NOEL FERRER: Tumataginting na PHP30 million ang first-day box-office gross ng Hollywood film na Aquaman sa Pilipinas.

Magandang senyales ito na kahit busy na ang mga kababayan natin sa Christmas shopping, bumalik sila sa sinehan para manood ulit ng sine.
Sayang lang at foreign film ang mas pinili nila kaysa sa isang pelikulang lokal.
Sana, ganito ring sigla o higit pa ang makita nating pagsuporta nila sa Metro Manila Film Festival 2018.
JERRY OLEA: Yumanig sa takilya ng China ang Aquaman nang magbukas ito roon noong Disyembre 7, Biyernes.
Nagtala ito roon ng $93.6M opening weekend gross—pinakamalakas na December opening sa nasabing bansa.
Pinanood ko ang superhero film ni Jason Momoa nitong opening day sa bansa—8:50 p.m. screening sa Cinema 1 ng Trinoma, QC.
Mga 85 percent puno ang sinehan, at maraming bata sa audience.
Gandang-ganda ako sa Aquamom na si Nicole Kidman, pero hindi ako masyadong na-excite o naantig sa istorya.
GORGY RULA: Expected nang malakas ang Aquaman. Kaya lang, nataon pang bago mag-MMFF.
Nabawasan ng pangsine ang mga tao na nag-aabang sa mga pelikulang kalahok sa MMFF.
Mapuputol pa ang showing niyan sa December 25 (maliban sa IMAX theaters at ilang special cinemas).
Ang mga mahihinang entry sa MMFF, tsugi na sa January para ibalik ang Aquaman.