GORGY RULA
May bagong TV program sa ALLTV, ang Negosyo Deals, a mag-uumpisa sa Marso 19, 2023, Linggo ng 11:30 a.m.
Aprubado na ang two seasons (26 episodes) nito!
Iho-host ito ni Gerry Santos aka Mr. Freeze.
Kabilang sa maggi-guest bilang co-host niya ang mga kaibigan niyang sina Derek Ramsay, Isabelle Daza, at Aga Muhlach.
Ime-mentor ng business guru na si Mr. Santos ang mga gustong makapagsimula ng negosyo.
Nakakatuwa na sa kabila ng mga intriga sa ALLTV, maraming blocktimers na pumapasok sa istasyon, kabilang na ang Makers Mind Media Production (MMMP) na prodyuser ng Negosyo Deals.
Read: Ilang programa ng ALLTV, pansamantalang magpapaalam sa ere
Kinabahan ba sila sa mga isyu sa ALLTV?
Sa mediacon nitong Marso 14, Huwebes, sa Coffee Project sa Worldwide Corporate Center, Shaw Blvd., Mandaluyong City, ipinaubaya ni Mr. Freeze ang pagsagot sa tanong sa CEO ng MMMP na si Ms. Ivy Ataya.
Pahayag ni Ms. Ivy, “Kasi may mga offers, may mga ongoing options kami sa ibang network. Nung dumating yung isyu sa ALLTV, medyo isang linggo kaming hindi nakatulog ni Gerry.
“Kasi siyempre, kailangan pang i-address muna ng ALLTV yung isyu bago kami mag-yes or no.
“Pero kasi ako, ang naging deciding factor ko is this, e, very warm yung pagtanggap sa amin ng ALLTV. And very sincere sila.
“And may tiwala din siyempre kami sa Villar Group na, alam mo yun, hindi naman sila kukuha ng isang malaking istasyon kung hindi nila igu-groom.
“Pero siyempre, kailangan nating bigyan ng chance. Hindi naman ito second chance e, napunta lang sa kanila, di ba?”
Ang Villar Group of Companies ni dating Senador Manny Villar ang may-ari ng ALLTV network, na tinaguriang “bagong Channel 2.”
Pagdidiin ni Ms. Ivy, “Siguro yung nag-sway sa amin ni Gerry is yung sincerity ng mga bosses ng ALLTV. They treated us as family, e.
“May mga time na sabi nila, ‘Ms. Ivy, kung ano man ang maging desisyon mo, nandidito lang kami.’
“So hindi madaling maghanap ng pamilya ngayon sa industriya, especially bago kaming producer. And yun yung ibinigay ng ALLTV.
“They’re very, very warm. Family talaga yung pakiramdam namin.”
NOEL FERRER
Host lang si Gerry Santos ng Negosyo Deals. Hindi siya co-producer.
Sabi ni Mr. Freeze kaugnay sa intriga sa ALLTV, “As a businessman, kaming entrepreneurs, may gut feel kami, e. Si Senator Manny Villar is also a businessman na hinahangaan ko.
“For me, kung akin ang ALLTV, hindi ako papayag na ma-down. So with a good intention, nakita ko yung staff, executives ng ALLTV. Very homey.
“So, sa akin, sa gut feel, isang meeting ko lang sa kanila… siyempre negosyante kami, 99 percent parang tayo, e, alam ko yung tao, kung sino yung totoong tao.
“So, nung na-feel ko yun, sabi ko kay Ivy, ‘OK na ako dito, yes ako sa ALLTV.’ Ibabangon natin ang ALLTV!”
Harinawa!
JERRY OLEA
Anu-ano ang mga itinatanong kay Mr. Freeze ng mga kaibigan niyang celebrities pagdating sa negosyo?
Pagmamatuwid ng business guru, “Actually ano, gina-guide ko lang sila. Kasi yung iba naman, siyempre busy sila, e.
“Ang mga celebrity, siyempre naka-focus sila sa showbiz. So, nakikita nila kung paano lumago ang Mr. Freeze, most of them.
“Actually marami akong partners, matutuwa kayo, na in-inspire ko. Even yung basketball players, sina Kiefer Ravena, Thirdy Ravena, Baser Amer.
“Si Alyssa Valdez, part of Mr. Freeze na. So, lumapit sa akin yan, matutuwa kayo, through Instagram lang. Hindi ko sila kilala. Tapos ngayon, naging family.
“Even yung mga istorya ko kay Belle [Isabelle Daza], I met her ten years ago through a car event na nag-aalok sila ng kotse.
“Tapos tinanong niya ako. Sabi niya, ‘Sir, what’s your business?’ Sabi ko, ice. Sabi niya, ‘I know your brand.’ So yun, nag-meeting kami. Belle is like a family to me.
“So, ininterbyu ako ni Tita Glo [Gloria Diaz]. Parang dumaan ako sa feasibility study. “And yet, during pandemic, ang ice business kasi, hindi nagsara. So kami, pandemic-free.
“Walang trabaho si Belle. Sabi nga niya, tuwang-tuwa siya. Kasi nagdidibidendo siya kahit pandemic.
“So, kahit interbyuhin niyo siya, sobra talaga yung bilib niya sa business dahil nung time na wala silang work, kumikita sila.
“So si Belle, lagi kong gina-guide yan sa investments, e. So sila ang madalas kong kausap. Hindi monthly, as in minsan every day, talagang close.”
Sa Instagram Stories ni Ellen Adarna, may posts sila ni Derek sa ice plant kasama si Mr. Freeze. Kaya ba hindi na nag-showbiz si Derek ay happy and contented na ito, just like Mr. Santos?
Pagtatapat ni Mr. Freeze, “Si Derek kasi, actually siya ngayon, ayaw na niya ng showbiz. Parang nag-enjoy siya ng ganyan. Napagod na raw siya, e.
“So ngayon, endorsements lang ang tinatanggap niya, e. So, parang naging family siya. Family man, hindi maraming family, ha?
“Siguro ano, contentment kaya kami nagkakasundo nun. Kasi nga, sinasabi niya yun, ‘O, pareho tayo. At least kuntento na, ganito-ganito.’
“Pero sa akin kasi, kami kasi, nag-e-expand pa kami. Pero si Derek kasi as an actor, ngayon talaga nag-lie low siya.
“Siguro natagpuan na kasi niya si Ellen, di ba? Madalas yata naliligo na lang sila…. So, siguro nakatagpo si Derek ng ganun, vibes sila, e.”
Si Mr. Freeze pala ang nagbuking noong nagkadebelopan na sina Derek at Ellen.
Pagbabalik-tanaw ni Mr. Freeze, “Kasi nung tumawag si Derek na, ‘Punta ka dito sa bahay, ipapakilala kita kay Ellen.’
“E nag-story ako. Anong malay ko? Sabi ko, ‘I’m happy for both of you,’ ganito. Kinuha pala ng ABS-CBN yung IG ko.
“So, pati sa write-up, nakalagay, ‘Gerry Santos confirmed na sila na.’ Anong malay ko na ano, di ba? Meron pa palang ganun, ayaw pa pala nilang mag-declare.
“So, sa wedding, ako nga ang best man niya. Saka lagi kong kausap yun, sobrang ano.”