JERRY OLEA
Nag-o-OMAD (One Meal A Day) sina Beauty Gonzalez at Max Collins bilang paghahanda sa bikini showdown nila sa Kapuso comedy series na Walang Matigas Na Pulis Sa Matinik Na Misis.
Sina Beauty at Max ang gaganap bilang legal wife at other woman, respectively, ni Tolome (karakter ni Senator Bong Revilla) sa nasabing weekly program, na eere umpisa Hunyo 4, 2023, Linggo ng 7:45 p.m., sa GMA-7.
Read: GMA-7 sitcom nina Bong Revilla at Beauty Gonzalez, kasado na
“Magtu-two piece yata sila dun,” napangiting sabi ni Senator Bong sa birthday lunch ni Manay Lolit Solis nitong Mayo 22, Lunes, sa Supersam restaurant, Sct. Tobias St., Quezon City.
“May mga sexy scene. Magpapaseksihan sila dun.”
Ang maybahay ni Senator Bong na si Congresswoman Lani Mercado ang gumanap na asawa niya sa pelikulang Walang Matigas Na Pulis Sa Matinik Na Misis (1994), pati sa sequel nitong Yes Darling: Walang Matigas Na Pulis… 2 (1997).
Kinukumbinsi pa ni Senator Bong si Ate Lani na mag-guest sa bagong TV show niya, at binibirong mag-OMAD din ito para mapalaban sa paseksihan kina Beauty at Max.
Napailing si Ate Lani, “Sinabi nga ni Senator, ang secret daw nila, e, One Meal A Day. ‘Mama, kaya mo ba?’ ‘Ay hindi! Iinit ang ulo ko sa One Meal A Day!’”
Susog ni Senator Bong, “Grabe! Makikita mo, siyempre! Ang daya nila, coffee. Pero sobra namang seseksi nila. Parang wala silang anak.”
Si Ate Lani mismo ang pumili kay Beauty para gumanap na Bisayang maybahay ni Tolome.
Pahayag ni Ate Lani, “Kasi, sinabi ko kasi, ‘Alam mo, iba ang touch pag Bisaya.’ Meron kasi kaming mga friends. Hindi na ako magne-name names.
“Naa-amaze ako pag nakikita ko yung babaeng Bisayang asawa, nag-aano na, nagtatatalak na.
“I find it amusing, yun. Naa-amuse ako. Sabi, ‘Ay! Magandang maging Bisaya ang ka-partner ni Sen!’”
Umayon agad si Senator Bong sa recommendation ni misis, “Of course!”
Dagdag ni Ate Lani, “Saka marami tayong Bisayang mga fans na makaka-relate diyan. Kaya kung may experiences yung mga Bisayang mga misis, padala ho kayo ng ideas kay Senator Bong.”
Susog naman ni Senator Bong, magkasintaas sina Lani at Beauty, at magkahawig din ang paggalaw.
Natatawang sey pa ni Ate Lani, “Saka ganun din ako ka-sexy noong bata ako. Joke lang!”
GORGY RULA
Twelve episodes ang unang season ng Walang Matigas Na Pulis Sa Matinik Na Misis. Inabot ng tatlong araw ang taping para sa first episode nito.
“I’m sure, happy ang mga tao pag napanood nila ito. Iyong first episode, abangan niyo yun para makita nyo kung ano yung tatakbuhin ng istorya,” sambit ni Senator Bong.
“Talagang ano, maiiyak ka… sa katatawa! Nakakatawa, ha… maiiyak ka!”
Gamay na agad niya na leading lady si Beauty Gonzalez?
“Actually, nung una ko siyang nakita dun sa ano, biglang sumigaw agad yun ng, ‘Tolome!’ First time naming mag-meet. ‘TOLOME!!!’
“Sabi ko, ‘OK ito, ah?!’ OK siya, iba yung atake. Si Mama ang pumili niyan, ha?! Siyempre, kailangang may approval,” nakangiting lahad pa ni Senator Bong.
Dito sa sitcom ni Senator Bong, ginawan niya ng paraang makabalik sa trabaho ang mga kaibigang action stars, kagaya nina Ronnie Ricketts, ER Ejercito, Jeric Raval, at pati sina Jimmy Santos, Dennis Padilla, at Niño Muhlach.
Si Onin ang gumaganap na sidekick ni Senator Bong, kaya nagpapasalamat ang aktor na binigyan siya ng pagkakataong makabalik-TV.
Bukod sa comedy, ani Senator Bong, punung-puno rin daw ito ng action at kinarir niya uli ang mga action scenes na ibang-iba sa nagawa niya sa Agimat ng Agila.
NOEL FERRER
Magulong-masaya raw ang taping ng Walang Matigas Na Pulis Sa Matinik Na Misis.
Kuwento ni Senator Bong, “Mainit! Kahit pawis na pawis na kami sa katatawa, kakabagin ka sa katatawa. Minsan nagtatawanan na lang kami dahil natatawa kami sa ginagawa namin.
“Kahit saan ngayon, mainit. Sa loob ng bahay, mainit. Hindi naman naka-aircon. Bodega, mainit. Lahat!
“Mas relaxed yung sitcom, pero yung ganito kasi, it’s like doing a movie, 'no. Movie-type siya.
“Kaya even yung paggawa namin ng action, talagang pinaghirapan yung mga… may mga stunts diyan. May mga habulan ng helicopter, speedboats.
“Matindi! Ginastusan ng GMA. Katulad kagabi, anong oras na kami natapos? Sobrang pagod.”