JERRY OLEA:
May good news at may bad news sa listahan ng Top 10 Movies in the Philippines Today sa Netflix.
Ang good news, ngayong Setyembre 17, 2023, Linggo, ay dalawa na naman ang pelikulang Pinoy sa nasabing listahan.
Ang bad news, hindi na Pinoy movie ang No. 1.
Walong consecutive days na nanguna sa lipon ng mga pelikula sa Netflix Philippines ang What If? nina Alessandra de Rossi at JM de Guzman — mula Setyembre 9 hanggang 16.
This Sunday ay pangatlo na ito sa talaan.
Before that, parehong seven consecutive days sa Netflix Philippines ang Love You Long Time nina Carlo Aquino at Eisel Serrano, at ang Seasons nina Carlo Aquino at Lovi Poe.
Ang isa pang Pinoy movie sa Top 10 this Sunday ay ang How To Be Yours (2016) nina Bea Alonzo at Gerald Anderson. Nasa ikasiyam na puwesto ito.
Ang Top 10 Movies in the Philippines Today sa Netflix — Once Upon A Crime, Love At First Sight, What If?, Knowing, The Pope’s Exorcist, The Grinch, Jack Reacher, Jack Reacher: Never Go Back, How To Be Yours, at The Impossible.
Samantala, ang Top 10 TV Shows in the Philippines Today sa Netflix — One Piece, A Time Called You, Jujutsu Kaisen, Destined With You, Band of Brothers, Dear Child, The Pacific, K-Food Show: A Nation of Kimchi, The Uncanny Counter, at My Happy Marriage.
Wala pa ring Pinoy content among the series na nasa Top 10 ng Netflix Philippines.
Iyong One Piece na nag-umpisang mag-streaming ay agad na namayagpag sa iba’t ibang bansa, at patuloy na umaarangkada maging sa Pilipinas.
Sa Top 10 TV Shows na iyan, apat ang gawang-Koreano. Ang mga ito ay A Time Called You, Destined With You, K-Food Show: A Nation of Kimchi, at The Uncanny Counter.
NOEL FERRER:
Magandang data na malaman ay sa gitna ng napakarami nang live events at wala nang COVID restrictions (bagama’t paparami na naman daw ang cases), pandemic levels pa ba o mas dumarami ang manonood ng Netflix ngayon?
Kung sinasabing nasa Top 10 ang isang pelikula, ilang viewers kaya meron nito?
Kapag kasi hindi masaydong kumikita ang isang pelikula sa takilya, sinasabi ng mga tao na nasa online o sa Netflix na ang mga manonood. Mga ilan kaya iyon?
At dagdag na tanong, sapat na kaya ang viewers na ito sa kikitain ng producer?
Kabilang sa mga pelikulang Pinoy na streaming soon sa Netflix ang The Janitor (Setyembre 22) nina Dennis Trillo at Derek Ramsay, Ang Pangarap Kong Oskars (Setyembre 28) nina Paolo Contis at Joross Gamboa, Keys to the Heart (October 4) nina Elijah Canlas, Zanjoe Marudo at Dolly de Leon, at Love Me Tomorrow nina Dawn Zulueta at Piolo Pascual.
Sana, mas marami pang Filipino content ang mamayagpag sa kahit na anong platform, lalo na sa Netflix.
GORGY RULA:
Umaasa pa rin ang film producers na mababawi ang kanilang ipinuhunan sa pelikulang ginagawa nila. Hindi na nga lang sa mga sinehan kundi sa mga streaming service.
Ang narinig namin, maganda pa rin ang offer ng mga major streaming service kagaya ng Netflix, Prime Video, at kahit ang Viu na nakikipag-collab sa malalaking network.
Pero meron pang iba kagaya ng sa Viva na namamayagpag pa rin ang iba nilang platform.
How true na bumababa na raw ang subscribers ng Vivamax nila? Nagsawa na ba mga tao sa hubaran? Kumusta naman iyong Viva One?
Wala na rin kaming balita sa AQ Prime kung tuloy pa rin ba sila.
Agosto 8, 2022 nag-umpisa ang AQ Prime, sakop ng Ghost Month. Tahimik ang first anniv nila.
Nanahimik na rin ang Upstream na pinagpalabasan ng MMFF 2020 entries, ganoon din ang RAD.
Andiyan pa rin naman ang Juanflix: The FDCP Channel, HeyPogi, at GagaOOLala.
Tingnan natin itong bagong streaming service na mala-Vivamax ang tipo. Sa September 22 ay ilulunsad ang Goblin at ito raw ang hottest and naughtiest interactive streaming platform.
Ang first movie na ipalalabas ay ang The Last Resort na idinirek nina Dave Lao at Jay Altarejos. Tampok dito sina Paolo Paraiso, Erin Ocampo, at Oliver Aquino.
Mag-i-streaming na Ito sa September 26.