JERRY OLEA: Buhay na buhay ang audience ng Cinemalaya 14: Wings of Vision nitong Sabado, Agosto 4 sa CCP.
Pila-pila sa takilya.
May mga screening na naso-sold out at kailangang magdagdag ng mga upuan.
Palakpakan ang mga manonood sa apat na pelikulang natunghayan ko.
At gumitaw sa aking diwa, karamihan sa full-length feature films na nagtatagisan sa Cinemalaya 2018 ay may “Wings of Death.”
Ang opening film na BuyBust ay masasabing massacre film.
Yung Martial Law movies na ML at Liway ay humimay sa karahasan, na siyempre pa ay katuwang ng patayan.
Istorya ng matatanda ang Mamang at Kung Paano Hinihintay ang Dapithapon, kaya ang mga karakter ay malapit na sa hukay.
Krimen at sindikato ang mga pangunahing sangkap sa The Lookout at School Service, kaya andiyan ang mga natitigok na tauhan.
Yung Musmos na Sumibol sa Gitna ng Digma... titulo pa lang, nakaamba na ang kamatayan.
Sa Distance, andiyan ang pagpanaw ng pinakamamahal.
Ewan kung may konek din sa kamatayan ang Kuya Wes at Pan de Salawal, pero usap-usapan ng mga Sirena at Diwata ang short film na You, Me and Mr. Wiggles (19:06 minutes).
Sa CCP lang palabas ito, waley sa Ayala cinemas.
Pasiklab ng short film nina Kiko Matos at Elora Españo, “Can love conquer erectile dysfunction?”
Hindi ko mawari kung naghuhumindig ang ngiti ng isang talent manager nang usisain ko kaugnay sa eksena ritong nagmamatigas.
NOEL FERRER: Iba pa rin ang vibe ng Cinemalaya sa CCP mismo.
Nandun ang sigla ng film community na nakaka-inspire.
Bukod sa nabanggit na ni Tito Jerry, masaya ako at nabigyan din ng halaga ang documentary at pinalakpakan ang laban ni Jennifer Laude kay Pemberton.
Sabi nga ni Direk Perci Intalan, “Iba pa rin talaga ang Cinemalaya. Dito puwedeng sumubok ng ibang klase ng storytelling.”
‘Yan ang nakuha natin sa mga pinanood natin. Looking forward to better days to come in Cinemalaya 2018!
GORGY RULA: Dalawa pa lang sa full length ang napanood ko. Masaya na ako sa School Service. Magaling dun si Ai-Ai delas Alas, lalo na si Direk Joel Lamangan at ang mga batang ginagamit sa pamamalimos.
Lahat sila, magaling.
Yung isa naman na napanood ko ang Lookout.
Pagkatapos ko mapanood ang pelikulang yun, napagtanto ko na mabuti na rin yung ginagawa ng MMFF na namimili din sila sa finished film.
Ang dami kasing project na pagkaganda-ganda ng script, pero kapag naisapelikula na ng direktor hindi mo na ma-appreciate. Naiba na at dun mo na hahanapin kung nasaan na ang magandang script.
Ang nagustuhan ko lang dun sa Lookout, ang guwapo ni Andres Vasquez sa screen. Ang lakas ng dating niya at may karakter ang mukha. Dapat ma-train lang siya ng tamang akting.