Kalusugan ng mga taga-Pola, Oriental Mindoro apektado ng oil spill: "Yung amoy niya, sobrang sama."

by PEP Troika
Mar 18, 2023
ina alegre pola
Pola Mayor Ina Alegre on oil spill in Oriental Mindoro: “Yung 11 barangays natin na shoreline, lahat yun, affected. Limang barangay ng Pola na ang daming nagkasakit. Alam niyo ba kung gaano na karami ang may sakit sa amin ngayon, 191 na... Lalo na kung may allergy ka, hindi ka puwedeng lumapit dun, kasi ang lakas niya… yung amoy niya, sobrang sama."
PHOTO/S: Courtesy of Mayor Ina Alegre

GORGY RULA

Matamlay at namamalat ang boses ni Mayor Jennifer Cruz, o mas kilalang si Ina Alegre sa showbiz, nang nakapanayam namin siya sa DZRH nung Biyernes, March 17, 2023.

Si Ina ang alkalde ng Pola na naapektuhan nang husto ng oil spill dala ng barkong lumubog sa Oriental Mindoro.

Ayon kay Mayor Ina, ang dami na nilang nagkasakit sa Pola dahil sa kakaibang amoy ng langis doon.

“Yung 11 barangays natin na shoreline, lahat yun, affected. Limang barangay ng Pola na ang daming nagkasakit. Alam niyo ba kung gaano na karami ang may sakit sa amin ngayon, 191 na.

“Ngayon ang malat ko, dahil dun, e. Yung parang nanunuyo yung lalamunan mo.

"Lalo na kung may allergy ka, hindi ka puwedeng lumapit dun, kasi ang lakas niya… yung amoy niya, sobrang sama. Alam niyo yung asphalt na matigas?

“Kasi yung amoy nung oil, lalo na pag nainitan siya, grabe yung amoy niya talaga,” hinaing ni Mayor Ina.

mayor ina alegre pola, oriental mindoro

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Nagpapasalamat ang alkalde ng Pola sa mga tulong na ipinarating sa kanila.

Ang isa sa ikinatuwa ni Mayor Ina ay nung tinawagan siya ni Direk Brillante Mendoza para kumustahin sila. Naging paboritong location kasi ni Direk Brillante ang bayan ng Pola.

“Sobrang thankful ako sa kanya. Kasi isa siya sa nag-open sa Pola na maging ‘shooting capital ng Oriental Mindoro.’ This time, wala na.

“Pero meron pa naman dito, yung mga old houses, dito pa,” pakli ni Mayor Ina.

May ilang pelikulang iprinodyus ni Direk Brillante para sa Vivamax na kinunan sa Pola, at may ginawa pa sila roon nina Coco Martin at Julia Montes.

Read: Coco Martin at Julia Montes nagsu-shooting ng pelikula sa Pola, Oriental Mindoro

Isa sa pinanghihinayangan ni Mayor Ina ay hindi na nakakapag-shooting doon sa kanilang bayan dahil sa oil spill. Pero may ibang lugar pa raw sila na puwedeng gamitin kung gusto ng ilang film producers na mag-shoot sa kanilang lalawigan.

Read: Bayan ng Pola, Oriental Mindoro, nagiging favorite location para sa movie shoots

“Yung shoreline kasi dito sa amin, sobrang ganda. Sobrang mahal dito ng mga artista.

“Pero ngayon, pag dagat, bawal. Pero yung ibang lugar, may old houses, may mga falls, may lawa. Sana yun na lang para kumita naman kami,” pakiusap ng actress-politician.

Iyon daw ang inaalala niya ngayon, kasi pinatay ng oil spill ang kabuhayan nila. Kailangang makapag-isip sila ng ibang trabaho o livelihood program dahil habang tumatagal, lalo silang nahihirapan.

Malaking tulong din daw kung meron pa ring mag-shooting sa Pola, kahit hindi muna sa dagat. Para meron daw ibang pinagkakakitaan ang mga tagaroon.

CONTINUE READING BELOW ↓
NOOD KA MUNA!

NOEL FERRER

Open din daw si Mayor Ina sa posibilidad na gumawa ng pelikula o documentary film tungkol sa nangyari sa kanila sa Pola at ilang bayan sa Oriental Mindoro na apektado ng oil spill.

Mas magandang makita raw ng taumbayan kung gaano kaapektado ang isang lugar pati ang kalikasan kapag magkaroon ng oil spill.

“Kung may gagawa ng istorya, open yun. At least, makita nila na maging responsible naman yung mga tao na ingatan naman yung kargo nila. Na huwag naman maging ganito. Kasi yung masisira nila, yung kalikasan, yung hanapbuhay, di ba?

“Maganda ito, at least yung mga tao, alam nila… through movie kasi, mas madaling matututo yung tao.

“Maganda sana siyang i-produce para awareness po. Just in case na may mangyari sa kanila, huwag naman, ‘no?

“Alam naman natin, pag nakikita nila visual, ito yung effect nito, ito ang cause and effect… pag itong mali yung ginawa mo, pag nasira yung kalikasan...

“Kamukha niyan, walang lisensiya yung barko, luma na pala yung barko, tapos sinakyan ng industrial oil na hindi pala maganda sa kalusugan.

“Nung lumubog yung barko, ano na yung mangyari sa nasirang kalikasan. Awareness na rin ito,” sabi ni Mayor Ina.

Bigla ngang napauwi sa Mindoro ang aming kasambahay na ang pamilya’y apektado rin ng oil spill.

Sana nga ay malampasan nila itong trahedyang ito sa lalong madaling panahon.

JERRY OLEA

Nagpapasalamat ang alkalde ng Pola, Oriental Mindoro sa lahat ng tulong na ipinarating sa kanila mula kay President Bongbong Marcos, sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, sa mga mambabatas, pati mga private companies.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Siyempre, ginagawa naman ng Coast Guard ang kailangan gawin and yung national government… thankful kami kay Presidente, kasi pinadala agad ang DSWD, dumating agad si Secretary Gatchalian, dumating agad ang DOH, lahat dumating agad dito.

“Alam niyo ang unang tumulong sa amin dito, si Senator Bong Revilla. Ayun, sumunod na sina Senator Bong Go, si Senator [Lito] Lapid tumawag na din. Kanina, nandito si Senator [Win] Gatchalian. So, yung mga ibang senador….” pahayag ni Mayor Ina.

mayor ina alegre pola

Hindi naman daw dapat na umasa lang sila sa tulong, dahil mukhang matagal pa raw ito bago matanggal ang langis.

“Right now, nag-iisip kami ng livelihood programs, at humihingi kami sa national. Yung pangmatagalan na alternative sa pangingisda.

“Kasi kung matatagalan pang hindi makabalik sa pangingisda, yung pangmatatagalan na alternative na programs for them.

“Kasi, kung bibigyan natin ngayon ng bigas, oo maganda yun. Malaking tulong sa amin, lalo na dun sa walang makain.

“Maganda yung tulong yung binigay ng national government, yung ipinadala ng DSWD para ipamigay sa ating 4,800 na nasa shoreline.

“Yung DOLE nandiyan, yung TUPAD program. Maganda yun e.

"Pero yung pangmatagalan… nakipag-coordinate kami sa DA, nakipag-coordinate kami sa DTI para at least may panimulang trabaho for them.

“Hindi naman all the time aasa kami sa national para padalhan ng food packs, ng tulong. Hindi naman puwedeng ganun, e. Kailangan na ‘yung pangmatagalan na hanapbuhay.”

Nalalapit na ang Semana Santa, at maraming nagbabakasyon dati sa mga dalampasigan ng Oriental Mindoro. Iyong iba tuloy na suki roon, partikular sa Puerto Galera, ay nag-aalala.

Read Next
PEP Live
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Pola Mayor Ina Alegre on oil spill in Oriental Mindoro: “Yung 11 barangays natin na shoreline, lahat yun, affected. Limang barangay ng Pola na ang daming nagkasakit. Alam niyo ba kung gaano na karami ang may sakit sa amin ngayon, 191 na... Lalo na kung may allergy ka, hindi ka puwedeng lumapit dun, kasi ang lakas niya… yung amoy niya, sobrang sama."
PHOTO/S: Courtesy of Mayor Ina Alegre
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results