GORGY RULA: Nagkaroon ng matinding eksena sa taping ng isang musical show involved ang isang production staff (PS) at isang veteran female TV personality (VFTP).
Ayon sa kuwentong ipinarating sa amin ng isa sa nakasaksi sa eksenang yun sa taping, medyo stressful daw ang atmosphere sa studio dahil pilot episode ang kukunan at ang daming taong involved.
Si VFTP ay nakaupo lang daw sa tabi ng main host ng programa at nakikipagtsikahan kapag break sa taping.
Pero kapag naka-roll na, nandun pa rin siya malapit kay host na nakabantay lang.
Si PS ay paroo’t parito sa studio dahil marami siyang inaasikasong tao na involved sa eksena. Kaya pabalik-balik siya papunta sa lugar ni host at sa lugar niya kasama ang ibang taong involved sa taping.
Mahaba raw ang kable ng headset na suot ni PS at madalas nasasabit sa ibang taong nandun, pati na rito kay VFTP.
Kaya sinabihan niya si VFTP na kung puwede lumipat lang ng puwesto dahil sumasabit ang kable ng headset at nadadaanan siya madalas.
In short, nakakaabala kay PS kapag nandun si VFTP. Pero hindi naman daw ganun ang eksaktong sinabi.
“Ayoko nga!” mabilis na sagot ni VFTP nang sinabihan siya ni PS kung puwede siyang lumipat.
Hindi na lang daw pinansin ni PS dahil marami pa siyang aasikasuhin. Pero sa loob loob daw nito, “Bahala ka kung masagi kita diyan mamaya.”
Pero nang mag-break sila, biglang lumapit si VFTP kay PS.
Tinalakan ni VFTP si PS na kesyo ang yabang, wala raw paggalang sa kanya at kung anik-anik na kuda kay PS na ikinabigla ng lahat.
Hindi na raw nakaimik si PS. Hindi na niya sinagot si VFTP dahil naisip niyang ang dami pa nilang kukunan sa taping, ayaw niyang maging cause of delay pa ang drama nilang dalawa. Kaya pinalagpas na lang niya ito.
Pero pagkatapos ng taping, pag-uwi ni PS, dun lang nag-sink in sa kanya ang lahat na nangyari at ang ginawa sa kanya ni VFTP.
Nag-text daw ito kay VFTP ng mahabang litanya.
Tinawagan ko si PS pero ayaw na niyang ikuwento ang buong pangyayari. Kung ano man daw ang nakarating na kuwento sa akin, tama na raw yun.
Ayaw rin niyang sabihin sa akin ang nilalaman ng text message na ipinadala niya kay VFTP.
Pero ang isang matinding linyang ipinarating niya kay VFTP ay tipong ganito: “Ang arte-arte mo! Akala mo kung sino kang makaarte! Hindi ka naman artista!”
Kinorek ko si PS dahil nakalabas naman si VFTP sa ilang teleserye at umaarte siya. Pero mas kilala siyang nagtuturo ng mga sayaw at choreography.
Tapos na raw yun. Hayaan na raw namin.
Wala na raw siyang idadagdag pang kuwento, dahil itinuring niyang wala na silang koneksiyon ni VFTP. Wala na ring komunikasyon.
Basta may ilang nakasaksi raw na magpapatunay na hindi niya binastos si VFTP.
Mismong ang host daw ang nakakita na maayos niyang pinakiusapan si VFTP kung puwedeng lumipat lang ng puwesto.
Kung mababasa ni VFTP ang item na ito, puwede niya po akong tawagan para maibigay rin ang kanyang panig kaugnay sa insidenteng ito.
Tingin ko, magkakaayos din sila bandang huli, dahil bahagi iyan ng trabaho.
Ganun talaga kapag ngaragan na sa trabaho, mataas ang emosyon at hindi maiwasang umaabot na sa ganung sitwasyon.
NOEL FERRER: Naku, naku, mukhang kailangang umingay pa ang ibang kasama sa programang ito.
Dahil imbes na ang mga contestant at mismong artistang involved ang pinag-uusapan ay ang clash ng production staff ang lumalabas.
JERRY OLEA: Beterana sa industriya ang nasabing female personality.
Alam niya ang kalakaran, lalo pa’t ngaragan ang taping.
Dapat, mag-behave siya. Huwag pasaway.
On the other hand, dahil beterana nga at more or less eh 60 years old na siya... makabubuting unawain na lang siya ng production staff.
Habaan ang pasensiya rito, lalo pa’t “institusyon” o “alamat” si female personality sa kanyang larangan.