GORGY RULA
Inaabangan na ang pagsisimula ng Voltes V: Legacy ngayong Lunes ng gabi, May 8, 2023, sa GMA Telebabad pagkatapos ng 24 Oras.
Papatunayan ng animé series na ito ang lakas ng tambalang Miguel Tanfelix at Ysabel Ortega.
Pero malaki ang magagawa ng Voltes V: Legacy sa showbiz career nina Radson Flores, na gaganap bilang si Mark Gordon, at si Matt Lozano bilang si Big Bert.
Produkto ng StarStruck Season 7 si Radson.
Nung nakatsikahan namin pagkatapos ng StarStruck, sinabi niya sa aming kung hindi pa siya mabibigyan ng magandang break sa GMA-7, baka ituloy na niya ang pag-aaral ng Law. Promise daw niya ito sa kanyang magulang, dahil gusto talaga nilang maging abogado siya.
Ang laki ng pasasalamat niya sa GMA-7 dahil ibinigay sa kanya ang Voltes V: Legacy kaya nabuhayan siya ng loob na ituloy pa rin ang pag-aartista.
Pero itutuloy pa rin ba ni Radson ang paglu-Law kahit okay naman ngayon ang takbo ng kanyang showbiz career?
Ani Radson, “Nasa heart ko pa rin po na i-pursue yung Law. Pero right now po kasi, yung track po ng career ko, nai-enjoy ko pa po dito sa showbiz, e.
“So, hangga’t meron pa po dito, dito po muna ako sa showbiz.
"Kasi yung Law school po makakapaghintay naman po yun, e, kahit matanda na po ako. Kasi yung showbiz po kasi, meron lang po talaga siyang limited time, e.”
Gusto pa rin daw niyang tuparin ang hiling ng mga magulang niyang makapagtapos siya ng Law.
“Opo. Gusto rin po kasi talaga nila,” pakli ni Radson.
NOEL FERRER
Si Matt naman ay nagpapasalamat sa kanyang look na malusog kaya nakuha niya ang role bilang si Big Bert.
“Opo, e. Nung nag-audition po ako, yung ganung look po talaga ang hinahanap,” pahayag ni Matt.
Pero naiisip pa rin daw ni Matt na magpapayat.
“Gusto ko rin po magkaroon ng ano sa sarili ko na… gusto ko rin po mag-lose ng weight kahit konti lang naman para mas maramdaman ko na mas healthy ako, mas flexible yung katawan na gumalaw.
“Pero sa ngayon, parang nag-e-enjoy rin ako sa ganito kasi parang natutuwa ako. Kasi dati, palagi akong nahihiyang humarap sa mga tao dahil sa katawan ko.
"Pero ngayon, parang mas na-appreciate ng mga tao na ano ako.
“Kaya parang happy lang ako na na-appreciate nila kung ano ako ngayon,” dagdag niyang pahayag.
Nakakatanggap daw noon si Matt ng mga di magagandang comments dahil sa look niya. Pero ngayon ay mas marami na raw ang natutuwa.
“Siguro nung dati, nung bago pa lang ako na naging mataba. Siguro yun yung parang medyo na-offend ako.
“Pero ngayon, mas marami kasing good comments na parang 'stay as you are.'
“Kung talagang hirap ka naman, mas confident ka sa sarili mo kung mamahalin mo yung sarili. Maraming mga ganung comments.
“Kaya ngayon, mas na-appreciate ko yung mga tao na nagsasabi sa akin na, 'Bakit hindi ka magpapayat,' for healthy purpose na rin siguro.”
Magandang tapatan mamaya ang pilot ng Voltes V: Legacy versus ang napakalakas na FPJ’s Batang Quiapo.
Read: Coco Martin answers issues about Batang Quiapo taping in Quiapo
JERRY OLEA
Namayagpag sa ratings ang Kapuso primetime series ni Ruru Madrid na Lolong, na “nagpatumba” sa FPJ’s Ang Probinsyano ni Coco Martin.
Ang pumalit sa Lolong ay ang Maria Clara at Ibarra nina Barbie Forteza, Dennis Trillo, Julie Anne San Jose, at David Licauco.
Inilampaso ng Maria Clara at Ibarra ang pumalit sa FPJ’s Ang Probinsyano, ang fantaseryeng Mars Ravelo’s Darna na pinagbidahan ni Jane de Leon.
Umariba maging sa Netflix Philippines ang Maria Clara at Ibarra. Twenty-two consecutive days na nanguna ito sa Top TV Shows in the Philippines Today ng Netflix, mula Abril 16 hanggang Mayo 7.
Ngayong Mayo 8, Lunes, ay pangalawa na lamang ito sa Queen Charlotte: A Bridgerton Story.
Ang final two weeks ng Maria Clara at Ibarra ay katunggali ng first two weeks ng FPJ’s Batang Quiapo. Neck-to-neck ang bakbakan nila sa ratings, pero in the end ay wagi pa rin ang serye kung saan tampok din sina Padre Damaso, Padre Salvi, Padre Sibylam at Padre Florentino.
Ang pumalit sa Maria Clara at Ibarra ay ang Mga Lihim ni Urduja nina Kylie Padilla, Sanya Lopez, at Gabbi Garcia na gumanap before bilang mga Sang’gre sa reboot ng telefantasyang Encantadia.
Taob ito sa tambalang TangMo nina Tanggol (Coco Martin) at Mokang (Lovi Poe). TangMo ba iyon o TangKang?!
Tinagurian si Coco Martin na "Hari ng Telebisyon," kaya tingnan natin kung karapat-dapat pa ba siya sa titulong iyan kapag rumatsada na ang Voltes V: Legacy.
Take note na kasama sa FPJ’s Batang Quiapo si Christopher de Leon na kontrabida sa Lolong, ganoon din si Lou Veloso na Sir Torres sa Maria Clara at Ibarra, pati na si Ronnie Lazaro na napapanood sa panghapong Kapuso series na AraBella.
Nasa Voltes V: Legacy naman si Dennis Trillo, ang bidang lalaki sa Maria Clara at Ibarra.
“The weather is hot but Batang Quiapo is hotter!” bulalas ni Ronnie Lazaro sa mediacon ng FPJ’s Batang Quiapo noong Mayo 4, Huwebes, sa Luxent Hotel, Timog Avenue, Quezon City.
Nag-ikot sa iba’t ibang sulok sa Pilipinas ang ilang cast members ng FPJ’s Batang Quiapo para sa kanilang "Katok Buhay" kung saan ibinabahagi ng mga manonood ang kani-kanilang paboritong karakter at eksena sa palabas.
Nag-promote sina Coco, Lovi at iba pang co-stars sa ASAP Natin ‘To kahapon, at today ay nag-promote pa rin sina Coco at Lovi sa It’s Showtime.
Mainit at matindi ang salpukan ngayong gabi ng bagong yugto ng FPJ’s Batang Quiapo at pilot episode ng Voltes V: Legacy!!!