GORGY RULA
Kahit may banta ng pagkakaroon muli ng wave ng COVID-19 sa darating na buwan ng Disyembre, ipinahayag ng Executive Committee ng Metro Manila Film Festival (MMFF) na tuloy na tuloy ang Parade of Stars ng walong pelikulang kalahok sa MMFF 2022.
Sa inilabas na announcement ng MMDA, ito ang napagdesisyunang isakatuparan para makita ng mga tagahanga ang mga artistang bahagi ng mga pelikulang kalahok sa 48th Metro Manila Film Festival.
Ang walong pelikulang kalahok: Deleter ng Viva Films, Family Matters ng Cineko Productions, Mamasapano: Now It Can Be Told ng Borracho Films, My Father Myself ng 3:16 Media Network at Mentorque Entertainment, Nanahimik ang Gabi ng Rein Entertainment, Partners in Crime ng Viva at Star Cinema, Labyu with an Accent ng ABS-CBN Star Cinema, at My Teacher ng Tincan Productions.
Nakatakda ang parada sa December 21, Miyerkules ng alas dos ng hapon, na magsisimula sa Mabuhay Rotonda, Quezon Avenue hanggang sa Quezon Memorial Circle.
Pitong kilometro ang parada, na tinatayang magtatagal ng dalawa at kalahating oras.
Tiniyak naman ng MMDA na sapat ang bilang ng traffic enforcers na ikakalat sa kahabaan ng Quezon Avenue para matiyak na maayos ang daloy ng mga sasakyan habang ginaganap ang makulay na parada.
Kasado na ring ipalalabas sa mga sinehan ang mga pelikula mula December 25, 2022 hanggang January 7, 2023.
Ang Gabi ng Parangal ay nakatakda naman sa December 27 sa New Frontier Theater sa Cubao, Quezon City.
Sana ay maramdaman natin ngayon ang pagtangkilik sa ating pelikulang Pilipino. #BalikSayaMMFF2022 nga ang kanilang hashtag.
Sana nga ay maibalik talaga ang saya sa ating mga takilya, palabas ang mga pelikulang sariling atin.
NOEL FERRER
Salamat talaga kay Quezon City Mayor Joy Belmonte na talaga namang coming from a successful and good lineup of movies sa QCinema, heto at nag-extend siya ng tulong para Quezon City ang mag-sponsor ng parada at awards night ngayong taon.
Salamat din sa Bingo Plus na all-out ang tulong sa MMFF 2022 at siyang magbibigay ng cash prize sa best picture.
Sana nga ay bumalik na ang saya at suporta ng mga tao sa pelikulang Pilipino.
JERRY OLEA
Noong 2020 ay Quezon City sana ang host city ng 1st Summer MMFF at 46th MMFF, kaya sa Quezon City gaganapin ang Parade Stars ng dalawang filmfest.
Kaso, lumaganap ang pandemya. Nakansela ang 1st MMFF sana noong Abril 11-21, 2020. Hanggang ngayon ay hindi pa ito naisakatuparan.
Nagsara ang mga sinehan, at naging online ang MMFF 2020. Nagbukas muli ang mga sinehan noong Nobyembre 10, 2021.
Ang Parade of Stars ay ginawang fluvial parade sa Pasig River noong Disyembre 19, 2021, at bumagtas sa Taguig, Pasig, Mandaluyong, at Makati.
Read: Kauna-unahang MMFF Fluvial Parade of Stars, matagumpay na nairaos sa kabila ng masamang panahon
Balik-sinehan man ang 47th MMFF ay matamlay pa rin ang takilya, lalo pa’t nag-surge muli ang COVID-19 cases noon, at pinag-usapan ang notorious "Poblacion Girl."
“Balik-Saya” ang tema ng 48th MMFF, at balik-kalsada ang Parada ng mga Bituin.
Ayon sa premyadong production designer na si Jay Custodio, kapana-panabik ang float ng My Father, Myself kung saan bida sina Jake Cuenca, Dimples Romana, Sean de Guzman, at Tiffany Grey, sa direksiyon ni Joel Lamangan.
Bahagi ng Facebook post ng MMFF kahapon, “Staging area for the floats of eight official entries and Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) will be along E. Rodriguez to D. Tuazon. The agency’s traffic enforcers will assist on the sidelines of the parade route for crowd control.
“Meanwhile, the Film Development Council of the Philippines (FDCP) announced it will be providing funds worth P500,000 to help in marketing the films through CreatePHFilms, for each film producer whose entries made it to the MMFF 2022.
“The FDCP’s CreatePHFilms Funding Program is designed to provide support to filmmakers, producers, and distributors in all stages of filmmaking to complement their efforts to produce quality Filipino films.”
Ang MMDA at MMFF Over-all Chairman ngayon ay si Atty. Romando Artes.