JERRY OLEA: Pinasaya ng Momoland ang isang batang Pinoy na may sakit nitong Disyembre 3, Lunes, bago sila sumabak sa presscon sa bagong office ng Frontrow sa Sgt. Esguerra St. corner Mother Ignacia Avenue, Quezon City.
Maliban dito ay hindi na nagdetalye pa ang kampo ng Momoland kung sino at saan nila binisita ang batang Pinoy na nakasalamuha nila.

Ani RS Francisco, presidente ng Frontrow International, ayaw ipa-announce ng Momoland na may kawanggawa sila sa bansa.
Mas gusto raw nila na low-key iyon.
Muntik nang hindi iyon napag-usapan kung hindi ako nagpaka-pasaway.
Tinatapos na ng host ng presscon ang open forum.
Sabi ng staff, hindi ako puwedeng magtanong dahil wala akong pink sticker.
Ano?! Presscon iyon, 'tapos bawal magtanong ang taga-press na tulad ko!
Kaya kahit wala akong mic, nagtaas ako ng kamay at inusisa si RS.
Iyon kasing produksiyon ng Frontrow na M. Butterfly, may 28 beneficiaries.
Iyong music fest na Frontrow Cares, na gaganapin sa December 16, sa MOA concert grounds, 28+ ang beneficiaries ng malilikom na pondo.
“With or without press, we will continue to pay back,” seryosong sambit ni RS.
Bukas ay may photo and video shoot ang Momoland para sa billboards at promo materials ng Frontrow.
Bboom! Bboom!
NOEL FERRER: Okey iyang ginagawa ng Frontrow na pagtulong nang walang publisidad.
Pero teka, anu-ano nga ba ang mga produkto ng Frontrow?
As in hataw siguro sila sa sales kaya they can afford to do all these efforts?
Na-experience niyo na ba ang products nila, Tito Gorgy?
Kadalaan kasi ay dun tayo sa kanilang mga pa-play at concerts sumusuporta.
GORGY RULA: Maraming produkto ang Frontrow, Sir Noel.
Ilan sa kanilang celebrity endorsers—o "believers" kung tawagin nila—ay sina Daniel Padilla, Kathryn Bernardo, Solenn Heussaff, Miss Universe candidates, at pati ang American boxing champ na si Floyd Mayweather.
Pero mas pinu-promote nila ang kumpanya kesa sa produkto.
Marami pa silang pasabog na pinaghahandaan para sa members ng Frontrow.
Itong pagdating ng Momoland ay Christmas gift nila sa members nila.
Pero di ba, di na gaanong sikat ang Momoland sa South Korea?
Dito lang talaga sila bentang-benta sa mga Pinoy.
