NOEL FERRER: Concerned ang mga kasamahan sa trabaho sa isang kilalang production head dahil, lingid sa kaalaman ng iba, medyo matinding medical challenge ang pinagdadaanan nito.

Sa katunayan, may iba’t ibang tao na ang sumalo sa kanyang trabaho habang supposedly siya ay ginagamot at nagpapagaling.
Ang siste, atat na magbalik-trabaho ito kahit na ang sabi ng mga kinauukulan ay magpahinga muna siya.
Concerned ang kanyang mga anak at kaibigan.
Kung anu-ano na ang ginagawa nila para mapagsabihan ang naturang taga-produksiyon na maghinay-hinay —magpahinga at magpagaling muna.
GORGY RULA: Hindi ako sure sa production head na ‘yan, Sir Noel.
Producer ba siya? Director?
Baka kasi maapektuhan ang programa nito dahil sa paiba-iba na ang humahawak?
Baka pati mga paborito niyang artista, hindi rin gaanong ganahan magtrabaho dahil wala siya.
Definitely, nami-miss din niya ang mga paborito niyang artista na gustung-gusto niya.
Pero dapat ding unahin muna niya ang sarili, dahil marami pa siyang puwedeng gawin, at bata pa yata ‘to, di ba?
Kaya totoo talaga yung sinasabi ng iba na sa trabaho natin sa showbiz, dapat talaga bawas-bawas na ang sobrang stress.
Di ba, si Manay Lolit Solis, nagkasakit at hanggang ngayon inuubo at malat ang boses dahil sa sobrang stress daw?
Bago ang promulgation ni dating Senator Bong Revilla, sobrang stressed siya at hirap makatulog.
Sabi niya, sobrang anxious siya dahil sa takot kung ano ang ibababang hatol.
Pagkatapos nung araw na yun, nagkasakit na siya.
Kaya sabi niya, naniniwala talaga siya na magkakasakit ka sa sobrang stress.
“Akala ko, eklay-eklay lang yung sinasabi nila na nagkasakit sa sobrang stress at tension.
"Kasi, never ko naman na-feel noon ang sobrang stress.
“Ako lang yata ang nagbibigay ng stress at tension sa mga tao!” natatawang sabi ni Manay Lolit.
JERRY OLEA: Matapos mahatulan ng Sandiganbayan si dating Senador Bong Revilla, tinext ko si Manay Lolit at kinumusta.
Reply niya, “After Sandigan, umuwi ako, sleep, at nagising na hindi na catatonic.
“Now, may meaning na pag binati mo si Bong ng ‘Happy birthday’ at ‘Merry Christmas,’ di bah!!!”
Kaya kung gusto ng production head na ‘yan na maging merry ang kanyang Christmas, dapat siyang mag-rest-rest pag may time.
Otherwise, baka humantong siya agad-agad sa rest in peace.