GORGY RULA
Dalawang promising young artists ang ilulunsad ng Star Music ngayong linggo.
Isa rito si Shira Tweg, ang 16-year-old half-Pinay at half-Israeli na una naming napanood sa pelikulang Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko. Siya ang gumanap na batang Sharon Cuneta sa naturang pelikula.
Pero kagaya ng ilang bagets na singer, si Moira dela Torre ang ina-idolize ni Shira at tipong mga kanta nito ang gusto rin niyang kantahin.
“I really, really admire her. Kasi po since I was in Grade 7 or 6 around like that po, ano po… I always listen to her songs,” kuwento ng dalaga.
“Lalo na po yung isa na lagi ko pong kinakanta sa mga guesting, which is po 'Torete.' Tapos po yung 'Ikaw at Ako,' 'Tagpuan,' ganun po,” pakli ni Shira.
Ilulunsad ni Shira ang first single niyang "Pag-ibig" na isinulat ng director-composer na si Joven Tan.
Sabi pa ni Shira, tila na-influence din siya ni Direk Joven sa pagsusulat ng mga kanta.
“Since po I recorded 'Pag-ibig' po, dun ko po naisipan na, what if puwede po ako magsulat.
“Kaya po sa bahay, nag-iisip po ako ng mga tono and lyrics, and right now po, I’m working on one. Sana po ma-produce,” dugtong ni Shira.
Ilulunsad ni Shira ang first single niyang "Pag-ibig" sa darating na June 10 na gaganapin sa Music Box, Quezon City.
Ang isa pang malapit na ring ilunsad ng Star Music ay ang 15-year-old na si Lizzie Aguinaldo.
Si Direk Joven Tan din ang may likha ng first single nito sa Star Music, na pinamagatang "Baka Puwede Na."
Taga-Imus, Cavite si Lizzie. Sinabi niya sa nakaraang press launch nito na apo siya ng first president ng Pilipinas na si General Emilio Aguinaldo.
Sabi ni Lizzie, great grandfather daw ng daddy niya si Ka Miong kaya talagang nananalaytay sa kanya ang dugo ng isang bayani.
Mahilig sa old songs si Lizzie at isa raw sana sa gusto niya i-revive ay ang sikat na kanta ni Yolly Samson na "Pag-ibig Ko’y Ibang-iba."
Paborito rin ni Lizzie si Moira dela Torre, pero type daw sana niyang maka-collab si Zack Tabudlo.
NOEL FERRER
Sabi ni Direk Joven Tan, kakaibang challenge sa kanya ang gawan ng kanta ang mga baguhang singers, kagaya nina Lizzie at Shira.
“Ang challenge pag gumagawa ng song para sa baguhan is yung recall. Dapat malakas dating at bagay sa image ng artist. Plus, need mo ring pakinggan yung gusto nila.
“Ang pinagkapareho lang ng dalawa is pareho silang bata. Halos pareho lang sila e, masayahin at makulit,” sabi ni Direk Joven.
JERRY OLEA
Balik-sigla ang local music scene. May mga musical na dula. Ratsada ang mga concert ng mga Pinoy man o dayuhan.
Tuluy-tuloy ang mga singing competition — sa TV man, kapiyestahan, o saan man.
More and more ang bagong singers o recording artists, ang mga music video at mga theme song.
JED MADELA
Nakipagsanib-puwersa kay Jed Madela kasama sina DJ M.O.D. at Darren & Cashwell sa kanyang bagong single na “Just For You.”
Sa bagong pop track na swak isama sa driving o dance playlists, ibinida ni Jed ang kilig na dala ng umuusbong na pag-ibig.
Ang latest Star Music release ay mula sa komposisyon at produksyon nina Darren & Cashwell at DJ M.O.D. na naniniwalang si Jed ang karapat-dapat magbigay-buhay sa kanta.
“I immediately knew that Jed would be the perfect fit for this record,” saad ni DJ M.O.D.
“To be honest, it was a long overdue collaboration. Ang tagal na namin gusto ni Jed gumawa ng song together, and finally we have one! Jed is super professional with his craft and his approach and appreciation for music is second to none.”
Nagustuhan agad ni Jed ang awitin dahil naiiba ito sa nakasanayan niyang tunog.
"I've been talking to DJ M.O.D. for the longest time to come up with a song that is far from what I usually do. The first time I heard ‘Just For You,’ I immediately liked it because first, it was nothing close to what I usually do.
“Second, it sounded really happy and brought good vibes. Third, I became excited to see if my voice could work with that kind of sound," sambit ni Jed.
Interesado siyang i-explore ang mas upbeat at pop na tunog para sa kanyang upcoming music.
"I’ve been in the business for more than 20 years now and somehow, I have recorded and tried out singing different kinds of songs in different styles. It’s a continuous process.
“You go with the times. You evolve in order to stay relevant but still keeping your real essence as an artist. But definitely, I will be exploring more of this sound," sabi ni Jed.
AC BONIFACIO
Independence at self-love ang sigaw ng new gen dance princess na si AC Bonifacio sa kanyang bagong single na “4 Myself.”
Laman ng upbeat pop track ang pagbibigay halaga sa independence ng isang tao.
Isinulat ni AC ang awitin katuwang sina ABS-CBN creative director Jonathan Manalo, Jeremy G, at BGYO member Nate Porcalla.
Pahayag ni AC, “The inspiration of ‘4 Myself’ came from my previous single, ‘Fool No Mo.’ It has the same female empowerment message that I really want to put out there.
“It's a song that gives you the confidence and power to get through everything you're going through. It's a reminder that 'kaya mo yan!'”
Una niya itong inawit sa Star Magic All-Star Games 2023 noong Mayo 21, 2023 sa SM MOA Arena.
VIÑAS DELUXE
Panibagong milestone ang nakamit ng Drag Pop Misis na si Viñas Deluxe.
Pumalo sa halos 500,000 combined streams sa iba’t ibang digital platforms ang kanyang “I’m Feeling Sexy Tonight” single.
Iba’t ibang papuri naman ang kanyang natanggap matapos mag-trending ang kanyang performance sa RuPaul’s DragCon sa Los Angeles, California.
Sa unang bahagi ng taon, inilabas ni Viñas ang rendition niya ng “I’m Feeling Sexy Tonight” ni Chona Cruz, kung saan iprinodyus niya ang campy at makulay na music video, kasama ang creative director na si Ejay Dimayacyac.
Ang upbeat dance track ay ang unang single niya bilang recording artist sa ilalim ng Tarsier Records.
Tampok din siya sa RuPaul’s DragCon noong Mayo 12 at 13, kung saan nakasama niyang mag-perform ang iba’t ibang drag artist.
Ibinida ni Viñas ang kanyang impersonation ng “We Belong Together” ni Mariah Carey na inawit niya sa 2006 Grammy Awards.
Umarangkada na sa mahigit isang milyong views sa TikTok ang kanyang impersonation.
MISHA DE LEON
Naglunsad ng kanyang debut single na “Damdamin” ang dating Idol Philippines Season 2 contestant na si Misha de Leon.
Ang kanta ay tungkol sa pinagdaraanan ng matalik na magkaibigan na humaharap sa pagsubok ng pag-ibig. Si Jungee Marcelo ang sumulat at nagprodyus ng kanta.
“The song 'Damdamin' really hits me right in the feels, you know?” pahayag ni Misha.
“It's a groovy song that depicts a person who isn't ready for a romantic relationship with someone, and it makes me imagine the emotions of that person, who rejected the one who confessed their feelings.”
Pagkatapos ng kanyang stint sa Idol PH, excited na ang baguhang Kapamilya singer na magkaroon ng sarili niyang musika.
Meron siyang “melting pot of inspiration” mula sa iba’t ibang musical influences.
“From the soulful sounds of Amy Winehouse and KZ Tandingan, to the electrifying beats of BTS and Arctic Monkeys, and even the timeless classics of Adele and Rihanna, my musical taste is diverse.
“I'm always open to exploring different styles and vibes to help me learn more about my own style and genre,” sabi ng bagong Star Pop artist.
IMOGEN CANTONG
Isang masayang pagbabalik-tanaw sa pagkabata ang handog ng anim na taong gulang na “batang cute-po” kiddie panel member ng “It’s Showtime” na si Imogen Cantong sa kanyang debut single na “Da Da Da.
Nagmula ang inspirasyon ng upbeat track sa himig na inawit ni Imogen noong dalawang taon gulang pa lamang.
Binuo ito ng kanyang parents na sina Rey Cantong at Kaye Cantong ng Six Part Invention na nagsilbing composer at producer ng awitin.
“Yung Da Da Da po for me ay para sa mga babies na hindi pa nakakapagsalita. I composed it for them po. Ang meaning po ay parang nagyayaya [na makisaya sa awitin],” ani Imogen.
Bukod sa pagiging bahagi ng kiddie panel ng “Isip Bata” segment ng It’s Showtime at featured artist sa awiting “3-in-1” ni Jamie Rivera, may talento rin si Imogen sa pagpe-perform na kinagisnan niya mula sa kanyang magulang.
Aktibo rin si Imogen sa kanyang pag-aaral, kung saan nakikilahok siya sa iba’t ibang school programs upang ipakita ang kanyang talento.
Sa paglabas ng kanyang unang single, unti-unti tinutupad ni Imogen ang kanyang pangarap na maging kilalang recording artist.
Ilan sa role models niya ay sina Regine Velasquez-Alcasid, Sarah Geronimo, Blackpink, Ariana Grande, at ang banda ng kanyang mga magulang na Six Part Invention.
TIANA KOCHER
Mahigit 6 million streams na ang mga awit ng 24-anyos na independent artist na si Tiana Kocher.
“I’ve been singing since I was a kid. But around maybe six or seven years ago, I came home, I went up North with my mom,” lahad ni Tiana, na daughter ni Katrina Ponce-Enrile.
“I went to the beach, and there was a guy on the beach with a guitar. And so my mom was like, ‘Go, go sing with them. You know, you’ll never know, just go sing with them.’”
Nakipag-jamming si Tiana sa lalaking may gitara at vinideo iyon ng kanyang mom.
Pagpapatuloy ni Tiana, “She uploaded it to Facebook. And from there, a few producers in L.A. came across that video, and asked her if I could come to L.A. to put some demos.
“That’s how it started… from Facebook.”
Ang debut single niyang “Just My Type” ay pumasok sa Top 40 Indie Chart. Sinundan ito ng “Paint the Town” at “Swing Batter” na umapir sa Croc commercial para sa pelikulang What Men Want (2019).
Ang kanta niyang “U Tried It” na ni-release noong Oktubre 2019 ay prinodyus ng four-time Grammy-nominated record producer na si RoccStar.
Nakipag-collab si Tiana sa Grammy award-winning recording artists na sina TLC, Faith Evans, Sage the Gemini, AJ McLean ng Backstreet Boys, Citizen Queen, Bobby V, ASAP Rocky maging sa Latin artist na si J. Alvarez.
Nakatrabaho ni Tiana ang US-based brands na McDonalds on their Golden Arch Cafe series, Ethika, Jaded Ldn, Pretty Little Thing, Nasty Gal, Pixi Beauty, Dossier, pati sa media company ni LeBron James na Springhill.
Graduate siya sa entertainment school na Full Sail University obtaining a bachelor's degree in Music Business.
Meron din siyang associates degree in Musical Theatre from the Cambridge School of Visual and Performing Arts.
She is a part of Grammy U as well as the National Society of Collegiate Scholars.
RADRED
RadRed na ang pangalan ng bandang kilala dati bilang Jose Carlito. Kasunod ng pagpalit nila ng pangalan ang paglunsad ng kantang “Mr. Sun.”
Ang band frontman na si JC Padilla ang sumulat ng bagong kanta at nagprodyus nito sa ilalim ng Star Music label ng ABS-CBN.
"’Mr. Sun’ is about finding meaning in life and appreciating its beauty,” sabi ni JC.
“May hiling ito sa araw na magliwanag doon sa mga naguguluhan para makalimot sa kanilang mga pinagdadaanan.”
Four-piece band ang RadRed na kinabibilangan nina JC (vocals), Katsumi Kabe (guitars), JZ Lorenzo (bass), at Bryan Tuazon (drums). Nais nilang maghatid ng modern flavor sa ‘90s rock at ‘70s blues rock gamit ang kanilang musika.
Sila ang nasa likod ng mga awiting “Dystopia,” “At Kahit,” “Big White Wall,” Blankong Imahe,” at iba pa.
Nagpalit sila ng pangalan ng banda bilang “matapang na paglayo sa karaniwan at pagsisimula ng pangmalakasang collective change.” Pinagsama nila ang mga salitang ‘radical’ at ‘redemption’ para maging ‘RadRed.’
CHESTER
Ibinida ng dating “Idol Philippines” Season 2 contestant na si Chester Padilla ang dalamhati na dala ng pag-ibig sa kanyang bagong awitin na “Ako Na Lang Muna.”
Hatid ng hugot ballad na isinulat ni Kikx Salazar ang paghahangad sa pag-ibig kahit na masaktan ang sariling damdamin. Ito ang ikalawang awitin ni Chester sa ilalim ng Old School Records at Star Music.
“It feels like it was really written for me. I used to be that kind of person who’s willing to love selflessly. I came to a point where I settled for being the temporary fix, the lover who’s content with just the bare minimum,” ani Chester.
Sumali siya sa ikalawang season ng "Idol PH" kung saan nakatanggap siya ng Platinum ticket at umani ng maraming views ang performance niya ng “With A Smile” at “Leaves.”
“I started doing song covers on day one. I had no idea I would be able to interpret songs and have it released one day,” saad ni Chester.
“I joined my first reality singing competition on Idol Philippines Season 2 and was able to get one of the four platinum tickets during my audition. The utmost pride I have during that time was I fully realized the kind of singer I aspire to be.
“I want to be able to touch hearts by telling a story, may it be inspirational or hurtfully piercing.”
CESCA
Binigyang buhay ng ABS-CBN Music artist na si Cesca ang papel ng isang aspiring musician na nagkaroon ng mapanirang relasyon sa dating nobyo na ginampanan ni Mikki Claver ng BGYO sa “What If” music video.
Nagsilbing short film ang bagong labas na MV kung saan ipinakita ang masasaya at masasakit na pinagdaanan nina Cesca at Mikki sa kanilang relasyon. Mula ito sa direksyon ni Raymark King Bingcang.
Kabilang ang “What If” sa mga awitin ni Cesca mula sa kanyang debut EP na “Travel” na inilabas noong nakaraang taon sa ilalim ng ABS-CBN record label na Star Pop.
Tampok sa mini-album ang istorya ng kanyang mga personal na karanasan at isa na rito ang toxic na relasyon na nagdala sa kanya para maisulat ang kantang “What If.”
“It was so hard for me to let this song out because it exposes the most toxic relationship I’ve ever been in,” pagtatapat ni Cesca.
“I wrote this song for this one person and I asked him what if we were strangers? What if hindi tayo magkilala sa lifetime na ‘to? Would we be different people from who we are now?”
Bilang visual at multimedia artist, nakilala si Cesca sa kanyang unang single na “Lovesick (Pagmahalasakit)” na umani ng mahigit 1.7 million streams at naging cover ng Fresh Finds Philippines playlist ng Spotify.
Kasunod nito, inilabas niya ang ikalawang single na “Pambihirang Harana” na naging bahagi ng IWantTFC series na “Tara G!”
Ngayong taon, inawit naman niya ang “Kung Mapipili Lang” na bahagi ng soundtrack ng revenge series na “Dirty Linen.”