GORGY RULA
Parang mas inspired ngayon si Quezon City Councilor Alfred Vargas sa pag-produce ng pelikula sa ilalim ng film production niyang Alternative Vision Cinema.
Nakipag-co-prod si Alfred sa Noble Wolf Films para sa pelikulang Pieta na idinirek ni Adolf Alix Jr.
Natapos na nila ang shooting at ang daming kuwento ng actor-producer tungkol sa mga experience niya sa mga batikang aktres na sina Nora Aunor, Jaclyn Jose, at Gina Alajar.
Dream come true para kay Alfred na nakatrabaho niya ang nag-iisang Superstar Nora Aunor, pero sobra-sobra pa ang suwerteng kasama rin sa pelikulang ito sina Jaclyn at Direk Gina.
Matitindi pa ang ibang support na sina Bembol Roco, Angeli Bayani, Ina Raymundo, Tommy Alejandrino, Jak Roberto, at marami pa.
Isa raw sa hinding-hindi niya makakalimutan ay nang sama-sama sila nina Ate Guy, Jaclyn, at Direk Gina sa isang mabigat na eksena.
“Una, hindi ako makapaniwala. Meron kasing ano na isang eksena, nagsama-sama — Nora Aunor, Gina Alajar, Jaclyn Jose. Tapos nandun ako sa gitna,” kuwento ni Alfred sa 70th birthday celebration ng Superstar noong Mayo 20, 2023, Sabado, sa Vertis North Seda Hotel, Quezon City.
“Feeling ko, nasa Marvel Universe ako! Pag tumingin ako paganun, sabi ko… grabe, mga titans talaga! Mga superheroes, superstars ang mga nandiyan.
“So, ako… parang grabe! Hindi ako makapaniwala. Buti na lang, meron kaming rehearsals.
“Pero alam mo, dito ko masasabi, magagaling ang lahat na mga kasama ko. Marami kang matututunan. Madadala ka. Dadalhin ka ng galing nila!”
Ano ang reaksyon niya nang nagkasama-sama sila sa eksenang iyon?
“Ang reaksiyon ko, kahit naman ako, hindi ko naman in-expect na mangyayari iyon!” masayang bulalas ni Alfred.
“So, siguro may halo nang suwerte. Tapos siguro, sabihin ko na rin… baka meant to be talaga.
“And alam mo, nung eksena pa lang, nagharap sina Direk Gina Alajar, Nora Aunor saka Jaclyn Jose, may kilabot factor talaga.
“Parang feeling ko, yung eksena na umiikot ka dun sa mga Marvel superheroes na bibilib ka talaga, yung feeling mo.”
Na-take two ba ang eksenang iyon?
“Take two? Hindi. Hindi, parang yun na. Dire-diretso, kasi isang mahabang eksena yun.
“Isang mahabang eksena. Pag iyan ang mga kasama mo, nakakahiyang mag-take two. Nakakahiya.
“So, talagang ako, I put myself na in a position na talagang alam ko ang linya ko, tapos alam ko yung character ko.
“Tapos nagpapa-guide na rin ako. Tapos… kasi pagka ano, pag sa loob ng eksena, bigayan yan, e. Hindi nagkulang si Miss Nora Aunor sa pagbibigay, and she gave it her all.
“Merong mga eksena, nakatayo lang siya. Nakatayo lang siya, nagulat ako… nakatayo lang, ramdam na ramdam mo.
“Sabi ko… grabe! Parang first time ko yung ganung intensity. Na nakatayo ka lang, tapos may full shot, kahit buong katawan niya ang kita, malayo yung kamera, ramdam mo siya.
“May close up, ramdam mo rin siya. So for me, ha, as an actor, ito na yung experience ko ng ganung klaseng craft, level ng craft.
“Na-inspire lang ako lalo!” pahayag pa ni Alfred na sobrang excited sa proyektong ito.
NOEL FERRER
Lalong tumaas ang paghanga ni Alfred sa Superstar at National Artist Nora Aunor dahil hindi raw talaga sila nagkaproblema sa ilang araw nilang shooting.
“Pagka call time niya, alas nuwebe, 8:30 nandun na siya. Pagkatapos ano… she never made me feel na maliit ako, tapos superstar siya.
“Basta, she always made me feel comfortable. Kaya mas nakatulong talaga.
“Siyempre, pagka eksena, makikita mo, binibigay niya talaga lahat nung kaya niya na talagang ikaw, talagang sasabihin mo sa sarili mo, ibibigay ko din lahat ito,” saad ni Afred.
May maaksyong eksena si Ate Guy sa movie kung saan kailangan niyang tumakbo. Nagawa niya iyon nang maayos?
“Grabe! Nakita ko dito tumodo si Miss Nora Aunor. And doon naman kami bumilib ni Direk Adolf Alix, kasi pag sinabi niyang ano, gagawin niya, gagawin niya talaga,” pakli.
Tinitiyak naman daw nila sa produksiyon na safe si Ate Guy, at lahat na mga artistang involved sa pelikulang ito.
“Super ingat. Ang maganda naman dito, very comfortable siya sa buong production ni Direk Adolf Alix.
“Si Direk Adolf kasi, kabisado na rin siya. Pero sa akin, walang aberya, walang kahit na ano. It was a very, very smooth shooting.”
JERRY OLEA
Sa programa sa 70th birthday party ng Superstar, sinabi muli ni Alfred na nanginginig ang tuhod niya nang puntahan noon si Nora sa bahay nito para ialok ang Pieta project.
Read: Nora Aunor full of thanks on 70th birthday: "Kahit ako’y hinihingal, ako’y masayang-masaya."
Pagpupugay ni Alfred, “Kasi kumbinasyon na po yan ng pagka-starstruck ko sa inyo, and at the same time, I was really hoping that you would do the film with us.
“And you said ‘yes,’ isa na po yun sa mga pinakamasayang sandali sa buhay ko…
“Ilan po sa mga natutunan ko kay Ate Guy, tungkol sa experience ko sa inyo sa Pieta, is number one yung humility.
“Superstar ka na, pero ang humble-humble niyo pa rin. And andami ko talagang natutunan bilang tao, bilang artista at bilang public servant.
“Na kahit superstar ka na, basta dapat humble ka pa rin.
“Pangalawa, nakita ko kung paano nyo po alagaan ang fans ninyo. Doon ko nakita, meron talagang totoong nagmamahal sa fans. And gusto ko iyong gayahin for the rest of my life. Opo.
“Pangatlo, nakita ko po kung gaano nyo po kamahal yung pag-aartista, yung craft, that’s why you’re most deserving to be our National Artist.
“Doon po sa pelikula namin, para po akong nag-master’s degree at saka doctorate degree sa pag-akting po, nakasama ko si Miss Nora Aunor!
“Seryoso po, andami kong natutunan by just watching her.
“And thank you po dahil kahit Superstar na kayo, National Artist na kayo, never ko pong naramdaman sa set na ako po’y isang maliit na artista, o isang baguhan na artista, o isang batang artista.
“You always made me feel confident and comfortable po sa inyo.
“At bilang panghuli, tutal, Ate Guy, natupad ko na po iyung isa kong pangarap na makasama po kayo sa isang pelikula…
“Sana po, tulungan niyo rin po akong matupad ang isa ko pang pangarap — na sana po, maging leading man nyo naman ako next time!”
Nagyakap kapagkuwan sina Nora at Alfred, na mag-ina ang papel sa pelikulang Pieta.