JERRY OLEA: Bago pa man ipalabas ang Kapuso teleseryeng Onanay, positibo na ang feedback dito na nakarating sa amin.
“Mas may puso siya kesa sa Victor Magtanggol,” sabi ng showbiz insider.
Bonggabella ang ratings ng pinalitan nitong Kambal Karibal.
Pero sumipa rin ang bagong drama series na tinatampukan nina Nora Aunor, Cherie Gil, at Jo Berry, sa direksiyon ni Gina Alajar.
Iyong mga tampalasan na agad-agad tumili ng “Unanay ko po!” bago pa ipalabas, panoorin ninyo ang pilot week ng Onanay Rewind ngayong Agosto 12, Linggo, 3:30 p.m., bago ang Dear Uge sa GMA-7.
NOEL FERRER: In fairness, interesting talaga ang premise ng teleryeng ito.
Ang sabi ko pa kay Sir Roy Iglesias (siya ang creative consultant ng GMA dramas) na naka-meeting ko, napaka-visual at kakaiba ang affective component ng soap na ito, not to mention the stellar cast of award-winning actors.
Noong Miyerkules, nakakatuwang may mga petisyon ang mga netizen na huwag muna sanang patayin ang alaga nating si Adrian “Luis” Alandy, na gumaganap bilang Elvin na asawa ni Onay (Jo Berry).
Labis na nakakataba ng puso ang post ng co-star niyang si Cherie Gil (na gumanap na nanay ni Adrian sa teleserye) at ang direktor nitong si Miss Gina Alajar, na sobra siyang pinuri sa kanyang epektibo at mahusay na pagganap at napapaka-professional na pakikitungo sa produksyon.
Sana ma-sustain ang magandang takbo ng istorya sa novelty concept na ito.
Congratulations sa bumubuo ng Onanay.
GORGY RULA: May nakausap ako kahapon na isang magaling na aktres na may drama series sa ABS-CBN.
Nagulat nga raw siya sa lakas nitong Onanay.
Ang gauge daw kasi ng aktres ay ang mga kasambahay niya sa bahay kung alin ang gusto ng mga itong panoorin.
Nagulat daw siya nang nalaman niyang itong Onanay ang tinututukan nila, at talagang nagiging topic of discussion pa raw sa kanilang pagtatrabaho.
Kaya nga mabango na naman si Ate Guy (Nora Aunor) sa karamihan.
Narinig ko ngang ilang political groups ang nagkakainteres na isali si Ate Guy sa kanilang tiket sa susunod na eleksyon.
Iku-consider kaya ng Superstar na tumakbo uli sa Kabikulan?
Kakalabanin ba niya si Imelda Papin o baka si Long Mejia kaya na nag-iikot na raw sa ilang bahagi ng Camarines Sur?
Teka, Bicolano ba si Long Mejia?
Ay, bakit ba kay Long Mejia napunta ang usapan?