JERRY OLEA: Bongga ang post ng singer na si Daryl Ong sa Facebook nitong Oktubre 23, Martes, 6:07 PM kaugnay sa GAIF (Gayness At Its Finest) issue nina Darren Espanto at JK Labajo.

Hanash ni Daryl, “If I was the one accused of being gay, (maliban na lang kung may kasamang threat or binastos ako at pamilya ko), hindi siguro ako mag-aaksaya ng panahon mag-react lalo na kung alam ko naman na hindi totoo, at kung nagkataon mang totoo, eh ano naman?
“Ano ngayon? Ba’t mo naman itatago? Pag bakla ka ba, criminal ka? Does it make you less of a person? Less of an artist?
“Pag bakla ka ba, nabawasan ba ang galing at kakayahan mo sa kung saan mang larangan ka nakikipagsapalaran? Nabawasan ba ang talino mo?
“Just as being straight, does it make you more righteous? Less ‘sinful’?
"Ganun ba ‘yon? Natitimbang ba, nababase ba ang bigat ng kasalanan at kakulangan sa pamamagitan ng kasarian?
"Di ko kase talaga gets, bakit hanggang ngayon na 2018 na, may mga public figure pa rin na nagpapanggap maging lalake, tapos pag na issue, papalag-palag.
“Ano ba binebenta mo? Talent mo o kasarian mo? Ba’t kelangan pa kase magpanggap? Ba’t di na lang magpakatotoo?
“Masarap maging totoo sa sarili at sa maraming tao. Mas masarap ‘yung niyayakap ka ng tao kung sino ka talaga.
“THE TRUTH SHALL SET YOU FREE.
“Magpakatotoo ka.”
NOEL FERRER: Clap, clap, clap tayo kay Daryl Ong sa kanyang progresibong saloobing ito.
May nag-point out lang after basahin ito ni Jobert Sucaldito kagabi na, "Isn’t Daryl under Cornerstone management na siyang nagdemanda kay Jobert after allegedly calling Erik Santos and his management the same thing?"
What can you say, Tito Gorgy?
GORGY RULA: Agree naman ako diyan sa post ni Daryl. Tama naman siya.
Madali lang siguro sa kanya na sabihin yun dahil hindi niya ito pinagdaanan.
Pero sa ibang male celebrities na ayaw umamin, maaaring isyu sa kanila yun dahil mahirap sa kanila at marami pa silang dapat isipin at isakripisyo, kaya mananatiling nakatago ang totoo nilang nararamdaman.
Sana di ma-misinterpret ng iba ang post na ito ni Daryl, at baka isipin nila may pinatatamaan siya.
Kahit sabihin pang tanggap na sa lipunan natin ang mga miyembro ng LGBTQI community, malaking bagay pa rin ito sa iba dahil marami pa silang dapat isipin bago sila mag-out. Kaya hayaan na lang natin sila.
Kung ano ang choice nila sa buhay, mag-out man o hindi, call nila yun.
Hindi magma-matter sa kanila ang opinyon natin dahil wala tayo sa kinatatayuan nila.
Subukan mo kaya, Daryl, ilagay ang sarili mo nung hindi pa BB Gandanghari si Rustom Padilla at marami pa diyan, ha?