JERRY OLEA
Mahigit 78K views na ang unang official trailer ng pelikulang Without You mula nang in-upload ito noong Disyembre 28, 2022 sa YouTube channel ng Octo Arts Films International.
Bida sa Valentine movie sina David Licauco at Shaira Diaz, sa direksiyon ni RC Reyes. Ipapalabas ito sa local cinemas sa Pebrero 15, Miyerkules.
Pangalawang tambalan na ito sa pelikula ng tinaguriang Chinito Heartthrob at Millennial Sweetheart.
Nagbida sila sa Because I Love You na ipinalabas sa 150 sinehan noong Hunyo 26, 2019. Iprinodyus iyon ng ALV Films at Garahe Film Productions Inc.
Makikipagsalpukan ang Without You sa Ant-Man and the Wasp: Quantumania, ang ika-31 pelikula sa Marvel Cinematic Universe (MCU).
Pangatlong Ant-Man film na ito. Nauna rito ang Ant-Man (2015) at Ant-Man and the Wasp (2018).
Bida pa rin dito sina Paul Rudd bilang Scott Lang/Ant-Man, at Evangeline Lilly bilang Hope Van Dyne/Wasp. Nasa cast din si Jonathan Majors bilang “time-traveling multiversal adversary” na si Kang the Conqueror.
Itong Ant-Man and the Wasp: Quantumania ang unang pelikula sa Phase Five ng MCU. Kasunod nito ang Guardians of the Galaxy Vol. 3, The Marvels, Captain America: New World Order, Thunderbolts, at Blade.
Nasa Phase Six ng MCU ang Avengers: The Kang Dynasty, at Avengers: Secret Wars.
Siyanga pala, sa Pebrero 15 din ang streaming sa Prime Video ng kauna-unahang Filipino Amazon Original Movie, ang Ten Little Mistresses (Sampung Mga Kerida).
Ang nasabing murder-mystery comedy film ay idinirek ni Jun Robles Lana.
Tampok dito si John Arcilla bilang biyudong bilnorayo na si Valentin Esposo. Sampu ang mga kabit ni Valentin na nag-aagawan upang maging bagong legal wife niya.
Ang sampung kulasisi ay ginampanan nina Pokwang, Arci Muñoz, Carmi Martin, Agot Isidro, Kris Bernal, Sharlene San Pedro, Adrianna So, Kate Alejandrino, Iana Bernardez, at Christian Bables.
Ang gumanap na mayordoma ni Valentin ay si Eugene Domingo.
GORGY RULA
Pagkatapos ng Metro Manila Film Festival (MMFF) 2022, wala pa talagang local film natin na masasabing kaabang-abang.
Pagkatapos sumemplang sa takilya ang That Boy in The Dark, nakini-kinita kong ganoon din ang mangyayari sa mga susunod na pelikulang Pilipino na ipalalabas.
Kahit sabihin pang napansin si David Licauco sa Kapuso primetime series na Maria Clara at Ibarra, hindi ko pa rin nararamdamang makakatulong ito sa bagong pelikula nila ni Shaira Diaz. Kaya good luck!
Hindi naman siguro ito kalakihan ang budget. Puwede pang mabenta ang TV rights at sa ibang streaming platforms para mabawi naman ang nagastos sa pelikulang ito.
NOEL FERRER
Bukod sa mga pelikulang banyaga na haharapin ng ating mga local films, nandiyan din ang napakaraming Valentine shows na aagaw sa Valentine spending ng mga tao.
Bukod pa riyan, nandiyan din ang streaming platforms para sa mga Team Bahay na ayaw nang lumabas at makipagsiksikan sa traffic at dagdag-gastos na rin sa Araw ng mga Puso.
Paano na? Oh well, at least nasa sa mga tao ang choice.
After the major Christmas Holiday spending, sa tingin ninyo, aariba kaya ang paggastos ng mga kababayan natin ngayong VDay? Abangan!