JERRY OLEA:
"TikTok Sensation" ang taguri kay Queenay. Sa nasabing platform ay meron siyang 14M followers, at ang posts niya ay naka-296.3M likes na.
Si Marian Rivera, mahigit one month pa lang sa TikTok pero meron nang 6.6M followers. Ang posts ng Kapuso Primetime Queen ay naka-63.9M likes na.
Sang-ayon ba si Queenay na tagurian si Marian na "TikTok Queen"? Meron ba silang competition?
Read: Si Marian Rivera na ba ang bagong "TikTok Queen"?
“For me, wala naman po,” tugon ni Queenay nang mainterbyu ko sa storycon ng pelikulang Slay Zone nitong Setyembre 17, 2023, Linggo ng gabi, sa Luxent Hotel, Timog Avenue, Quezon City.
“Kasi ako po, super-fan po ako ni Miss Marian lalo na sa pagsayaw. Kasi, kitang-kita naman natin, yung mga TikTok niya ngayon, nagte-trend talaga pagdating sa pagsayaw.
“So ako, walang competition! I’m so happy na talagang sobrang trending niya ngayon. And talagang sana, soon, magka-collab kami.
“And ayun, I’m so glad na meron na siyang TikTok!”
Nagbida si Queenay sa TikTok series ng Puregold na 52 Weeks, katambal ang Ultimate BidaMan na si Jin Macapagal.
Ngayon ay sasabak naman si Queenay sa pelikulang Slay Zone kung saan bida sina Pokwang at Glaiza de Castro, sa direksiyon ni Louie Ignacio.
Nasa cast din ng movie sina Rico Barrera, Maui Taylor, Abed Green, Hero Bautista, Paolo Rivero, Lou Veloso, Raul Morit, at Richard Armstrong.
Pangalawang pelikula ito ng Wide International Film Productions, matapos ang Papa Mascot ni Ken Chan. Ang executive producers ay sina Pauline Publico at April Martin.
NOEL FERRER:
Kumusta na ang mga nagpapalipad-hangin kay Queenay? May time na ba siya para magpaligaw?
Read: TikTok star Queenay, type bang magkaroon ng boyfriend from showbiz?
“Naku po! Diyos ko! Nakakaloka!” bulalas ng dalagang Batangueña.
“Andaming nangyari pero mga ganyang manliligaw, hindi ko muna iniintindi ngayon at gawa ng ayokong ma-stress!
“Alam mo yon, kasi minsan, yung mga manliligaw, yan yung susulpot, parang kabute. Bigla na lang lulubog-lilitaw.
“Ngayon, kapag may manligaw, well, na-accept naman ako. Pero ayun, maghintay na lang muna sila!”
Huwaw, parang alam ni Queenay ang priority niya sa buhay, ha… sana, mapangatawanan niya ito!!!
GORGY RULA:
Aminado si Queenay na may mga toxic online. Apektado ba siya pag may mga netizen na tino-toxic (or talksh*t?) siya?
“Siyempre, tao rin po ako. Normal na maapektuhan pero siyempre, hindi ko naman… alam mo yun, hahayaan ang sarili ko na magpaapekto,” tugon ni Queenay.
“Kumbaga, ang aking sarili ay lalaban ako pero in a silent mode na alam mo yun, ipapakita ko pa rin yung best ko, and magiging totoo lang ako sa sarili ko.
“Wala akong dapat ipaglaban sa kanila.”
Paano kung may ipinapakalat sa kanya na fake news? Paano niya lalabanan iyon?
Natigilan sandali si Queenay bago nagsalita nang malumanay, “Siguro, ako, fake news?! Ahhh much better na ang gawin ko na lang, e, sabihin kung ano yung totoo.
“At huwag nang ikalat yung mga fake news. Kasi, hindi naman sila totoo, e. Kaya nga fake, e.
“So kumbaga, ang totoo ay nasa sa akin. Sa akin sila maniwala at huwag sa ibang tao.”