GORGY RULA
Patuloy na umaariba sa ratings ang afternoon drama shows ng GMA-7 lalo na ang Abot Kamay Na Pangarap nina Jillian Ward at Carmina Villarroel.
Nung nakaraang Biyernes, November 4, 2022 ay naka-9.1% ito. Mas mataas pa sa finale episode ng Return to Paradise na 8.4%.
Ang sumusunod na Nakarehas na Puso ay 8.2%, at ang Thai drama series na Put Your Head on My Shoulder ay 4.3%.
Consistent pa ring mataas ang Family Feud na naka-12.6%.
Samantala, nung nakaraang Lunes, November 7, ay okay rin ang pilot episode ng Unica Hija na pumalit sa timeslot ng Return to Paradise.
Naka-7.2% ang Unica Hija, habang ang Abot Kamay na Pangarap ay naka-8.4%, at naka-7% naman ang Nakarehas na Puso.
Pagkatapos nito ay sumunod ang Put Your Head on My Shoulder na naka-3.5%.
JERRY OLEA
Ilang beses ko nang nasabi na wagi sa ratings ang Kapuso programs sa lahat ng time slots. Ang kakumpitensiya ng GMA shows ay ang sarili nilang records.
Halimbawa, yung primetime show nina Alden Richards at Bea Alonzo na Start-Up PH, naka-8.6% combined ratings nung Friday kumpara sa 4.7% ng 2 Good 2 Be True nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla.
Wagi sa ratings ang Start Up PH, pero hilahod itong pumalo sa two digits, at mas mataas muli ang rating ng panghapong programa na Abot-Kamay Na Pangarap.
Ano kaya kung pagpalitin sila ng timeslot? Mas lalakas kaya ang Abot-Kamay Na Pangarap kung panggabi ito at kasunod ng Maria Clara at Ibarra?
Iyong ALLTV na nag-soft launch noong Setyembre 13 ay hinay-hinay pa rin sa kanilang programming, pero may mga bagong paandar nang ikinakasa ngayong Nobyembre.
May mga paandar din ang NET25.
Pangungunahan nina former Senator Tito Sotto, Bossing Vic Sotto, at Joey de Leon ang Let’s NET Together, Kabayan sa Nobyembre 19, Sabado, sa The Agenda, Media City, Dubai, UAE.
May special appearance doon si Ruru Madrid, at makikisaya sina Empoy Marquez, Pia Guanio-Mago, Epy Quizon, Eric Quizon, Vandolph Quizon, Jenny Quizon, Daiana Menezes, at iba pa.
At any rate, sa primetime nung Sabado, November 5, ay naka-11.6% ang 24 Oras Weekend kontra sa 2.3% ng TV Patrol Weekend.
Ang Pepito Manaloto ay 13%, at umawit sa 4.5% ang Everybody Sing ni Vice Ganda. Ang Running Man Philippines ay tumakbo sa 13.8%.
NOEL FERRER
Ang All-Out Sundays na nagpugay kay Danny Javier ay naka-5.5%, kumpara sa 2.5% ng ASAP Natin ‘To noong Linggo, November 6.
Ang GMA Blockbusters ay 4%, katabla ang FPJ Da King. Ang The Wall Philippines ay 4.5%.
Sumunod ang Regal Studio Presents na 4.6%, at ang Amazing Earth ni Dingdong Dantes ay 7.8%.
Sa primetime nung Sunday, naka-13.9% ang 24 Oras Weekend samantalang 2.2% ang TV Patrol Weekend.
Ang nagbalik na Daig Kayo ng Lola Ko ay 12.2% samantalang kumanta sa 4% ang Everybody Sing.
Ang Running Man Philippines ay kumaripas sa 14.2%, at umarangkada sa 16.4% ang Kapuso Mo, Jessica Soho. Ang The Boobay and Tekla Show naman ay 4.7%.
Nanood ulit ako ng Korina Interviews with Piolo Pascual last Sunday sa NET25. Sana, mag-subscribe na rin sa ratings ang NET25 para magkaalaman na!