GORGY RULA:
Maganda ang ratings ng pagsisimula ng bagong historical portal fantasy series ng GMA-7 na Maria Clara at Ibarra. Naka-15.1% ang rating ng pilot episode nung nakaraang Lunes, October 3, 2022. Nakakuha ng 7.1% ang katapat na Darna.
Bahagyang tumaas ito nung Martes, October 4, na naka-15.4%, at 6.4% naman ang Darna. Kaya nagpapasalamat ang buong team ng Maria Clara at Ibarra sa suportang ibinigay sa kanilang pagsisimula.
Pinagbibidahan ito nina Barbie Forteza, Julie Anne San Jose, at Dennis Trillo.
Halos lahat naman na komentong nakita namin sa social media at pinupuri ito at nagpapasalamat na gumawa ang GMA-7 ng ganitong proyekto.
Mas maganda raw ito lalo na sa mga kabataang hindi na gaanong maalam sa kuwento ng ating kasaysayan.
Kaya nga sabi ng isa sa mga cast na si Ces Quesada, "megaserye" raw ang tawag niya rito sa Maria Clara at Ibarra dahil sa laki ng proyektong ito malaki ang adhikaing gustong iparating sa mga manonood.
Si Ces ay gumaganap dito bilang si Tiya Isabel, ang pinsan ni Kapitan Tiago (Juan Rodrigo) na nag-alaga kay Maria Clara (Julie Anne San Jose).
Ani Ces, “Nagpapasalamat ako sa buong GMA team, because napapanahon talaga itong pagpili ng ganitong klaseng megaserye. Hindi kasi ito ordinaryong teleserye.
“I call it megaserye in terms of scope, artistic, technical, production, everything. I just want to thank GMA for their efforts, because hindi biro ang gumastos ng effort ng tao. Hindi biro ang gumastos at maglagay ng malaking project, lalo na ngayon.
“Iyun nga ang responsibility na it goes beyond ratings, and I am so happy that somebody took this risk.”
NOEL FERRER:
Madamdamin naman ang pahayag ni Lou Veloso sa nakaraang mediacon ng Maria Clara at Ibarra.
Ginagampanan ni Lou ang role bilang si Mr. Jose Torres, ang professor ni Klay (Barbie Forteza) sa Rizal studies at naging rason kung bakit napunta ito sa kuwento nina Maria Clara, Ibarra, Padre Damaso, Padre Salvi, Elias, Sisa, at Doña Victorina.
"Bilang mga tagagawa ng pelikula at mga artista, siguro kailangan may ambag tayo o tulong sa sinasabi ni Rizal na ang kabataan ang pag-asa ng bayan.
"Pero hindi pa natin naiintindihan eksakto yung sinasabi ni Rizal na ang kabataan ang pag-asa ng bayan.
"Nung maliit ako, siguro sinasabi na ako yung pag-asa ng bayan. Ngayon nag-senior citizen na ako, at iba naman ang sinasabi na ang kabataan ang pag-asa ng bayan. Pero hindi pa natin nakikita yung talagang pag-asa ng bayan.
"So, siguro responsibility natin bilang tagagawa o alagad ng sining at pelikula ay mag-ambag kahit papaano na maidi-develop natin at maibubulong natin sa ating mga kababayan na may panahon, marami pang panahon na magkaroon tayo ng ambag sa ating mamamayan, na tayo’y mga Pilipino, mahalin natin ang bansa natin."
Sana nga, umariba pa ang ganitong mga panoorin sa free TV para dumami pa ang orihinal at may saysay na serye na tumutukoy sa ating kultura.
JERRY OLEA:
Magandang balita para sa mga Kapuso na ispageting pataas ang ratings ng Maria Clara at Ibarra, samantalang bumababa ang lipad ni Darna.
Kaabang-abang kung eeksena sina Barbie Forteza, Julie Anne San Jose, at Dennis Trillo sa kauna-unahang Halloween party ng Sparkle (GMA Artist Center)… The Sparkle Spell: Ghosting Made Fun. Sa Oktubre 23, 2022, Linggo ang bewitching event na ito.
Take note na hanggang ngayon ay wala pang balita kung itutuloy pa ba ang ABS-CBN Ball kung saan ipagdiriwang ang ika-30 anibersaryo ng Star Magic.
Speaking of ghosting, kumusta naman ang kasunod na programa ng Maria Clara at Ibarra na ang Start-Up PH? Nagpaparamdam ba ang pagtaas ng ratings nito?
Sabi-sabi’y slow burn ang prime-time series nina Bea Alonzo at Alden Richards.
Noong nakaraang Huwebes at Biyernes ay sumampa na sa two digits ang ratings nito. Harinawang huwag maging Start Down PH iyon!