JERRY OLEA: Hindi natinag ang FPJ’s Ang Probinsyano sa pag-uumpisa ng Cain at Abel nitong Nobyembre 19, Lunes, ayon sa national ratings (urban + rural homes) ng Kantar Media.

Sa survey service na ito ay 40.1% ang itinala ng Kapamilya teleserye ni Coco Martin, samantalang naka-17.6% lamang ang Kapuso teleserye nina Dennis Trillo at Dindong Dantes.
Susubaybayan natin ang bakbakan nila sa ratings.
Maging sa Metro Manila Film Fest (MMFF) 2018 ay magsasalpukan ang tatlong premyadong aktor na nabanggit.
Si Dingdong ay leading man ni Vice Ganda sa Fantastika versus Coco Martin, na pinagbibidahan ang pelikulang Jack Em Popoy, versus Dennis Trillo na siyang lead actor ng One Great Love.
GORGY RULA: Ayon naman sa AGB NUTAM, 11.6 percent ang ratings ng Cain at Abel at 15.6 naman ang Ang Probinsyano.
Pero thankful pa rin sina Dingdong Dantes at Dennis Trillo sa magandang feedback na natatanggap nila sa bagong Kapuso action-drama series.
Sinabi naman noon pa ni Dindong na hindi sila nakipagkumpetensiya sa katapat nilang programa.
Ang mahalaga, may nagawa silang de kalidad na teleseryeng magugustuhan ng mga manonood.
Nakakatuwa ngang ni-like ni Coco Martin ang Instagram post ni Dennis, kung saan nakalakip ang full trailer ng Cain at Abel.
Nagkapalitan pa ng mensahe sina Coco at Dennis na sana ay magkaroon sila ng chance na magkatrabaho sa isang proyekto.
Mas mabuting ganun—nagkukumpetensya lang sa pagandahan ng serye para sa mga manonood.
Pero sa totoo lang, hindi biro itong pag-atras ng suporta ng PNP sa Ang Probinsyano.
Kung totohanin nila ito at hindi naman for publicity lang, hindi kaya mahirapan sina Coco sa mga baril na gagamitin nila sa taping?
Malabong mabigyan sila ng permit kung hindi na nga ito susuportahan ng mga kapulisan.
Kung sakaling hindi na sila puwedeng gumamit ng baril, ano ang puwede nilang gamitin sa kanilang fight scenes?
Mag-ala-Alyas Robin Hood ba na pana ang ginagamit? O di kaya ay kutsilyo, taga, o suntukan na lang?
O baka sa huli ay magsabunutan na lang sila?
NOEL FERRER: Salamat sa Philippine National Police (PNP) at Department of Interior Local Government (DILG) sa free publicity para sa Ang Probinsyano!
Posibleng nakatulong pa sa TV ratings ang pagtirada ng PNP sa diumano'y negatibong imahe ng kapulisan sa teleserye ni Coco.
Kaugnay ito ng desisyon ng PNP na tanggalin ang assistance at resources na ibinibigay nito sa Ang Probinsyano.