JERRY OLEA: Batang lansangan na pumopokpok ang karakter ni Therese Malvar sa Cinemalaya 2018 entry na School Service.
Hindi siya basta-basta nagpakabog sa co-stars na sina Ai-Ai de las Alas at Direk Joel Lamangan.
College student na titibu-tibo ang papel niya sa isa pang Cinemalaya entry na Distance, at kinabog niya si Iza Calzado sa confrontation scene.
“Hindi!” matatas na pag-iling ni Therese matapos ang gala premiere ng Distance nitong Agosto 4, Sabado nang gabi sa CCP.
Paano niya na-pull off ang ganoon kaigting na pagganap?
“Sa tulong nila, grabe... napaka-emotional talaga no’n,” tila nahihiya pang sambit ni Therese.
“Hindi ko ini-expect yung reaction!”
Alin ang mas gusto niya, itong Distance o yung School Service?
“Parehas,” mabilis na sagot ni Therese.
“Ibang-iba yung dalawa, kaya parehas sa akin.”
Tumanggi muli si Therese sa mga nagsabing tinalbugan niya si Iza.
Sabi pa ni Therese, “Naiyak po ako sa eksena nila! Grabe! Hindi ako maka-get over... yung ‘I love you’ ni Tito Nonie [Buencamino]... yung walang bumalik na ‘I love you, too’ sa kanya.”
Lumapit si Iza kay Therese at magkayakap silang nag-selfie.
Pahayag ni Iza, “Nakakaiyak ang lahat... she’s brilliant!”
NOEL FERRER: Walang kabugang naganap. Iza’s character was quiet and distant ('ayan, nabanggit ang title!) at si Terry ang anti-thesis niya.
At napakagagaling nilang lahat to sustain the screen drama na sila lang halos ang laman with their silences and nuanced performances.
Lead actors ang mag-asawang Iza at Nonie na impit at naipon ang mga emosyon, samantalang shoo in talaga itong si Terry sa kanyang supporting performance sa Distance.
It was truly a risk on our talent na si Iza to accept such an unconventional role, but it paid off.
Nais naming papurihan ang mahusay na sound design ni Ditoy Aguila, ang busog na busog na cinematography ni Mackie Galvez at ang banayad pero hindi boringgang editing ni Tara Illenberger.
At Direk Perci Intalan, ito ang pinakamahusay mong trabaho!
Grabe ang control ng mga emosyon na tumatagos talaga sa gitna nga katahimikan.
Ibang experience ang Distance. A must-see sa Cinemalaya14.
GORGY RULA: Magaling naman talaga si Therese Malvar!
Hindi ko pa napanood ang Distance, pero sa School Service napakagaling din niya. Wala siyang ka-effort-effort na gampanan ang role ng isang dalagitang namamalimos at gusto nang mag-level up sa pagpupokpok.
Ang maganda pa kay Therese, hindi siya nakipagtalbugan sa mga co-actors niya.
Sa School Service kasi, ang gagaling din ng ibang mga batang gumanap na ginawang pulubi nina Ai-Ai delas Alas at Direk Joel Lamangan.
Magagaling ang mga bata, at umalalay lang si Therese. Hindi siya nagnanakaw-eksena. Binibigay niya ang moment sa kaeksena niya.
Sana maalagaan nang husto ng GMA Artists Center ang naturang young actress, at mabigyan ng GMA-7 ng magandang proyekto.
Level up na siya sa mabibigat na roles na hindi na kailangan ng ka-love team. Baka masuka pa diyan si Therese, dahil aktres na siya talaga.