GORGY RULA
Hindi nakaramdam ng takot ang dating Hashtag member na si Luke Conde sa mga naglilipatang artista sa GMA-7.
May ilan pang nakalutang na pangalang magiging Kapuso na raw kaya kung iisipin, paliit nang paliit ang chance na mabibigyan siya ng magandang project.
Read: Luke Conde: "Masaya po ako na isa na po akong Kapuso."
Hindi raw naisip iyon ni Luke dahil mula nang lumipat siya ng GMA 7 at hina-handle na siya ng Sparkle ng GMA Artist Center, hindi siya nawawalan ng trabaho. Hindi pa siya nabigyan ng show na siya ang bida, pero hindi siya nawawalan ng trabaho.
Marami siyang guestings sa mga Kapuso show, at ang latest nga ay na-enjoy niya ang special participation niya sa Lolong.
Thankful siya sa Sparkle dahil nakuha nila ang endorsement ng Hanford briefs. Si Luke ang bagong brand ambassador ng brand at inilunsad siya nung nakaraang Biyernes, October 7, 2022.
Malaking karangalan daw sa kanya na nakahilera ang mga bigating artistang dating nag-endorse ng naturang undergarment kagaya nina Cesar Montano, Dingdong Dantes, Dennis Trillo, Mikael Daez, at marami pa.
Binanggit na rin doon ni Luke na meron nang inihahandang bagong drama series para sa kanya. Hindi lang daw niya puwedeng ikuwento ang buong detalye.
“Ang alam ko po kasi, ginagawa pa po yung script saka kinukumpleto po yung casting po. So, nasa stage pa po sila ng ganun.
“Excited din po ako kung ano po yung kabuuan po nung project. Pinagri-ready lang po ako,” pahayag ni Luke.
Kahit nababalitaan din niya ang iba pang sikat na artistang naglilipatan ng GMA-7, ramdam daw niyang hindi siya pinababayaan ng Sparkle.
“Sa akin naman, kung ano po yung darating na project na ibibigay ng network dun naman po ako.
“And I think being part of Sparkle talaga, alam ko po hindi po ako pababayaan since na lumipat po ako, hindi naman sila nagpabaya sa akin. I think na pag may dumating and they are all welcome naman.
“Ang maganda po dun, you have to improve yourself pa rin,” dagdag na pahayag ni Luke.
Naka-focus muna ngayon ang Kapuso hunk sa pag-eensayo dahil kailangang fit na fit daw ang katawan niya sa pictorial niya para sa Hanford briefs.
JERRY OLEA
Ang ilang endorser ng naturang undergarment brand ay walang pictorial na underwear lang ang suot. Ang iba ay nakapantalon at nakikita lang ang itiketa ng brand.
Pero si Luke ay keribels na brief lang ang suot. Hindi nga lang puwede sa billboard sa EDSA. Pero gusto niyang maganda ang katawan niya sa pictorial.
“Alam naman natin pag underwear ang ini-endorse mo, you have to be fit. Kailangan ready ka,” pagmamatwid ni Luke, na ibang-iba ang itsura seven years ago.
“I think sa pagwu-workout ko… think dapat na meron ding bunga itong pagwu-workout ko po. Meron ding paglalagyan. It’s a perfect avenue para i-share iyun at ipakita.
“Kasi alam naman natin pag tumatanda tayo, hindi naman forever na ganito ang katawan mo.”
NOEL FERRER
Congratulations, Luke, at napansin ang asset mo na sinasabi mong iyong physique.
Obvious naman sa mga social media posts ni Luke na mapangahas siya at wala siyang kebs magtalop. At mukhang naging bentahe pa niya ang controversy sa kanya na may kinalaman sa kanyang kahubdan.
Now na napansin ka na sa iyong katawan, sana mapansin ka rin sa iyong pagiging aktor because that’s what you are in showbiz for.