GORGY RULA
Ang cute ng pangma-marites ni Korina Sanchez-Roxas kay Sylvia Sanchez-Atayde, na special guest niya sa kanyang programa sa NET25 na Korina Interviews nung nakaraang Linggo, October 9, 2022.
Read: Korina Sanchez has a new show on Net25; is she open to joining ALLTV?
Ang ganda ng tsikahan nila tungkol sa mga anak ng premyadong aktres.
Kagaya natin, gusto ring malaman ni Madam Korina kung ano ba talaga ang namamagitan kina Ria Atayde at Zanjoe Marudo, kaya hindi niya ito pinalagpas at kinumusta kay Sylvia.
“Ang huli naming pagkikita ni Ria, nag-usap kami. Kasi hiwalay na kami ng bahay, e. Solo na siya. Sinabi niya, hindi pa raw.
“Pero nagliligawan, parang nagpaparamdaman, e, ganun. Hindi ko masabi na oo talaga, kasi wala pang pag-amin, e. Wala pa talaga,” napapangiting pahayag ni Sylvia.
Itinuloy na ni Korina ang tungkol naman sa anak niyang si Congressman Arjo Atayde at fiancée nitong si Maine Mendoza.
Read: Maine Mendoza and Arjo Atayde are engaged
Tanong ni Korina kay Sylvia: “Handa ka na bang magkamanugang?
Sagot ng aktres: “Handang-handa na ako.”
Tinanong din daw ni Sylvia si Arjo kung kailan ba ang kasal, pero wala pa raw date.
“Wala. Hindi ko pa alam, kasi hindi pa naman sila nagsasabi sa akin, e,” pakli ng aktres.
“Pero siyempre, alam ko yun na ang kasunod, kasi yun ang gusto nila, e. Pero yung date, hindi ko tinatanong.
“Hinahayaan kong si Arjo ang magsabi sa akin, di ba? Yung, 'Kailan ba, anak?' ‘Malapit na, Mom. Malapit na.’ Kasi siyempre, gusto ko na magkaapo.”
Pagdating sa ganung bagay ay raw ayaw niyang pakialaman o pangunahan ang kanyang mga anak.
“Siyempre, bahala sila kung gusto nila. Pero, parang gusto na ng dalawa e,” sabi pa ni Sylvia.
Sana ma-promote ng NET25 ang mga programa nila tuwing Linggo. Napatutok na kasi ako dito.
Pagkatapos ng Korina Interviews, sunod ang kakaibang comedy ng Love, Bosleng and Tali, at tuluy-tuloy na sa game show ni Aga Muhlach na Tara Game, Agad Agad na magsisimula na ang second season sa darating na Linggo, October 16.
JERRY OLEA
Matagal na palang nakabukod sina Arjo at Ria dahil kaya na nilang mamuhay nang sarili nila.
Bilang isang napaka-protective na ina, mahirap din daw kay Sylvia kanyang pakawalan ang kanyang mga anak.
“Nung una siyempre pinigilan ko, kasi parang nalulungkot ako. But, kailangan mag-let go ka talaga bilang nanay, e.
“Kaya hinayaan ko silang hanapin yung sarili nilang buhay.
“Mabuting matuto din. Kasi hindi naman habang buhay, buhay tayo sa mundong ito. Para pag wala ako, kaya nila. Strong sila na tao,” sey ni Ibyang.
NOEL FERRER
Ang isa sa ikina-proud ni Ibyang bilang ina, napalapit daw niya ang kanyang mga anak sa buhay ng mga mahihirap.
Nung bata pa ang mga anak ay dinadala niya ang mga ito sa bayan nila sa Agusan del Norte para makita ng mga ito kung ano ang buhay niya roon.
Kuwento ni Sylvia, “Mula nine years old, Arjo is 31 now, namimigay sila ng mga kung anu-ano sa mga kababayan ko. So, lumaki silang tumulong.
“Mulat sila sa buhay ng mga mahihirap. Mulat sila sa buhay ng may kaya, may pera. Alam mo yun?
“Kasi nung bata sila, lumalaki sila, mulat sila sa mundo ng daddy nila na may pera, may kaya, na kaya nilang bilhin ang gusto nilang bilhin. May yaya, hatid-sundo sa school. Mulat sila ng ganun.
“Ang sabi ko, 'Sandali lang. Paano yung mundo na alam ko? Yung mahirap. Yung minsan kinakapos.'
"Kaya ang ginawa ko, binalanse ko, dinala ko sila sa Mindanao.
“Baka kasi isang araw, di ba, ito lang ang alam ng mga bata, baka hindi mo maiwasan iba yung tingin nila sa mga mahihirap. Ayokong mangyari yun, kasi ako yun.”
Tayo sa PEP Troika, aabangan natin ang kasalang Arjo at Maine… at ang pagiging official nina Ria at Zanjoe.
Happy happy at love love love lang lahat!!!