Alden Richards, Paulo Avelino at iba pang artista nakibahagi sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan

JERRY OLEA: Makabuluhang Araw ng Kasarinlan!

Kahit inulan, nairaos ang #Repoblacion Street Party ng pelikulang GOYO: Ang Batang Heneral nitong bisperas ng Independence Day sa may Z Hostel, Brgy. Poblacion, Makati City, malapit sa Burgos St. at Kalayaan Av.

Ngayong Hunyo 12, Martes, 3:00 PM, ang cast ng naturang historical film ay tampok sa Kalayaan Parade sa Luneta Park.

Pangungunahan ito ng bidang si Paulo Avelino, at kasama niya ang co-stars na sina Gwen Zamora, Rafa Siguion-Reyna, Arron Villaflor, Mon Confiado at Art Acuña.

“Sugod!” paanyaya ni Mon Confiado, na gumanap bilang Presidente Emilio Aguinaldo sa GOYO, na ipapalabas sa Setyembre 5 sa mga sinehan.

May patikim naman ang cast ng Binondo: A Tsinoy Musical ngayong 3:30 PM sa Central Atrium ng SM Mall of Asia.

Kagaya iyon ng patikim sa presscon kung saan ang magka-alternate sa bawa’t pangunahing karakter ay nag-duet.

“Meron lang nadagdag na number at naalis na number,” sabi ng director ng musical play na si Joel Lamangan.

Sa Hunyo 29 mag-uumpisang itanghal ang Binondo: A Tsinoy Musical sa The Theater @ Solaire.Mabibili na ang tiket sa Ticketworld.

Ang ilang Kapuso ay nakibahagi sa flag ceremonies kaninang 7:00 AM kaugnay sa ika-120 pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan—Alden Richards sa Liberty Shrine ng Lapu-lapu City; Barbie Forteza & Derrick Monasterio sa Rizal Park ng Iligan City; Benjamin Alves sa municipal grounds ng Pili, Camarines Sur; Migo Adecer sa Davao City Hall; Maricris Garcia sa 1898 Historical Marker sa Bago City; at Andre Paras & Joyce Pring sa CSI Stadia ng Dagupan City.Mamayang 5:00 PM ang Kapuso Fans Day ni Alden sa South Town Center ng Talisay, Cebu.

GORGY RULA: Itong pagpunta ni Alden sa Cebu ay simula na rin ng promo ng kanyang Victor Magtanggol.

Mas maganda kasi na simulan muna sa mga probi-probinsya.

Maganda na rin itong kick-off ng promo ng Goyo ni Paulo Avelino.

Pero, hindi kaya sila apektado ng problemang pinagdadaanan ng ilang producers nito sa Artikulo Uno?

O baka naman naayos na kaya tuluy-tuloy na ang shooting at nagsisimula na nga itong nagpu-promote.

Samantala, kaugnay sa pagdiriwang ng ating Araw ng Kasarinlan, nabanggit ng ating Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang talumpati kaninang umaga sa Kawit, Cavite, na nabibigyan naman daw tayo ng malayang pamamahayag.

Hindi naman daw nasisikil ang ating freedom of speech, ang freedom of press.

Mahal daw niya ang lahat na kababayan, pati ang mga nagpu-protesta at tumutuligsa sa kanya, sa ating gobyerno, dahil iisa lang naman daw ang hangad nating lahat; para sa pag-unlad at pagmamahal sa ating bansa.

 


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN