GORGY RULA
Nag-text sa akin si Paolo Contis pagkatapos ng interview sa kanya ni Kuya Boy Abunda sa Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA) noong Enero 27, Biyernes sa GMA-7.
“Jusko! Naiyak ako hahaha!” sagot ni Paolo sa akin nang kinumusta ko ang interview.
Sa totoo lang, liberating na rin kay Paolo ang naturang interview dahil matagal na rin niya itong kinikimkim.
Nasabi na niya sa akin noon ang ilan sa mga inilahad niya kay Kuya Boy, pero ipinangako kong hindi ko isusulat.
Hindi na niya napigilang maging emotional dahil alam kong may pinagdaanan siya sa kanyang pamilya. Isa ito sa ibabahagi niya sa part two ng naturang interview na mapapanood sa Lunes, January 30.
May mga inamin ba si Paolo sa aabangan nating interview?
Sa pagkakaalam ko, base sa ilang napagtanungan ko, inamin niya at nagpakatotoo na si Paolo.
Totoong Paolo ang nakapanayam ni Kuya Boy, na hindi niya magawang magsinungaling o paikut-ikutin ang sagot.
Abangan na lang sa Lunes kung paano siya napaamin ni Kuya Boy pagdating sa kanila ni Yen Santos.
Pero sabi ng ilang taga-FTWBA na inusisa ko, kung nakakaiyak ang unang bahagi ng interview noong Biyernes, mas matindi itong sa Lunes.
Halos lahat daw na nasa studio ay nag-iiyakan.
Bilang isa sa mga datihan nang nagsusulat sa entertainment industry, natuwa ako sa magandang resulta ng Fast Talk With Boy Abunda.
Sa totoo lang mga Ka-Troiks, dito natin napatunayang hindi pa rin pala patay ang showbiz-oriented talk show.
Binuhay ni Kuya Boy ang traditional na showbiz reporting na hindi nakasalalay sa social media.
Ang Fast Talk With Boy Abunda na ngayon ang isa sa legit na entertainment news source na ginagamit sa social media.
NOEL FERRER
Dahil nagkaroon ng part two ang interview kay Paolo Contis, nabago tuloy ang schedule ng mga susunod nilang guests sa FTWBA.
Kailangan pa nilang pakiusapan ang mga confirmed guests na mababago ang schedule.
Kaya hindi pa nila mai-share kung sinu-sino ang mga susunod na aabangang kakapanyamin ni Kuya Boy sa Fast Talk With Boy Abunda.
Samantala, mataas ang rating ng pilot episode na si Marian Rivera ang guest.
Medyo bumaba nung Martes, pero nung Miyerkules, January 25 na si Alden Richards ang guest, tumaas uli ito na naka-7.3%.
Pagdating nung Huwebes, January 26 na kung saan si Bea Alonzo ang umupo sa Fast Talk, naka-6.9% ito.
JERRY OLEA
Sa umpisa ng FTWBA noong Friday, binanggit na ni Kuya Boy na lilinawin ni Paolo kung girlfriend ba niya o hindi si Yen.
I wonder kung naikuwento rin doon ang origin ng naging trending na phrase na “as a friend.”
Panoorin po natin sa Lunes ang part 2 ng mapagpalayang panayam ni Kuya Boy kay Paolo!