GORGY RULA: Tiniyak nina Barbie Forteza at Mika dela Cruz na hindi sila magkakaroon ng anumang rivalry issue dahil iba na raw ang closeness nila bilang magkaibigan.
Sila ay dalawang bida ng bagong Kapuso prime-time series na Kara Mia.

Hindi maiwasan minsan sa isang drama series na nagkakaisyu ang mga bida, pero never daw ito mangyayari sa kanila.
Ayon kay Barbie, "Si Mika yung tipo ng tao na walang bahid ng showbiz sa katawan. Napakatotoong tao niya.
"Alam niyo naman ako. So, pag ganun ang tao sa akin, mahal ko talaga.
"Alam kong, \'Ay! Magiging kaibigan ko \'to!\'"
Nakatsikahan namin si Barbie sa media launch ng Kara Mia nitong February 12, Tuesday.
Ganun din daw si Mika, na parang kapatid na ang turing kay Barbie.
Aniya, "Si Barbie, para siyang ate ko. Grabe siyang maasikaso, maalaga, magkasundo kami.
"Madaming bagay na magkaparehas kami, pero may mga bagay na may kanya-kanya din kaming gusto."
Sa sobrang open nila sa isa\'t isa, umabot na raw sa nagkaalaman sila ng kani-kaniyang sikreto.
Iba ang bonding nilang dalawa dahil bukod sa halos araw-araw na taping ay magkasama pa sila sa mga regional promo shows.
Kuwento ni Mika, "Pag nag-regional kami at magkasama kami sa kuwarto, grabe!
"Ilang good night na kami, maya-maya may naalala siya, kuwentuhan uli.
"Umabot kami ng alas-tres ng madaling-araw, gising pa rin siya.
"Iba na yung bonding namin, e. Para kaming magkapatid na bata."
Singit ng boyfriend ni Barbie na si Jak Roberto, gusto na niyang magselos dahil halos hindi raw malapitan ang dalawang dalaga.
Pahayag ni Jak, "Hindi ko alam kung kailangan ko na rin bang magselos, kasi pag magkasama sila, sila lang talaga.
"Pareho silang may bakod na sila lang nagkakaintindihan.
"Pag lumapit ka, hindi mo sila madistorbo, kasi pareho silang may girl stuff."
Sa February 18 na magsisimula ang Kara Mia, na mapapanood sa GMA Telebabad pagkatapos ng 24 Oras.
NOEL FERRER: Kakaiba na naman itong konsepto ng teleseryeng ito.
Sana, ito na ang magpatibay ng stature ni Barbie as a TV-rater.
Madalas kasing mataas ang ratings ng pinagbibidahang teleserye ng dalaga tulad ng Meant To Be (2017) at Inday Will Always Love You (2018).
Kaya kahit hindi siya masyadong tinatangkilik bilang magaling na artista sa pelikula, may TV show siyang maipagmamalaki.
Dagdag na hamon pa na katapat ng Kara Mia ang ABS-CBN prime-time series na FPJ’s Ang Probinsyano.
Enough said. Good luck!
JERRY OLEA: Janus-faced ang pangunahing karakter sa teleseryeng Kara Mia—isang babae na may dalawang mukha.
Abangan kung ano ang "ipapamukha" nina Barbie at Mika kay Coco Martin at iba pang artista ng FPJ’s Ang Probinsyano!