JERRY OLEA
Present ang limang mga anak ni Nora Aunor na sina Ian, Lotlot, Matet, Kiko, at Kenneth sa 70th birthday celebration ng Superstar nitong Mayo 20, 2023, Sabado ng gabi, sa Vertis North Seda Hotel, Quezon City.
Andoon din ang mga manugang at mga apo ni Ate Guy.
“Early bird” si Matet, at maya-maya lang ay sunud-sunod nang namataan sa pagtitipon sina Kiko, Kenneth, Ian at Lotlot.
Kinumusta ng PEP Troika kay Matet ang kanyang business na Casita Estrada, na nagbebenta ng bagnet bagoong, gourmet tuyo, sisig bagoong, at gourmet tinapa.
"Ay! Bongga yung business ko! Thriving at meron kaming bagong pa-bukas na kitchen sa San Marcelino, sa U.N. Square [sa Ermita], may bago kaming pa-bukas," pagbabalita ni Matet.
"Tapos marami pa kaming bubuksang iba! So medyo feeling positive kami ni Mickey!”
Siyempre, ang Mickey na tinutukoy ni Matet ay ang husband niyang si Mickey Estrada.
Ito ba ang first time na pagkikita nila ng mommy niyang si Nora Aunor matapos ang “misunderstanding” nila dahil sa kani-kanyang gourmet tuyo business noong nakaraang Disyembre?
“Hindi, nag-shooting na kami ng movie ni Kuya John [Rendez], actually nung January,” paglilinaw ni Matet.
Sabi pa ni Matet, na kasama sa Kapuso teleseryeng Love Before Sunrise nina Bea Alonzo at Dennis Trillo, “Nagkausap na kami ni mommy. Nagka-explain-an na kami.”
Maliban kina John Rendez at Matet, nasa cast ng pelikulang Tomacruz… Sa Puso Ng Isang Anak sina Snooky Serna, Bembol Roco, Irma Adlawan, Ian de Leon, Kenneth de Leon, Beverly Salviejo, Dexter Doria, at Nora Aunor.
Si Nora mismo ang executive director ng pelikula, na idinirek ni Eric Tilos Joven.
Masaya naman si Lotlot sa pagkakasama-sama nilang magkakapatid sa bisperas ng kaarawan ng kanilang ina. Bihira raw ang pagkakataong magkakasama sila. The last time daw ay nang ma-ospital si Nora.
“Busy kasi lahat ng magkakapatid. So, hindi talaga nagkakaroon ng time na magkasama,” sambit ni Lotlot, na ipinagpasalamat sa Panginoon na buo ang kanilang pamilya sa okasyong iyon.
Matatandaan na dito sa PEP Troika unang napabalita ang pagbabati nina Nora at Lotlot noong Hunyo 15, 2022.
READ Mag-inang Nora Aunor at Lotlot de Leon nagkabati na
Isa sa highlights ng programa ang seven-minute audio-video presentation na handog kay Ate Guy ng kanyang pamilya. Andoon ang mga litrato ng Superstar kasama ang mga anak mula nang paslit pa ang mga ito, hanggang nagsilakihan at nagkaroon ng mga anak.
Kani-kanya ng bati kay Nora ang mga apo niya!
Sabi ni Ian de Leon sa pag-intro sa video, “Mommy, happy, happy birthday po. Mahal na mahal ka namin! Sobra-sobra!
“Kahit anong mangyari sa mundo, kahit maging square ang mundo, nandito pa rin kami para sa iyo, Ma!”
Nagpugay rin kay Nora ang ilang kasamahan sa industriya, kabilang sina Beverly Salviejo, Alfred Vargas, Ricky Davao, Dan Alvaro, Marissa Delgado, Deborah Sun, Snooky Serna, Luz Alindogan, Geleen Eugenio, at iba pa.
Present din si John Rendez, ang matagal nang kaibigan ng Superstar, pero hindi ito umeksena.
Namataan din sina Direk Elwood Perez, Direk Louie Ignacio, Julia Clarete, Sanya Lopez, Herlene Budol, Kapuso executive Joey Abacan, at ang dating vice governor ng Bulacan na si Ramon Villarama.
Sa mga showbiz journalist na nagpugay kay Ate Guy ay pasabog ang beteranang si Mercy Lejarde.
NOEL FERRER
Lagi nating ipinapanalangin na okay ang pamilya ni Ate Guy dahil ito—sa huli’t huli ang kanyang matibay na support group talaga—anuman ang mangyari sa kanya.
Mabuti naman at maayos na ulit silang lahat.
Actually, maayos naman talaga sila, ibang mga tao lang naman ang nagiging dahilan ng kanilang di pagkakaunawaan.
The key for everyone is acceptance and forgiveness. At diyan nasusukat ang unconditional love.
Bilib talaga ako sa mag-anak na ito! Maligayang Kaarawan, Ate Guy! Alam mong nandito kami laging nakasuporta at nagmamahal sa iyo!
GORGY RULA
Hindi napigilang mapaluha ni Ate Guy sa inihandang sorpresa ng kanyang mga anak. Mukhang si Ian de Leon talaga ang nag-effort ng AVP na ipinakita nila, at meron pa siyang binasang tribute sa kanyang ina na pinamagatang Mom’s Love.
Kitang-kita ang closeness nilang limang magkakapatid at nakakatuwang nagsama-sama sila kagabi para sa kanilang ina.
Kaya kahit medyo hirap pa magsalita si Ate Guy na parang hinihingal pa ito, paulit-ulit siyang nagpapasalamat sa lahat na naglaan ng oras para sa birthday party na yun, at nagbigay ng kanilang mensahe.
Sabi ni Ate Guy, “Kahit ako’y hinihingal, ako’y masayang-masayang sa mga nangyayari. Sapagkat, sa tagal na panahon na hindi ako nakapag-celebrate ng birthday, ngayon lang uli naulit at nanditong lahat.
“Wala na akong masasabi, kasi ang inaasahan kong dapat um-atend ay nandito. Nandirito kayo at lahat na mga kaibigan.
“Maraming salamat sa mga sinabi nila sa akin, sa mga sinabi ninyo sa akin na talagang tumama sa puso ko.”
Kahit 70 na si Ate Guy, tuloy pa rin daw siya sa pagtatrabaho, dahil hinahanap ito ng kanyang katawan.
“May movie pa akong sisimulan, pero ayaw pang pasabi sa akin kung ano yung title,” pakli ng nag-iisang Superstar at National Artist for Film and Broadcast Arts.