JERRY OLEA: Lumahok sina Shido Roxas, Ross Pesigan, at Noel Comia sa QC LGBT Pride March 2018 nitong Disyembre 8, Sabado sa may Morato Ext. at Timog Av.


Kaugnay ito sa promo ng family drama na Rainbow’s Sunset (isa sa walong official entries ng MMFF 2018) kung saan tampok sila.
Napag-alaman namin na ang original choice para gumanap na young Tony Mabesa sa nasabing pelikula ay si Mark Bautista.
Mas bet ba ni Shido [gumanap na young Eddie Garcia] kung si Mark ang ka-kissing scene niya, o kuntento na siya kay Ross?
“Kahit sino po, OK sa akin,” sagot ni Shido. “Tiwala naman po ako sa choice ng direktor namin kung sino ang napupusuan niya na gumanap sa role.
“Wala po akong preference pero kay Ross Pesigan ay haping-happy na po ako.”
Natuklasan din namin na ang first choice para pumapel na young Eddie Garcia ay si Ejay Falcon.
Mas gusto ba ni Ross na si Ejay sana ang kahalikan niya, o maligaya na siya kay Shido?
“Actually, kahit sino naman ang kahalikan ko, go-go pa rin ako, ha-ha-ha-ha-ha!” halakhak ni Ross.
“Satisfied na ako kay Shido. Magaling siyang humalik. Natuwa naman ako. Ha-ha-ha-ha-ha-ha!”
GORGY RULA: Baka puwedeng bawas-bawasan ang anggulong kabadingan sa promo ng Rainbow’s Sunset.
Sabi ng main cast ng pelikulang ito, family drama ang naturang pelikula at maraming pamilyang makaka-relate.
Paano sila makaka-relate kung ang relasyon ng dalawang elder gays ang ibinebenta at ang laplapan nina Shido at Ross ang pinag-uusapan?
Maganda ang atake nina Tirso Cruz III, Aiko Melendez, at Sunshine Dizon na gumaganap bilang mga anak ng isang ama na bading na patuloy pa ring minamahal ng kanilang ina.
Paano na-handle ng isang pamilya kapag may pinagdadaanan sila na maaring bumuwag sa kanilang samahan?
Isa pa sa curious ako sa Rainbow’s Sunset ay kung anong social issues ang ibi-bring up ng pelikulang ito.
Dala ng pagkaaktibista ni Direk Joel, may nai-inject siyang isyu ng lipunan kung saan doon niya inihahayag ang sariling saloobin sa partikular na isyung ito.

NOEL FERRER: Mukhang sila-sila rin lang sa Rainbow’s Sunset ang maglalaban-laban sa top awards aside from Best Picture, Best Director, at Best Screenplay.
Sa acting awards, mukhang llamado si Eddie Garcia for Best Actor, si Gloria Romero for Best Actress, Tony Mabesa and Tirso Cruz III for Best Supporting Actor, and Aiko Melendez, Sunshine Dizon and Max Collins for Best Supporting Actress.
If Direk Joel wins here, he will be the winningest Best Director awardee sa MMFF after having bagged it thrice.
Good luck talaga sa pelikulang ito!