s rebuilding her life. Ngayon lang naaayos ang buhay niya na dinurog ng ABS-CBN.”
Mag-aartista pa ba si Deniece?
“Parang ayaw na niya, e. I think she’s happy where she is. Nakatapos siya ng mga kurso at she has placed her life in the service of the Lord,” pagngiti ni Atty. Topacio.
Posible bang iurong ni Deniece ang rape case laban kay Vhong?
“Well, I do not know, pero as of now, based on my latest conversation with her over the phone, she’s determined to see this thing through.”
NOEL FERRER
Narinig ko ang pahayag ni Vhong Navarro ukol sa pagkabuhay ng rape case laban sa kanya.
Pinanindigan ni Vhong na inosente siya sa mga akusasyon ni Deniece laban sa kanya.
Aniya, “Ang tangi ko lang kasalanan, hindi kay Deniece o kung sino pa man kundi sa aking girlfriend na asawa ko na ngayon.
“Inosente po ako sa ibinibintang nila sa akin. At papatunayan ko ito hanggang sa huli.”
Read: Vhong Navarro reiterates innocence in rape case, but takes blame for infidelity
Iyan ang sabi ni Vhong at aabangan natin ang susunod na mga magaganap sa kasong ito na noong Enero 2014 pa sumambulat.
Curious din ako kung ano ang reaksiyon ng ABS-CBN sa akusasyon ni Atty. Topacio na pinuprotektahan nila si Vhong. Mabigat na paratang 'yan, ha.