GORGY RULA:
Nag-trend sa Twitter ang "#JulieVerse" at "#JulieAnneSanJose" habang ginaganap ang JulieVerse concert nina Julie Anne San Jose at Rayver Cruz sa Newport Performing Arts Theater kagabi, November 26, 2022.
Sobrang napasaya nila ang mga fans na dumagsa sa Newport para suportahan ang paborito nilang loveteam.
Hindi magkamayaw sa pagtili ang fans nang magpahayag si Rayver ng nararamdaman niya kay Julie Anne.
Sabi niya, "Nung birthday mo, di ba? Sinabi ko na sa iyo ang nararamdaman ko. Kasi, nandito tayo sa Newport, sa concert. Gusto ko na lang din ipadinig sa kanila, Julie Anne San Jose, I love you. I love you so much."
Ang lakas ng tilian, pero natahimik sila nang sumagot na si Julie Anne. Sabi ng Limitless Star, "Hindi. Gusto ko lang sabihin na sobrang grateful ako sa iyo na dumating ka sa buhay ko. Ang daming nabago sa buhay ko simula nang dumating ka.
"Kaya gusto kong sabihin, I love you too."
Mahigpit silang nagyakap habang patuloy ang pagtili ng mga fans na sobrang natuwa sa dalawa.
Parang Valentine’s concert na ito dahil punung-puno ng pagmamahalan. Kahit sa audience ay ang sweet din ng magkasintahang Khalil Ramos at Gabbi Garcia.
Ang dinig namin ay may pinaghahandaan din daw si Khalil para sa kaarawan ni Gabbi sa December 2.
Pero ngayong araw sa All-Out Sundays ay isi-celebrate na nila ang 24th birthday ni Gabbi. Si Julie Anne naman ay may Maria Clara opening number sila ni Barbie Forteza.
- Julie Anne San Jose, Rayver Cruz, hataw sa collab productions sa JulieVerse concert
- Julie Anne San Jose confirms her parents approve of Rayver Cruz
NOEL FERRER:
Sa wakas, napaamin din ang dalawa. Bago pa man kasi lumabas ang official statement na ito na talagang itinaon nila sa concert pa, ang tanungan ng mga tao, ano pa ba ang itatago ng dalawa?
May pumipigil pa ba sa paglantad ng kanilang pagmamahalan e mga adults na sila. Nakakakilig sina Rayver at Julie Anne, given na iyun ngayon.
Pero magbabayad ba ang kanilang fans para panoorin sila o sa TV na lang? Napakahirap magpuno ng isang venue para sa isang local concert (hindi naman sila Lany or Black Pink).
Kahit nga gumastos para manood ng pelikula, effort pa rin. Iyan ang hamon sa mga tagasuporta ng JulieVer fans ay patunayan na gagastusan nila ang mga idols nila para panoorin. Tingnan natin kung hanggang saan sila aabot.
JERRY OLEA:
Nagtambal na sa pelikula sina Gabbi at Khalil, sa LSS: Last Song Syndrome na tinampukan din ng Ben&Ben. Official entry iyon sa Pista ng Pelikulang Pilipino 2019.
Nagwagi rito na best supporting actress si Tuesday Vargas, at kasama rin sa cast si Elijah Canlas.
Ang JulieVer tandem kaya, magbibida rin sa pelikula? Sa pag-amin nina Julie Anne at Rayver, aamin na rin kaya sina Janine Gutierrez at Paulo Avelino?
May bagong movie ang DonBelle loveteam nina Donny Pangilinan at Belle Mariano, ang An Inconvenient Love na hindi lamang sa Pilipinas palabas kundi maging sa ibang bansa.
Siyempre, may hype din sa social media ang pelikulang prinodyus ng Star Cinema. Pinanood ko ang 4:40 p.m. screening ng An Inconvenient Love noong Nobyembre 25, Biyernes sa Fisher Mall-Quezon Avenue.
Tatlo lamang kami sa loob ng sinehan. Kahapon, Sabado ay nanood ako ng 5:00 p.m. screening ng Strange World sa Cinema 3 ng SM Manila.
Tinanong ko ang takilyera kung malakas doon ang An Inconvenient Love. Aniya, wala pang bumibili ng tiket para sa susunod na screening nito.
Andaming tao kahapon sa SM Manila. Pila-pila bago ako nakapasok sa mall. Ang Jollibee at McDo, dinadagsa.
Pero ang cinema area, matamlay. Magpapakilig sina Donny at Belle sa duet nila na kabilang sa best-of-the-best acts ng Kapamilya artists at special guest performers ngayong Linggo, Nobyembre 27 sa ASAP Natin 'To sa Kapamilya Channel, A2Z, at TV5.