JERRY OLEA
Mapangahas ang pagganap ni Migs Almendras sa second episode (“Calvin and Drake”) ng Unlocked anthology ni Direk Adolf Alix Jr. para sa GagaOOLala noong 2020. Katambal niya rito si Oliver Aquino.
Level up ang paghuhubad at pakikipagharutan ni Migs sa Vivamax projects na High (School) On Sex at AN/NA pati sa pelikula ni Direk Joselito Altarejos na Memories Of A Love Story kung saan co-star niya muli si Oliver, at seryeng Lonely Connections ni Direk Jay pa rin.
“I think lahat po ng tinutukoy ninyong projects, back-to-back-to-back kong ginawa iyon. That was I think March last year,” sambit ni Migs nang makatsikahan namin sa mediacon ng digital series na Ang Lalaki Sa Likod Ng Profile nitong Mayo 18, Huwebes sa World Trade Center, Pasay City.
Ang bida sa nasabing digital series ay si Wilbert Ross, na nakasama rin ni Migs sa High (School) On Sex.
Sabi ni Wilbert, magre-rebranding na siya at titigil na sa pagtatalop. Si Migs, tuloy pa rin ba sa bold and daring projects?
“Personally, pagdating naman sa mga ganyan, it all depends sa material for me,” tugon ni Migs.
“So number 1, yung High (School) On Sex kaya ginawa ko, kasi I’ve never done something like that.
“At makakasama ko iyung mga tao sa Vivamax, and I’m very fortunate. Kasi kung hindi dahil sa High (School) On Sex, hindi ko makikilala si Wilbert na napakahusay na aktor, magkakaroon kami ng napakahusay na bonding na parang kapatid ko na nga yan.
“So sa akin, ano e… hindi ko isinasarado ang pinto. And I think it all depends kung number 1, sino ang magpo-produce? Sino ang mag-aalok? At kung ano yung material, yung role na puwede kong gawin.
“Kasi kung ikaw ba, ipapadala mo sa film festival abroad yan… ako, hindi ko tatanggihan yan! Kahit ipakita!
“Basta pang-abroad yan, pang-award, di ba?!”
Ay! Payag siyang mag-frontal nudity, if ever!!!
“For me, it really depends kung para saan at kung ano yung context nung gagawin ko. So, yun ang sagot ko.”
Ang lakas ng dating niya bilang callboy sa series na AN/NA directed by Jose Javier Reyes…
“Yun nga, e. For example yung AN/NA, ginawa ko naman siya, kasi sabi ko, ‘Uy! Hindi pa ako nakakapagkontrabida na ganun.’
“So sa akin, hindi ko iniisip yung hubad-hubad, e. Dun ako sa… ano pa ba ang hindi ko pa nagagawa?
“Ganun ako as an actor kung mamili ng proyekto na gagawin,” saad ni Migs.
Lumabas din siya sa mga pelikulang Mahal Kita, Beksman (2022), Isa Pang Bahaghari (2020), at How To Die Young In Manila (2022).
NOEL FERRER
Hindi natatakot si Migs na tanggapin ang mga projects na magapapalitaw pa kanyang galing sa pag-arte.
Sa 2020 Pinoy BL series na Hello, Stranger ay gumanap si Migs bilang nerdy na katropa ni Mico (karakter ni JC Alcantara).
Dito sa Ang Lalaki Sa Likod Ng Profile ay geeky na naman ang karakter niya bilang kaibigan ni Bryce (karakter ni Wilbert Ross).
Bumalik si Migs sa pinanggalingan niya.
Pag-ayon ni Migs, “Yun nga ang nakakatuwa, e. Ako as an actor, hindi ako napapako sa… Halimbawa, sa The Broken Marriage Vow, OK, gay best friend.
“Tapos, biglang tumalon sa sexy. Tapos, ngayon tumalon ka na naman sa… so ako, as an actor, natutuwa ako kapag hindi ako kinakahon.”
At hindi lang sa TV at pelikula siya mapapanood, mahusay rin na stage actor si Migs na sana’y mabigyan din ang kaukulang pansin sa teatro.
Tuloy lang, Migs!
GORGY RULA
Dati-rati ay one of those lang ang mga papel ni Migs. Stepping stone ba niya ang paghuhubad?
“For me, ganito na lang ang iisipin ko pagdating sa paghuhubad,” lahad ni Migs.
“For me, yung mga ginawa ko na LGBT content — isasama ko na sina Sir Jay, Hello, Stranger, lahat iyon — for me, nakilala ako ng LGBTQ community.
“At sa akin, isang malaking karangalan yuon na maging ally, whatever. That’s one.
“Number two, sa Broken Marriage Vow naman. Natuwa naman ako sa proyektong yun dahil nakilala naman ako siyempre ng mga Marites, ng ating mga nanay at tita na kailangang malaman lagi kung ano ang mangyayari kina Lexy at kay Doktora Jill, di ba?
“Sa Vivamax naman, ang nakakatuwa sa kanila is nabigyan din ako ng pagkilala ng mga tao na tumatawag sa akin na, ‘Idol!’ ‘Papa!’
“Tapos, babatiin ka lang sa malayo. Again, kahit saan, puwede naman. Depende pa rin sa konteksto at materyal na gagawin ko.”
Co-stars nina Wilbert at Migs sa Ang Lalaki Sa Likod Ng Profile sina Yukii Takahashi, Kat Galang, Marissa Sanchez, Anjo Resurrecion, Moi Morcampo, Star Orjaliza at TJ Valderrama.
Matutunghayan ang ikalimang episode nito ngayong Mayo 20, Sabado ng 7:00 pm sa Puregold Channel sa YouTube.