Dingdong Dantes, sa Palawan magse-celebrate ng Father's Day kasama sina Marian at Zia

GORGY RULA: Sa Palawan isi-celebrate ni Dingdong Dantes ang Father’s Day sa Linggo, June 17, kasama ang asawang si Marian Rivera at ang kanilang anak na si Zia.

Tatlong araw daw silang magpapahinga sa isang resort doon.

Pero aligaga rin ang Kapuso Primetime King sa promo ng bagong programa niya sa GMA-7, ang Amazing Earth, na magsisimula sa June 17 pagkatapos ng 24 Oras Weekend.


Matagal na raw nilang naplano ni Marian ang bakasyong ito para silang pamilya lang ang magkasama sa espesyal na araw na iyon.

Sa presscon ng Amazing Earth ay sinabi ni Dingdong na ang tatlong amazing na dumating sa buhay niya sina Marian, Zia, at ang pagpapalaki at pag-aalaga sa kanya ng kanyang magulang.

Tuwing katapusan. #40

A post shared by Dingdong Dantes (@dongdantes) on

Ani Dingdong, “Nandiyan si Marian, nandiyan si Zia, at yung pag-aalaga sa akin ng magulang ko.

"Konektado lahat yun, e, kasi kung hindi nila ako nabigyan ng tamang values, hindi siguro ako makakapasok sa ganitong trabaho, hindi ko makikilala yung mapapangasawa ko, at hindi ako magkakaroon ng anak na si Zia.

"So, yun ang tatlong mahalaga sa buhay ko."

Samantala, wala pa raw alam si Dingdong tungkol sa kumalat na balitang siya ang napipisil na leading man ni Vice Ganda sa pelikulang isasali sa Metro Manila Film Festival 2018.

Kung nagkumpirma na si Coco Martin na magsasama sila ni Vic Sotto sa pang-MMFF na pelikula, wala namang maisagot ang Kapuso actor kung magsasama nga ba sila ni Vice Ganda.

“Sa totoo lang, wala pa talagang sinasabi sa akin.

"Pero nung narinig ko yung ganung balita, siyempre nakakatuwa, and I’m very humbled, kung sino man ang gumawa ng balitanng yun, na i-consider ako–totoo man o hindi,” pahayag ni Dingdong.

JERRY OLEA: Advanced Happy Father’s Day (Linggo, Hunyo 17) sa mga tatay!

Nakakatuwa si Dingdong na laging naglalaan ng panahon sa kanyang mag-ina sa kabila ng sandamukal na inaasikaso niya.

Deserve ni Dingdong na magbakasyon, lalo pa’t patuloy na umaariba sa takilya ang movie nila ni Anne Curtis na Sid & Aya.

Tweet ng Viva Films nitong Hunyo 14, Huwebes ng umaga, naka-P144M na ito.

NOEL FERRER: Dingdong deserves all the good things na nagaganap sa kanya dahil isa siyang mahusay, matino, at mabuting tao.

Kitang-kita ang pagtatalaban ng pang-personal, pangkomunidad at pambansang concerns ni Dingdong, at sadya itong may consistency.

Mahal natin si Dingdong.

 


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN