GORGY RULA
Hindi pala natuloy ang taping ni Herlene Budol noong Linggo, October 16, 2022, para sa pinagbibidahan niyang drama series sa GMA-7, ang Magandang Dilag.
Handang-handa na silang lahat, pero biglang nagkasakit ang comedienne-beauty queen.
Napapansin na raw nila sa script reading na iba na ang boses ni Herlene. Sinisipon na pala siya, at kinagabihan ay nilagnat na.
Nag-chill pa nga raw ito, kaya natakot silang baka COVID. Pero negative naman daw siya sa huling antigen nang mag-look test sila.
Para sa safety ng lahat, pina-pack up na lang at ipina-RT PCR test si Herlene para matiyak kung nagkatrangkaso lang ito at hindi naman COVID.
Mabuti na lang at negative naman daw ang resulta sa RT PCR test, kaya pina-move na lang nila ang taping.
Bukas, Martes, October 18, na raw nila ni-resked ang first taping day nila.
Duda namin, baka na-pressure lang si Herlene dahil sa mabibigat na artista agad ang makakaeksena niya.
Makakasama niya sa first taping si Sandy Andolong na gumaganap na nanay niya, at ang isa sa makaka-partner niyang si Benjamin Alves.
Isusunod na rin daw ang mga eksena niya kay Christopher de Leon na may special participation sa seryeng ito.
Talagang pag-aaralan daw niya dahil sabi nga ni Herlene, makakasama na niya sa trabaho ang mga dati niyang tinitingalang artista.
NOEL FERRER
Focus-focus, lang Herlene. Huwag mag-overthink at laging isapuso lang na you are really blessed.
Kung next year pa naman ito, mukhang masuwerte talaga ang GMA7 sa Afternoon Prime lineup nila. Kaya namnamin mo itong una mong serye, and your first taste too of showbiz stardom.
Huwag lalaki ang ulo, ha!!!
JERRY OLEA
Hanash ni Herlene sa Facebook, “Minsan nakakalimutan natin na ang ikot ng tubig at ang cycle ng buhay ay iisa.”
Malaking hamon para sa "Nag-iisang Reyna ng mga KaBudol, KaSquammy at KaHiponatics" ang pagbibida sa Magandang Dilag, lalo pa’t umaariba ang Kapuso afternoon prime.
Aba! Kinakabog pa ng panghapong Abot Kamay Ang Pangarap ni Jillian Ward ang ratings ng Start-Up Ph nina Alden Richards at Bea Alonzo.
Inaasam natin na gandara rin sana ang ratings ng Magandang Dilag kapag umere na ito.