GORGY RUL:
“Daig ng maagap ang masipag,” sabi nga nila.
Kaya kahit hindi pa sumasampa ang Disyembre, sinimulan na ni Alex Gonzaga ang mag-carolling nung Lunes ng gabi, November 28, 2022.
Ang una niyang pinuntahan ay ang Senate building kung saan sinorpresa niya ang mga senador at kinantahan ng Christmas carols.
Ayon sa napagtanungan ng PEP Troika, hindi naikot ni Alex ang lahat ng mga opisina ng senador. Sa second floor lang daw siya nakapunta kung saan nandun ang opisina nina Senators Raffy Tulfo, Jinggoy Estrada, at Bato dela Rosa.
Hindi lang sigurado ang aming source kung nakapasok ba si Alex sa ibang tanggapan sa second floor. Baka hindi raw alam ni Alex na nasa fifth floor ang tanggapan ng iba pang senador.
Pero agaw-eksena raw ang actress-TV host at ang daming natuwa na meron nang nagka-carolling doon at si Alex Gonzaga pa.
Tinext ng PEP Troika si Senator Jinggoy kung "for a cause" ba yung pangangaroling ni Alex. Matipid lang ang sagot niya: “Oo.”
Ang pagkakaalam ng aming source ay ginawa yun ni Alex para sa kanyang vlog, at for charity ang malilikom niya sa kanyang pangangaroling.
Abangan natin ang iba’t ibang gimik ng iba pang vloggers sa darating na Kapaskuhan!
NOEL FERRER
Alex never fails to surprise us. Magaling siya talagang content creator and she is able to pull it through.
Kamakailan, napakinggan ko rin ang kanyang podcast sa Spotify. OK siya. She makes sense.
OK itong ginawa niyang pagka-carolling sa government officials. Sana, marami siyang matulungan dahil dito.
JERRY OLEA
Nagpa-Christmas party ng ang ABS-CBN para sa mga taga-entertainment media ngayong Nobyembre 29, Martes ng tanghali, via Zoom. Isang daan at limampu’t lima (155) ang dumalo sa programang hinost ng Momshies na sina Jolina Magdangal at Melai Cantiveros.
Apatnapu’t lima (45) ang nagwagi ng tig-P1K sa electronic raffle. Isa ang P5K winner, at isa ang nagkamit ng P10K na grand prize. Bale P60K ang ipina-raffle.
Ngayong Tuesday night ay pinost ni Direk Jose Javier Reyes ang litrato ng Christmas party ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) sa Casino Español de Manila.
“FDCP Christmas Party. The season has begun with the new family,” post ng multi-awarded writer-director.
Sa Disyembre 1, Huwebes ng 4:00 p.m., naman ang Christmas party via Zoom din para sa mga Kapusong taga-media.
Nawa’y sumapuso sa ating lahat ang diwa ng Pasko! Let there be hope, peace and joy in our hearts!