JERRY OLEA: Mahusay nang mang-eklay ang talentadong young actress.
Sanay na siyang ngumiti na mistulang tunay sa harap ng fans na sa kanya’y nagkakamayaw.
Pero hindi sa lahat ng pagkakataon ay malilinlang niya tayo.

Sa isang out-of-town event na tinanguan ng young actress, nataranta ang organizers dahil 5 P.M. ang call time nito pero wala pa ito.
Hindi naaksidente ang young actress at ang sabi, “Papunta na po kami! On the way na po kami!”
Ang bayan na pagtatanghalan ay malapit sa Kamaynilaan.
Nag-orasyon ng 6P.M., wala pa rin ang anino ng young actress at ang sabi, “Papunta na po kami! On the way na po kami!”
Kagat na ang dilim nang 7 P.M. at namumutla na ang organizers, ang sabi ng young actress, “Papunta na po kami! On the way na po kami!”
Sumapit ang 8 P.M., nag-aawitan ang mga kuliglig at nagpasabi ang young actress, “Pasensiya na po. Hindi na po kami makakarating. Natrapik po kami.”
Simula nang gabing iyon, ang taguri nila sa young actress ay "On The Way Girl."
NOEL FERRER: Naku, naku, naku, on the way na kaya siya to Stardom o pa-La Ocean deep?
Ano kaya ang masasabi ng isang hindi kalakihang batang leading man na nali-link sa kanya?
On the way na rin kaya sila? Or will they ever arrive?
GORGY RULA: Hindi maiwasan ang ganung problema lalo na't ang dami talagang kumukuha sa young actress na ito.
Madalas nagkakaroon ng conflict sa nag- coordinate at sa handler niya.
Nakausap ko ang isa sa nagma-manage kay young actress, wala raw silang na-commit na pupuntahan sa lugar na yun.
Baka kung sino raw ang nakausap nung may pa-event na yun, pero hindi naman alam ni young actress.
Minsan may ganung raket ang ibang coordinator or promoter para kumita lang. Ikinu-commit ang isang artist na hindi naman alam.
Sabi nga nung manager, lahat ay sinisipot nitong young actress may bayad o wala, basta naka-commit lang siya.
Kaya dapat mag-ingat talaga sa mga nakakausap ng mga gustong kumuha sa isang sikat na artista.