GORGY RULA
Natapos na ni Carlo Aquino ang isang international movie na kinunan sa Japan.
May working title itong Hunt, pero hindi pa raw nila napa-finalize kung ano ang magiging final title ng naturang pelikula.
Read: Carlo Aquino begins shooting for international film in Japan
Kasama ni Carlo sa cast ang Japanese actor na si Takehiro Hira, na nakilala sa ilang pelikulang nag-streaming sa Netflix kagaya ng Snake Eyes GI Joe Origins, Lost Girls & Love Hotels, Yasuke, at marami pang iba.
Isang Pinoy ang nagdirek ng pelikula, si Donie Ray Ordiales, na nakapagtapos ng kursong Film sa Japan.
Nakagawa na si Direk Donie ng pelikula at short films. Meron siyang nagawang isang short film sa Pilipinas, ang Nena na pinagbidahan ni Ian de Leon.
Nasali ito sa ilang international film festivals, at nanalo raw itong Best Short Film sa Japan Indies Film Festival nung 2020.
Ang laki ng pasasalamat ni Direk Donie na nabuo ang pelikulang ito na pinagsamahan nina Carlo at Takehiro.
Kasama rin sa cast si Ian de Leon at may special participation si Polo Ravales na naabutan pa namin sa Tokyo.
Sabi ni Direk Donie, tiyak na marami ang magkakainteres sa pelikula nila dahil tumatalakay ito sa kuwento ng ilang struggling actors na walang trabaho sa Pilipinas, at nagbabakasaling magtrabaho sa Japan.
“I want to showcase the struggle of actors sa atin. I think maraming makaka-relate. Dahil nga hindi maganda ang trato sa kanila sa Pilipinas, nagri-risk sila na pumunta ng Japan to do shows.
“I want to portray their story,” saad ni Direk Donie nang nakapanayam namin siya sa Japan nung nakaraang linggo kasama si Polo Ravales.
Polo Ravales and Direk Donie Ray Ordiales
Lingid sa kaalaman ng karamihan, marami raw kuwento ang ibang artista na nagbabakasaling magtrabaho sa Japan, dahil sa hindi maganda ang showbiz career nila sa Pilipinas.
“Hindi naman sa ano, yung treatment sa kanila ng mga ano, hindi maayos, nagri-risk po sila na mag-ano sa Japan.
“Lumalaki na ang mga competitors. May mga kakumpitensiya na mga influencers na ngayon,” dagdag na sabi ni Direk Donie.
Action-drama ang pelikula, at masaya si Direk Donie dahil pareho raw magaling sina Carlo at Takehiro at bagay ang kanilang tandem.
Balak daw nilang isali sa Venice International Film Festival itong Hunt.
NOEL FERRER
Bilib na bilib si Direk Donie kay Carlo dahil napakagaling daw nito, at napaka-professional katrabaho.
Nagka-injury pa raw sa kamay si Carlo nang kinunan ang isang action scene, hindi raw ito nagreklamo. Tinapos daw nito ang eksenang kinukunan bago sila namilipit sa sakit.
“Sobrang sulit kami kay Carlo,” bulalas ni Direk Donie.
“At first, masyado siyang busy. So during the pre-production, hindi kami makakuha nung time to table read.
“Kasi maraming actors asking about their characters, but he never asked me. So, medyo worried ako dun. Paano kaya?
“First day ng shoot, nagkita kami. I asked him kung may question siya, nagtanong lang siya ng isa. Then, okay all good na.
“But first take, he’s in character. Wow! Ganundin si Hira San [Takehiro Hira]. Si Hira San, nagti-text sa akin, nag-i-email siya.
“Ang worry ko naman kung papano sila magsasama ngayon. Nagharap sila on the day na nag-shoot na lang sila. Wow! I mean, yung kanilang chemistry was really good.
“Ang bilis namin natapos. Walang naging problema. Walang toxic moments,” pahayag ni Direk Donie.
Nung January 30, 2023 pa natapos ang principal photography ng Hunt, pero nagpaiwan pa roon si Carlo para magbakasyon.
Nakapag-shoot sila ng 4 days sa Pilipinas at 13 days sa Japan.
JERRY OLEA
Maliit lang ang role na ginampanan dito ni Polo Ravales pero napakahalaga, sabi ni Direk Donie.
Sa bandang huling bahagi ng pelikula siya lalabas kung saan ay ginagampanan niya ang role ng isang Mambibilog. Ito ang tawag sa mga taong nagsusumbong ng mga taong "bilog" na nagtatrabaho sa Japan.
"Bilog" ang tawag sa mga nagtatrabaho roon na walang working visa o illegal ang pamamalagi nila nang matagal sa Japan. Parang TNT sa Amerika.
Ito raw ang susunod nilang gagawin na isang mini-series na pinamagatang Mambibilog. Si Polo ang isa sa main cast.
Marami raw ganung kuwento sa Japan na nabuo ni Direk Donie, at gusto niyang gawin itong mini-series kapag may sapat na silang pondo. Maganda raw kapag mapanood na roon sa pelikula si Polo, para magamit na rin daw nila sa paghahanap ng investors para sa gagawin nilang mini-series.
“Mas madaling makakuha ng investors pag makita nila sa movie,” pakli ni Polo.
Puring-puri ni Direk Donie ang mga artistang nakuha niya sa pelikula, pati ang mga Pinoy na production staff dahil ang gaan daw nilang katrabaho. Kaya kukunin daw niya uli kapag gagawin na niya ang mini-series na Mambibilog.
“It was great. Not only the cast, but even the crew, perfect. Wala po akong masabi.
“Marami akong naririnig before na pag Filipino production dapat… ang experience namin, sobrang iba. Talagang perfect.
“Kahit yung mga Hapon po namin na kasama, nagulat sila sa quality ng trabaho ng Filipino, pati yung cast. Kasi ako nanigurado talaga ako na magaling talaga yung actors,” saad ni Direk Donie.