Watch Now

Herlene Budol, pinag-aagawan sa TV at pelikula: "Actually, hindi siya masarap sa feeling."

by PEP Troika
Sep 7, 2022
herlene budol smiling
Herlene Budol: “Hindi ko iwawala sa buong buhay ko ang pagiging Hipon Girl... Hindi ko siya wawalain, kasi, dun ako, e. Dun ako nag-start. Ang taong marunong lumingon sa pinanggalingan, mas iniaangat ng Panginoong Maykapal.”
PHOTO/S: Jerry Olea

JERRY OLEA

Ikinakasa na ang dalawang TV series at isang pelikulang pagbibidahan ni Herlene Budol aka Hipon Girl sa Kapuso Network.

“Happy po ako at ita-try po nilang pagkatiwalaan ako pagdating po sa pag-akting,” sambit ni Herlene sa mediacon ng Rejuviant nitong Setyembre 7, 2022, Miyerkules, sa Luxent Hotel, Timog Avenue, Quezon City.

“At ibibigay ko po sa lahat ng ginagawa ko yung best ko para hindi po talaga sila magsisi.”

Read: Herlene Budol, naka-meeting ang GMA-7 executives; may nakalinya nang TV series

Hindi pa siya pumipirma sa Sparkle (dating GMA Artist Center) pero bonggang projects na ang inilalaan para sa kanya.

“Ahhm, ayun na lang po ang abangan natin.”

Wala pang napipiling leading man para sa Kapuso afternoon drama series na pagbibidahan niya. Ang crush niyang si Alden Richards, hindi puwede dahil may iba itong projects.

Read: Herlene Budol steals a kiss from Alden Richards; says sorry afterwards

Kung papipiliin siya, meron ba siyang gustong makatambal?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Wala. Para sa akin, kung sino na lang yung ibigay kasi. Pero hindi naman po ako choosy kung ako ang mamimili,” mabining pagbungisngis ni Herlene.

Ang ganda ng tandem nila ni Buboy Villar bilang Malakas at Maganda sa teledramang False Positive. Buwag na yung tandem nila ni Buboy?

Read: Herlene Budol, Buboy Villar dinamihan ang eksena sa False Positive

“Malay niyo! Pero… kung ano lang po ang ibigay sa akin, go pa rin ako dun. Kahit nga si Buboy ang ibigay sa akin, palag-palag pa rin!” sambit ni Herlene.

Magsisimula na siyang mag-taping ng drama series sa Oktubre, kung saan susuportahan siya ng mga batikang artista. Kinakabahan ba siya?

“Sabi naman talaga nila, e… ikinagagalak ko yun siyempre. Sino ba naman ang hindi matutuwa, isang baguhan, isasama mo sa mga beterano.

“E, di jackpot ka nun bilang kaka-start ko pa lang po. Ahh, ayun nga po, kagaya ng sinabi ko kanina, gagawin ko po yung best ko para ikatuwa po nila at makaulit tayo ng maraming beses.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

May offer din sa kanya ang ALLTV (AMBS) at ang Viva. Pinag-aagawan siya!

“Hindi naman po. Siguro, ahhhmm, ano bang magandang sabihin dun? Siguro… ahhmm, blessed lang din po siguro. Suwerte, ayan,” pagpapakumbaba ng dalaga.

Ang GMA at ALLTV ang inaasahang maggigirian at posibleng magpasiklab muli ng network war. Anong feeling niya na pareho siyang gusto ng dalawang malaking istasyon?

Pag-amin ni Herlene, “Actually, hindi siya masarap sa feeling. Kasi, mahal ko sila parehas. So, ahhm, hindi ko rin alam kung ano ang magiging plano.

“Kaya abang-abang na lang din po tayo. Kasi, nakakaipit din po sa sitwasyon po.”

Paano kung si Willie Revillame mismo ang kumausap sa kanya para sundan o samahan niya ito sa ALLTV?

Natigilan sandali si Herlene bago sumagot, “Ahhm, God’s will pa rin po 'yan. Kung ano po yung ibinigay na lang po sa akin para… safe po yung sagot ko.

“May manager po kasi ako ngayon. Kung ano po ang sabihin ni Sir Wilbert [Tolentino], dun na lang din po ako susunod.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Dahil siyempre, sa ngayon, under niya po ako talaga at siya po ang gumagabay sa akin.

“At ang kapal naman ng mukha ko kung hindi ko susundin yun. Andami nang ibinigay sa akin nung tao — bahay at lupa — ano pa ang hahanapin ko, di ba?”

Lalaban siya sa Miss Planet International sa Nobyembre 19 sa Uganda. Kung magka-title siya roon, alin ang mas preferred niya — maging beauty queen or actress?

“Kung ano na lang po yung nandiyan. Kung ano na lang po yung mga obligasyon na kaya ko namang gampanan bilang ako talaga,” saad ni Herlene.

“Kasi, kagaya po ngayon na kaya ko pong gampanan yung pagiging first runner-up ko po sa Binibini, at siyempre, nakakapagtrabaho din po ako sa ibang bagay.”

GORGY RULA

Ang laki ng nabago kay Herlene, pero ganun pa rin siya magsalita. Walang pretensiyon at totoong-totoo siyang sumagot.

Bago siya sumali sa Binibining Pilipinas ay kinuha na pala siyang mag-endorse nitong Rejuviant kasama si Jessy Mendiola.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Pero ngayong nag-first runner up siya sa Binibining Pilipinas, at nakatakda pang sumali sa Miss Planet International sa Uganda, dinagdagan siya ng produktong ineendorso. Siya na ngayon ang endorser ng produkto ng Rejuviant na Premium Cocoberry Body Wash at Premium Cocoberry Instaglow Lotion.

Kuwela ang kuwento ni Herlene na dati raw ay bihira lang siyang maligo, lalo na ang paglagay ng lotion sa katawan dahil sa napakainit daw sa kanilang bahay. Ang lalagkit daw ng lotion na ginagamit niya noon, pero ngayon ay akmang-akma raw sa balat niya ang naturang produkto.

May bodywash na siya, kailangan daw niya ang madalas na paliligo.

“Yung bahay namin, parang nagpa-practice ka na papuntang impiyerno e,” bulalas ni Herlene.

“Alam mo yun… napa-practice na kayo ng buong pamilya mo sa impiyerno dahil sa sobrang init. Kakaligo mo pa lang…

“Kahit nga naliligo kami, pinagpapawisan kami… Alam mo yung nagmamantika ang balat mo kapag ano? Puwede na akong pagpritohan dati, feeling ko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Nauso kasi sa school, lotion-lotion sa kamay. Tapos nag-uuwi ako, tapos ginagamit ko. E, wala nga kaming kisame. Isang hakbang na lang talaga, impyerno na talaga.

“Kaya sabi ko, ‘Ay! Never na ako maglu-lotion!’ E, sinampal ako ng katotohanan ng Rejuviant.”

Aminado siyang bihira lang siyang maligo noon, pero ngayon ay maraming nabago sa kanya, at kailangan niyang gawin dahil sa kanyang image bilang beauty queen.

“Dati talaga, hindi ko favorite maligo. Lalo na ngayon, may bagyu-bagyo?

“Uy, pag naulan lang, ay perfect, walang ligo. Nag-iinit pa ako ng tubig, pag may emergency na lakad.

“Open book kasi ako sa lahat na ginagawa ako, kung ano ang ginagamit ko. Dati talaga, sure ako dun, hindi ako palaligo. So, mga singit-singit ko, dugyutin.

“Ngayon, medyo masipag na ako nang konti,” saad niya.

Pero dahil sa disiplinang natutunan niya sa Binibining Pilipinas, kailangan na niyang mag-ayos, lalo na’t may ineendorso na siyang beauty product.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Tuwang-tuwa ako dati na nakilala bilang Hipon. Kasi, parang effortless, e. Yes! Okay lang kahit haggard ako. Hindi trying hard magpaganda, di ba?

“Ngayon kasi, parang kailangan mo nang… hindi naman sa trying hard. Kailangan mo lang mag-ayos nang tama.

“Kasi, dati talaga, T-shirt na malaki lang ako, gangster-gangster, ganyan.

“Pero ngayon kasi, parang dapat babaehan na. Hindi naman dahil nabago ako. May nadagdag lang sa akin.

“Kaya ko pa rin naman maging kagaya dati kung ano ako, e. Kumbaga, nadagdagan yung kaalaman ko sa pag-aayos ko sa sarili ko,” buong puso niyang pahayag.

NOEL FERRER

Endorser na siya ngayon ng beauty product. Bagay pa rin ba sa kanya ang tawag na Hipon Girl? Gagamitin pa rin ba niya ang taguring iyon, o aalisin na?

Sagot ni Herlene, “Hindi! Hindi ko aalisin yun, ‘no?! I love hipon. Pero ngayon, nagsasawa na ako sa pagkaing hipon, e.

“Dati, favorite ko na yun, e. Wala, e! Ikaw ba naman, since 2018, lahat ng pinupuntahan ko… ipinapakain sa akin, hipon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Lahat ng klase. Kaya siguro ngayon, isa-isa na lang, ganyan. Dati, patay-gutom ako sa ganyan, e! Oo!

“Hindi ko iwawala sa buong buhay ko ang pagiging Hipon Girl. Pag nagpapakilala nga ako, e, kahit maghahanap ako ng trabaho, sasabihin ko… Herlene Hipon Budol po ang sasabihin ko.

“Herlene Hipon Nicole Budol. O, di ba, ang dami? Shout out nga pala sa mga ka-Squammy, Hiponatics, mga ka-Budol diyan!

“Hindi ko siya wawalain, kasi, dun ako, e. Dun ako nag-start. Ang taong marunong lumingon sa pinanggalingan, mas iniaangat ng Panginoong Maykapal.”

We wish Herlene all the best!

Sana, maging suwerte siya sa kanyang mga projects at sana, magtagpo sila ng sinasabing ka-look-alike niyang kapatid natin sa panulat na si Dolly Anne Carvajal. Aabangan ko ang kanilang pagtatagpo kung sakali at para tayong namamalikmata.

HOT STORIES

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Herlene Budol: “Hindi ko iwawala sa buong buhay ko ang pagiging Hipon Girl... Hindi ko siya wawalain, kasi, dun ako, e. Dun ako nag-start. Ang taong marunong lumingon sa pinanggalingan, mas iniaangat ng Panginoong Maykapal.”
PHOTO/S: Jerry Olea
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results