JERRY OLEA:
Hindi pa masabi ni National Artist Ricky Lee kung kailan talaga ang susunod na libreng pa-workshop niya para sa mga gustong maging scriptwriters.
“Usad nang usad, e,” sabi ni Sir Ricky nang makatsikahan ko nitong Setyembre 15, 2023, Biyernes ng gabi, sa Manila Metropolitan Theater bago ang gala presentation ng Rama, Hari musical.
“Kung mag-o-open lang ako ng December, and then give naman assignments, and then next year na para makapagsulat sila ng storyline nila during the vacation.”
Kumusta naman ang benta ng mga libro niya sa Manila International Book Fair (Setyembre 14-17) sa SMX Convention Center?
“Pagdating ko kanina ng 12:00, pag-upo ko pa lang, may nagpa-autograph na, may pumila na,” masayang kuwento ni Sir Ricky.
“Dire-diretso, walang meryenda, walang ano. Kasi, hindi tumitigil ang tao. Wala naman naka-schedule ngayon na signing. Ang schedule ko, kahapon at sa Sunday.
“Kahapon din, hindi ako natigil mula 12:30, pero iyon, announced iyon na book signing day ko. Pero ngayon, wala dapat signing, e.
“So, andami pa ring nagbabasa. Lima-lima, pito-pitong libro ang hawak-hawak.
“May binili iyong pamangkin niya, may binili iyong anak niya. So, marami pa ring nagbabasa.”
Alin ang paborito nila sa mga libro niya?
“Sa akin, ang Number One pa rin, iyong Para Kay B. Iyon pa rin ang pinakagusto ng lahat,” saad ni Sir Ricky.
“At iyong iba, bumibili ng dagdag na kopya. Kanina iyong isa, ten times na daw niyang nabasa. Bumili na naman siya kanina ng kopya, ipinamimigay niya.
“So, yun pa rin. Pero masarap na andaming taong interested magbasa. Doon sa buong building, sa SMX, napuno. Naglilibutan ang mga tao.”
Iyong ibang mga sangay ng National Book Store at Fully Booked ay nagda-downsize o nawawala, kaya nakakatuwa na dinudumog itong book fair.
“Yes, pero dito, nandun, e. So, parang sa Cinemalaya, napapalibutan ka ng mga film lovers,” pahayag ni Sir Ricky.
“Dito naman, napapalibutan ka ng book lovers. So, ang sarap din ng pakiramdam!”
Gagawa pa ba siya ng bagong nobela?
Tumango si Sir Ricky, “Yeah, nasimulan ko na, pero usually magulo ako pag nagsusulat. Sabay-sabay, di ba?
“So, ngayon, memoirs, Trip To Quiapo 2, saka nobela. Lagi akong ganun, lipat-lipat until makatapos ako, ‘Ahh, eto na.’ So, ngayon, lipat-lipat pa.”
Sinigurado ni Sir Ricky na may matatapos siyang bagong libro next year. Siya mismo ang publisher ng mga libro niya.
Read: National Artist Ricky Lee, may libro at pelikulang ilulunsad sa Cinemalaya XIX
Sa mga bumibili o nagbabasa ng libro niya, karamihan ba ay kabataan, estudyante, o may edad na?
“Ang readers ko, karamihan, estudyante. From 14 years old, maraming bata, e,” tugon ni Sir Ricky.
“Fourteen to twenties. May mga bagong graduate kanina, e, na pumunta. So siguro, hanggang mga thirties. May mga adults pero mas marami, estudyante. Sa akin.”
Nakaka-relate ba sila sa tema ng Para Kay B? Medyo maselan iyong kuwento…
“Yung isang estudyante, 20 or 21 years old, tawa siya nang tawa sa Para Kay B, kanina lang niya binabasa,” sambit ni Sir Ricky.
“Hanggang Chapter 5 pa lang siya, pero tawa siya nang tawa.”
Siyanga pala, maliban kay Sir Ricky ay lima pang National Artists ang dumalo sa gala night ng Rama, Hari 2023 — sina Ryan Cayabyab, BenCab, Alice Reyes, Virgilio Almario, at Agnes Locsin.
NOEL FERRER:
Ang tiyaga nga ni Sir Ricky Lee sa kanyang interaction sa mga mambabasa niya sa Manila International Book Fair.
Ang hahaba ng mga pila sa kanya at ang payo ay mag-pre-sign na siya sa mga libro at ang pangalan na lang ang iniiba niya.
Pero ang sabi niya, “Hindi puwede, marami akong natututunan sa mga nagpapapirma. Meron akong hinihingian ng advice sa pagbabasa, pag-aaral, pagsulat, o pagmamahal.
“May lesbian na nagpapirma ng happy birthday para sa partner niya at may tip pa kung paano sila magtatagal. May mga duktor na humihingi ng payo sa career. Iba-ibang kuwento na napaka-interesante kaya hindi mo maikakahon ang dedication mo.”
Grabe ang paghanga ko sa Maestro! Ang tiyaga lang niya at araw-araw sa book fair ay nandoon siya.
It’s a passion that we both share: books, reading, and writing!!!
Sana nga, dumami pa ang mga mambabasa!!!
GORGY RULA:
May mga screenplay din si Sir Ricky Lee na isasapelikula at mag-ii-stream sa Vivamax at Viva One.
Read: National Artist Ricky Lee elevates quality of Vivamax via his scripts
“Meron din para sa GMA Pictures pero sekreto pa raw,” sey ni Ricky.
“May isa pang movie na hindi ako ang writer ng script. Iyong isang short story ko, gagawin ng Star Cinema with Daniel Padilla.
“Ang role niya, Kamatayan. May short story 'ko na ang title, Nang Mapagod Si Kamatayan. Galing dun sa libro kong Kung Alam N’yo Lang.
“Gagawin yun with Daniel Padilla and Zanjoe Marudo. Si Daniel ang gaganap na Kamatayan.
“Gusto nila ni Kathryn [Bernardo], may separate films sila, e. Ibang klaseng mga role. So, ito yun, ibang klaseng role.”
Sa Setyembre 27 ay ipapalabas na sa mga sinehan ang bagong movie ni Kathryn with Dolly de Leon and Jake Ejercito, ang revenge drama na A Very Good Girl.