JERRY OLEA: Mag-ama ang papel nina Tirso Cruz III at Aiko Melendez sa Kapamilya teleseryeng Wildflower, pero sa pelikulang Rainbow’s Sunset ay magkapatid sila.
“Oo, alam mo naman kung minsan, nakakasuwerte ka ng age adjustment, di ba?” natatawang tugon ni Pipo (palayaw ni Tirso) nang mainterbyu namin noong Agosto 2, Huwebes nang hapon sa Salu restaurant, Sct. Torillo St., QC.
“Marami akong naging mga pagkakataong ganyan. Nagpu-full cycle ako sa isang artista.
“Nagsisimulang anak ko. Nagiging kapatid ko. Nagiging asawa ko.”
Sa story ng Rainbow’s Sunset, ang ama nina Tirso, Aiko, at Sunshine Dizon ay late bloomer—Octogenarian na nang iladlad nito ang kabaklaan, at ipangalandakan ang pagmamahal sa kanyang lover.
Napangiting sambit ni Tirso, “Iyon nga, kanina, sabi ko nga... especially of today, yung panahon ngayon. I do believe, there will be a certain sector of society na... will be very interested in this.
“Palagay ko, may mga ganoon talaga noong araw. Because it is so taboo, na mga malalaking families talaga.
“And biglang-bigla, di ba, in the twilight of your life, biglang ... may gagawa ng story.
“Kasi, 'pag inisip mo yung istorya about homosexuality ngayon, hindi ko inaano, pare-pareho lang halos.
“Ito, homosexuality pero 80 nung magladlad. Di ba, para bang... bakit? What for? Anong point mo na nagladlad ka at 80?
“I mean, ako kasi, ang nakikita ko kasi rito is... it was more the relationship na lang, eh.
“The emotion, the feeling for each other. Kasi, sexually... otsenta ka na, e! Wala ka nang activity no’n, di ba?
“Pero for you to risk all, just to prove to the person na kasama mo na, ‘Totoo ako! I’m here for you!’—ibang storytelling ito.”
Maa-assure ba ni Pipo na hindi mangyayari sa kanya ang gano’n—na paglipas ng ilang taon ay saka maglaladlad?
Tumikwas ang kilay ni Tirso, nag-pout ang lips, at ngumiti nang malandi bago sumagot, “Malay mo?! Abangan ang susunod na kabanata!”
NOEL FERRER: Bali-balitang isang malaking pelikula ang gi-nive up ni Tirso Cruz III at ang kapalt ay itong pelikulang Rainbow’s Sunset.
At ang dinig kong isa pang gagawin niya ay ang PulisCredibles nina Vic Sotto and Coco Martin.
So that means, hindi na kasali si Pipo sa "pelikulang lilipad"! Pero malay mo naman, baka sa huli, makahabol pa rin siya sa finish line! Ha-ha-ha!
Magandang halimbawa talaga si Tirso ng artistang laging nag-e-evolve at nagrere-invent. Napakatapang niya sa mga roles na ginagampanan. And I’m really proud of him to have debunked that myth na kapag naghiwalay ang isang love team ay ang babae ang nagsu-survive.
Look at where he is now. Tirso Cruz III has become one of the finest actors in the country.
Bravo!!!
GORGY RULA: Alam ko matagal nang gustong gawin ni Direk Joel Lamangan ang ganitong project pero ewan ko lang kung handa na ang audience sa ganitong kakaibang kuwento.
Sabi nga ni Pipo, may ilang sector ng lipunan na interesado sa ganitong kuwento. Sana madami-dami naman, para panoorin ang ganitong pelikula.
Maaring magkainteres pa siguro ang mga manonood kung ang gaganap na matandang bading sa mahalagang role na iyun ay yung mga kilalang aktor na hindi pa nakagawa ng ganung klaseng pelikula. Although, magaling naman talaga si Sir Tony Mabesa na siyang gaganap ng naturang role.
Pero bakit hindi nila subukan si Robert Arevalo na hindi ko pa napanood sa ganun kaselang role? O baka puwedeng subukan uli ni Ronaldo Valdez na napakagaling na ngayon? O si Tommy Abuel kaya?
Madali kasing paglaruan sa publicity ng pelikula kung may mga kilalang artistang gaganap sa mga ganung klaseng role.
Nakasanayan na kasi natin na kapag gawang-Lamangan, hindi nawawala sina Sir Tony Mabesa at Jim Pebangco.
Kapag pelikula naman ni Direk Joey Reyes, nandiyan talaga sina Mads Nicolas at Gidget Reyes, pati si Direk Manny Castañeda.
Ganundin ang mga Star Cinema Films, madalas talagang napapasama sina Hyubs Azarcon at Manuel Chua.
Dati nga, may miyembro talaga ng Streetboys sa mga Chito Roño Film. Hindi nawawala yang mga yan.
At siyempre, hindi mawawala mismo ang producer na si Ms. Baby Go sa lahat na mga pelikulang prinodyus niya.
Well, wala naman tayong magagawa dahil nakasanayan na nila itong artista at magagaling naman ang karamihan sa kanila.
Pero mas maganda kung susubukan ng mga magagaling nating direktor ang ibang artistang hindi pa nila nagamit sa mga maseselang role kagaya nitong gagampanan ni Sir Tony sa Rainbow’s Sunset.