JERRY OLEA
Limang pelikula ang nag-open sa local cinemas noong Setyembre 28, 2022, Miyerkules.
Tatlo sa mga ito ay banyaga — ang psychological thriller na Don’t Worry Darling, ang supernatural psychological horror na Smile, at ang Thai sci-fi thriller na The Lake.
Dalawa ang gawang-Pinoy, ang Always at Sugat Sa Dugo: Ang Katotohanan (Wounded Blood: The Truth).
Ang Always ay reunion movie ng KimXi tandem nina Kim Chiu at Xian Lim. Handog ito ng Viva Films, na siya ring producer ng Maid in Malacañang ni Cristine Reyes, Expensive Candy nina Julia Barretto at Carlo Aquino, at ng coming soon na May-December-January nina Kych Minemoto, Andrea del Rosario, at Gold Aceron.
Remake ito ng 2011 South Korean film na pinagbidahan nina So Ji-sub at Song Il-gon. Ang Pinoy version ay ikalimang remake na ng nasabing drama film.
Ang unang remake ay Sadece Sen (2014) sa Turkey. Dalawa ang remake nito sa India sa magkaibang wika, Boxer (2015) sa Kannada, at Do Lafzon Ki Kahani (2016) sa Hindi. Ang Japanese remake titled Kimi no Me ga Toikaketeiru/Your Eyes Tell (2020) ay tinampukan nina Ryusei Yokohama at Yuriko Yoshitaka.
Facebook post ng Cinema Exhibitors Association of the Philippines (CEAP) ngayong Setyembre 30, Biyernes ng umaga, “Ano mang adaptation iyan, ALWAYS kang paiiyakin at pakikiligin!
“A must-watch Philippine adaptation of the hit KOREAN film 'ALWAYS'. Starring one of the BIGGEST LOVETEAMS in the industry, Kim Chiu and Xian Lim! Directed by Dado Lumibao and written by Mel Mendoza-Del Rosario.”
Samantala, ang advocacy film na Sugat Sa Dugo ay launching film ni Khai Flores, at suportado siya rito nina Janice de Belen at Sharmaine Arnaiz.
Sa mga natawa sa titulong Sugat Sa Dugo, at nagtatanong kung nasusugatan ba ang dugo, ang sagot ng direktor ng movie na si Danni Ugali, “May mga title naman po tayo na hindi literal ang ibig sabihin at malalaman or maiintindihan mo po sya pag napanood mo yung pelikula kung bakit yon ang napili namin na title.”
Kabilang sa mga pelikulang ipalalabas sa local cinemas next month ang Ticket to Paradise (Oktubre 5), The Woman King (Oktubre 5), Amsterdam (Oktubre 6), May-December-January (Oktubre 12), Black Adam (Oktubre 19), at Prey for the Devil (Oktubre 28).
NOEL FERRER
Nakakakaba pa rin ang pelikula sa atin. Pero lakasan din lang ng loob.
Some people have dared it na, sana suportahan ng mga tao.
Deadline pa naman ngayon ng MMFF 2022 finished film submission. Sana by then, Kapaskuhan, bumalik na ang dating sigla ng pelikula.
GORGY RULA
Ayon sa ilang napagtanungan namin, parang mas mahina pa raw sa takilya itong Always kesa sa Expensive Candy na iprinodyus din ng Viva Films.
Nung unang araw ng Always sa mga sinehan nung Miyerkules, September 28, ay mahigit P800,000 lang daw ang kinita nito.
Mas matindi ang sa Sugat sa Dugo na inaasahan naman noon pang hindi ito gaanong kakagatin sa takilya. Pero nakakalungkot lang na hindi man lang ito nasuportahan ng ibang grupong nagpu-promote on AIDS awareness.
Kaya parang magdududa ka kung kaya bang ibalik ng Metro Manila Film Festival 2022 ang sigla ng sinehan.
Napag-usapan nga namin ito ngayong Biyernes sa lunch sa executives ng Prime Video, kung saan kabilang si Direk Quark Henares. Sinabi niyang huwag naman sanang isisi sa streaming apps na naglilipana ngayon sa ating bansa ang paghina ng cinemas.
Nilinaw ni Direk Quark na sa kanila sa Prime Video o sa Amazon, ina-allow nilang mapalabas muna sa mga sinehan bago i-stream sa Amazon.
Saad niya, “Ako kasi, more than anything, director ako, e. For me, parang sacred yung cinematic experience.”
Pero sa sitwasyon daw natin ngayon, kahit wala namang streaming, hindi pa rin ganun kadami ang mga taong lumalabas para manood sa mga sinehan.
“Iyon ang maganda sa Amazon, even before. Sila lang yung only streaming na very supportive sa mga cinemas.
“Pinalalabas muna nila sa mga sinehan before going to streaming, kasi they knew na may value pa,” dagdag niyang pahayag.
Nakausap nga raw ni Direk Quark ang ilang taga-FDCP (Film Development Council of the Philippines), na nagsabing hindi lang naman sa Pilipinas mahina ang mga sinehan kundi pati sa ibang bansa.
Sa Italy, mahina na rin ang mga sinehan at halos 20 percent na lang ang mga natitirang sinehan.
“Feeling ko, even without the streaming, parang wala pa ring nanonood, e. I don’t think it’s the fault of streaming apps,” saad ni Direk Quark.
Sa Amerika, ratsada ang mga streaming platform na Netflix, Disney+, HBO Max, Hulu, Paramount+, Peacock, at Prime Video. Paramihan at pagandahan sila ng contents, bago man o luma.
Sa Pinoy streaming apps, nangunguna pa rin ang Vivamax na may 4M subscribers worldwide.
Ngayong Setyembre 30, Biyernes, ay streaming na sa Vivamax ang erotic-drama film na Girl Friday kung saan bida sina Angeli Khang, Jay Manalo, at Jela Cuenca, sa direksiyon ni Joel Lamangan.
Sa Oktubre 2, Linggo, ay streaming naman sa Vivamax ang second episode ng erotic drama series ni Janelle Tee na AN/NA, sa direksyon ni Jose Javier Reyes.