GORGY RULA
Isa si Paolo Contis sa nagbabalak mag-scriptwriting workshop sa ilalim ng National Artist na si Ricky Lee.
Matagal na siyang gumagawa ng ilang sketches na ipinapasa niya sa Bubble Gang, ang weekly gag show ng GMA-7.
Si Paolo na rin daw ang gumagawa ng script sa online talk show niyang Just In sa YouTube channel at Facebook account ng Sparkle. Pero gusto raw niyang matuto sa pagsusulat ng script para sa pelikula at teleserye.
“Siguro napapansin naman ng ibang mga katrabaho ko that I always suggest. And most of the time, pag wala akong ginagawa sa bahay, nagsusulat na rin ako ng mga concepts.
"And feeling ko, it’s also time for me to learn more on a more formal setting, ika nga, no?
“Marami na akong ideas pero hindi ko lang alam kung papano gawin, e,” sabi ni Paolo nang naka-lunch namin siya nitong Miyerkules, March 15, 2023.
Sa tingin daw niya, mas magagabayan siya ni Sir Ricky kapag gusto na niyang magsulat ng script para sa pelikula.
“So, feeling ko... ah, sure ako actually, kumbaga matulungan at maturuan ako ni Sir Ricky Lee, di ba? Ma-develop ko yung ano na yun. Malaking bagay na nagtuturo siya, di ba?
“Hopefully, makausap ko siya na ano… I just need to pick his brain out, di ba? Para mas mapalawak ko pa ang kaalaman ko when it comes to writing.
“Madali kasing magsabi ng concepts, e, sa totoo lang. Madaling mag-isip. Pero mahirap siyang isusulat, ika nga. Mahirap siyang i-execute,” saad ni Paolo.
JERRY OLEA
Pati ang pagdidirek ay gusto na ring pasukin ni Paolo kung sakaling makapagsulat na siya ng script.
“Dati lagi kong sinasabi, ayoko, ayoko. Pero ngayon, gusto kong magdirek. Naniniwala akong kaya ko,” pakli ng Kapuso actor.
Kung mabibigyan siya ng break na magdirek, gusto muna niya sa pelikula, bago mag-TV.
“Movie muna siguro. Feeling ko kasi yung TV, again, on an economic side ano of the business, marami siyang… feeling ko, mas sanay ka na, e, pagdating sa TV, di ba?
“Marami ka nang kailangang makunan na eksena within the day. Marami nang ganung ano, may pressure na, feeling ko, baka hindi pa ako ready.
"So, gusto kong mag-aral when it comes to directing. Baka film muna."
Gusto raw muna niyang idirek ang mga kaibigan niya, dahil mas kumportable siyang makatrabaho ang mga ito.
“Siyempre mga kaibigan ko, si Dong [Dingdong Dantes], pag lalaki si Dong. Si John Lloyd, sina Archie [Alemania], lahat sina Boy2 [Quizon]… si Bitoy [Michael V.], sina Sef [Cadayona]. Bubble Gang!
"Kasi feeling ko, pinakamadali for me, while you’re learning ay kumportable ka sa environment mo.
“Kaya sabi ko, kapag ako nagdirek, gusto ko muna mag-produce sa akin yung Mavx, kasi si Lucky is a very good friend of mine. Alam kong alalayan niya ako when it comes to directing and everything.
“So, ang poproblemahin ko lang, ang pagdidirek. So, ayoko muna ng attitude na artista, kasi attitude din ako e,” dagdag niyang pahayag.
Ang "Mavx" na tinutukoy ni Paolo ang Mavx Productions, isang movie and TV production company na nag-produce ng mga pelikulang Ang Pangarap Kong Jackpot (2018) at A Faraway Land (2021), na pinagbidahan ng aktor.
Ang "Lucky" naman ay si Lucky Blanco, ang CEO at executive producer ng Mavx Productions.
NOEL FERRER
Ayaw pang sagutin ni Paolo kung totoong gagawin nang TV show ang online talk show niyang Just In. Bagay raw yung late-night show dahil walang preno ang bibig niya kapag nag-interview sa mga artista.
Kumportable sa kanya ang karamihang artistang nakaka-one-on-one interview niya, na minsan ay nagmumurahan pa sila.
Natutuwa raw siya sa mga positive-feedback style ng pag-interview niya.
“Kasi feeling ko, yung tao, yung artista, somehow kumportable sa akin kasi artista, e.
“Feeling ko lang. Meron silang rapport na only an actor knows.
“Pero ako, pangarap kong ma-interview sa Just In si Tito Boy [Abunda]. Kakarerin ko yun para ma-interview ko si Tito Boy. Feeling ko naman, pagbibigyan niya ako.”
Gusto rin daw niyang interbyuhin ang manager niyang si Lolit Solis. Balak niyang sugurin si Manay Lolit sa hospital habang nagpapa-dialysis at doon niya interbyuhin.
Speaking of films, excited ako sa paglabas ng pelikula nina Paolo at Joross Gamboa sa Mavx at isang reunion film ng isang iconic barkada na kasama si Paolo to be announced soon.
Ang saya lang!